Ang mga kautusan ayon sa hindi kakaunting balumbon ng mga banal ng kasulatan (Tanakh) ay mahigpit
na pinaiiral ng Ama nating nasa
langit. Bagay na una sa lahat ay karapatdapat pag-ukulan ng hustong pansin,
upang ang mga iyon ay matutunang sundin at masiglang isabuhay ng sinoman sa
kalupaan. Gayon ma’y pilit itong itinatakuwil at niwawalang kabuluhan ng marami
mula pa nang ito’y simulang isulat ng kaisaisang
Dios sa tapyas ng mga bato sa taluktok ng bundok Sinai.
Sa paglipas ng lubhang malayong
kapanahunan ay hindi kailan man naging makatuwiran ang mga nabanggit na kautusan sa unawa ng marami. Bagkus ay
natutunan nilang tangkilikin ng buong puso ang mga di-makatotohanang likhang doktrinang pangrelihiyon ng tao,
na malabis ang paghihimagsik sa buong katuwiran
ng Dios. Dahilan upang sila’y maging matutol at malabagin sa Kaniyang kalooban. Sila’y tila bulag na
nagsiyapos sa kahangalan at mga nilubidlubid na kabulaanan ng mga taong ang
tanging layunin ay kaladkarin sa tiyak na kapahamakan ang kaawa-awang kaluluwa ng kanilang kapuwa.
Lalo na ngang sa marami ay nagtumibay
ang gayong kasuklamsuklam na kaugalian, nang ituro ni Saulo ng Tarsus (Pablo) na ang kautusan
ng Ama ay inutil sa layuning maghatid ng kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit. Ano pa’t sa kakulangan ng higit
na nakakarami ng hustong kamalayan sa larangan ng tunay na kabanalan – ang
kahinaan nilang iyon ay sinamantala ng taong nabanggit at ang lubhang marami ay
napaniwala niya sa mga likhang taong
doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) at pinilipit na aral
pangkabanalan.