Karaniwan sa marami ang paniniwala na
ang mga tao ay tunay na pinagdadaanan, o sumasa ilalim sa pagsubok ng Dios. Umano’y sa kadahilanan na nais Niyang (Dios) patunayan ang katatagan
nila ng pananampalataya at mahigpit na kapit sa katuruang pangkabanalan (doktrinang pangrelihiyon), na sa
paniniwala nila ay siyang tunay na daan ng pagpapakabuti at pagpapakabanal sa
kalupaan. Ang ganyang kalakaran sa kalaunan ay naging masiglang kaugalian na
nagpasalinsalin sa hindi kakaunting henerasyon ng mga tao sa nasasakupan ng
apat (4) na direksiyong ng ating mundo.
Ang sali’t saling sabi na tumutukoy sa “pagsubok ng Dios” ay gayon pa ring
matibay na nananatili sa pagtanggap ng lubhang nakakarami, at ang ganyang
tradisyon ay siya ngang kadalasa’y masigasig na umiiral hanggang sa kasalukuyan
nating panahon. Nguni’t kung paano nagsimula ang ganyang uri ng kaugalian noong
una hanggang sa ngayon ay walang sinoman na makapagsabi. Gayon ma’y
nagtutumibay mula sa balumbon ng mga banal
na kasulatan (Tanakh) ang katotohanan hinggil sa komplikadong usapin na may
kinalaman diyan.