Narito, at sa ilang libong taon sa mga kasaysayang nilakaran ng mga
piling karakter ng Lumang Tipan ng Biblia, ni minsan ay hindi
nabanggit ng mga kinilalang banal ng Dios (propeta) ang
salitang “TRINIDAD (Trinity),” o yaong salitang shlee sheeyah (Group of three).Sapagka’t ang kaisaisang katuruan na isinulong nilang lahat sa
kanikanilang kapanahunan ay ang Monotheism, na kung
lilinawin ay ang pagsamaba at pagkilala sa kaisahan nitong persona ng
Dios.
Gayon ma’y hindi kakaunting ulit na binanggit ng mga propeta ng
Dios ang Elohim, na sa biglang unawa ay nagpapahayag
ng karamihan ng Dios sa bilang. Subali’t kung ang titingnan sa
salitang ito ay ang natatangi nitong esensiya ay makikita ng maliwanag, na ang
Elohim ay hindi kailan man tumukoy sa maraming persona ng Dios,
kundi sa payak na paliwanag ay tumutukoy sa maraming bahagi ng Dios.
Ang persona ay tumutukoy sa entidad na pumapaloob
sa kalagayang Dios. Kaya kahit ilang persona ay maaaring pumasok sa
kalagayang ito, upang masabing kung tatlo (3) nga ay tatlong persona sa
kalagayan ng iisang Dios. Ang Dios nga kung
uunawaing mabuti ay iisa lamang sapagka’t itinuring ng marami na ito’y isa
lamang na kataas-taasang kalagayan. Sa makatuwid ay iisa lamang ang kalagayang
ito at wala ng iba pa, kaya nga maaaring kargahan ng kahit ilang persona ang
kaisaisang kalagayang nabanggit. Gaya halimbawa ng Persona ng Ama,
Persona ng Anak, at Persona ng Espiritu Santo. At yao’y
maliwanag na tatlong magkaka-ibang persona sa kalagayan ng iisang Dios.