Sabado, Setyembre 28, 2013

ANG BAHAGHARI (Rainbow)

Ang perpektong arko ng bahaghari
Sa kahabaan ng maghapon tuwing babagsak ang ulan ay tila himala na nagpapakita sa marami ang bigkis ng iba’t ibang kulay na umaarko ng banayad sa hindi gaanong kalayuan. Gayon din naman sa kaiinitan ng araw ay lumilitaw ang ganyang kahanga-hangang tanawin sa paligid ng mga talon (falls) sa kabundukan. Iyan ay isang hindi pangkaraniwang tanawin na masiglang ipinamamalas ng inang kalikasan sa ating mga mata. Ang ganda nito’y hindi maihahambing sa kahit ano pa mang naggagandahang likas na panoorin sa kalupaan. Hatid nito ang trangkilidad, na nagpapahayag ng di maipaliwanag na kagalakan at kapayapaan sa sinoman.

Bahaghari (rainbow) ang naka-ugaliang itawag ng marami sa phenomenon na iyan. Sa kalaunan, at sa kasagsagan ng mga nakalipas na pagsasalin ng hindi kakaunting lahi ay nakasanayan na ng lahat sa buong kapuluan ang gayong katawagan sa kagilagilalas na panooring nabanggit. Bagay na nagbigay inspirasyon sa marami, upang lumikha ng samo’t saring kuwento (alamat), na naghahayag ng mga hakahaka tungkol sa pinagmulan nito na iniuugnay sa buhay ng mga tao, bagay, at kalikasan.
Gayon man ay nauna ng ipinakilala nitong rolyo ng mga banal na kasulatan(Torah) ang tanawing iyan. Ang bahaghari ay pinatototohanan ng nabanggit na kasulatan, na isang matibay na pakikipagtipan ng kaisaisang Dios sa ninuno nating si Noah. Iyan ay bilang tanda na kailan man at saan man ay hindi na Niya muli pang lilipulin ang makasalanang sangkatauhan sa pamamagitan ng tubig.

Ayon sa kasaysayan ay apat na pung (40) araw at apat na pung (40) gabi na nagparating ang Dios ng malakas at walang tigil na ulan. Higit sa sapat upang ang buong daigdig ay bahain at ang lahat ng kalupaan, pati na ang taluktok ng mga pinakamatataas na bundok ay inabot ng tubig at nangalubog na lahat sa bahang iyon. 

Sa madaling salita ay nangibabaw ang tubig sa buong kalupaan, na siyang naging mapait na sanhi ng pangkalahatang pagkalipol ng buong sangkatauhan, maliban sa mapalad na walong (8) nilalang.  Sila ay si Noah, at ang kaniyang asawa, ang tatlo (3) niyang anak, at ang kanikanilang asawa lulan ng malaking daong.

Ang paghupa ng malaking baha
Sa gayong pangyayari, nang humupa ang malaking baha at nagsimulang lumitaw ang kalupaan, kasunod nito’y kinausap ng Dios si Noah at sa kaniya ay nakipagtipan Siya. Wika Niya'y

“ Hindi na Niya muli pang lilipulin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng tubig,”

at ang tanda na nagpapatibay sa tipang iyon ay ang ‘bahaghari,’ gaya ng nasusulat, 

GEN 9 :
11  At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; NI HINDI KO NA LILIPULIN ANG LAHAT NG LAMAN SA PAMAMAGITAN NG TUBIG NG BAHA. ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. 

12  At sinabi ng Dios, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: 

GEN 9 :
13  Ang aking BAHAGHARI ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa. 

Katotohanan nga, na hanggang sa panahon natin sa ngayon ay patuloy na nasisilayan ng marami ang dakilang bahaghari. Iyan ay paalaala na minsan ay nalipol ang sangkatauhan sa pamamagitan ng tubig, at isang katibayang mula sa katuwiran ng kaisaisang Dios, na ang gayong paraan ng pangkalahatang paglipol ay hindi na mauulit pang muli.

Matapos nga ang bahang iyon, sa simula ng panibagong buhay ng sangbahayan ni Noah ay pinagkalooban sila ng mga kautusan, na siya nilang ginamit na panuntunan ng matuwid at maka Dios na pamumuhay sa mundong ibabaw. Lakip nito ang kabanalan na nagpapahayag sa pakikipag-isa ng sinoman sa Dios na may likha ng lahat-lahat sa dimensiyong ito ng Materiya at Espiritu

Kung si Moises ay may tinanggap na mga kautusan (Torah) mula sa taluktok ng bundok Sinai, ay nauna na ngang tinamo ni Noah ang mga kautusan (Sheva mitzvot B'nei Noach) sa ituktok ng bundok Ararat. Kung tawagin ito ay Noahide Laws at kilala din sa tawag na  Universal Laws.

Ang pitong (7) Unibersal na kautusan

1.      Hindi upang sumamba sa mga idolo. (Idolatry)
2.      Hindi upang sumpain ang Dios. (blasphemy)
3.      Hindi upang pumatay ng kapuwa. (murder)
4.      Hindi upang magnakaw. (theft)
5.      Hindi upang makisali sa sexual na kalaswaan. (sexual immorality)
6.      Hindi upang kumain ng mga bahagi ng buhay na hayop.
7.      magtatag ng mga korte ng batas upang ipatupad ang mga batas na ito.

Gayon ngang sa panahon pa lamang nitong si Noah ay may pinaiiral ng UNIBERSAL na mga kautusan ang kaisaisang Dios. Libong taon bago pa kamtin ni Moses ang mga kautusan ng Sinai (Torah) ay masigla na Niyang pina-iiral ang mga nabanggit na kautusan sa sangkatauhan. Kaya nga mula sa pagiging maibigin nitong si Abraham sa pagtalima sa Noahide Laws (7 laws of Noah) na kalooban ng ating Ama ay Kaniyang sinabi,

GEN 26 :
At aking pararamihin ang iyong (Isaac) binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito; at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; (Mat 7:17-19)

5 Sapagka’t SINUNOD NI ABRAHAM ang aking TINIG, at GINANAP NIYA ang aking BILIN, ang aking mga UTOS, ang aking mga PALATUNTUNAN, at ang aking mga KAUTUSAN. (Juan 5:19)

Ang mga kulay na inilalabas ng prism
Sa talatang iyan sa itaas ay hindi mahirap maunawaan, na ang tinutukoy ng Dios na Kaniyang mga kautusan ay wala ngang iba, kundi ang nabanggit na pitong (7) kautusan. Na siya rin namang tugmang bilang sa pitong (7) kulay na taglay ng bahaghari. Sa makatuwid baga’y lumalabas na simbolismo ng mga sumusunod na kulay ang bawa’t isa sa Unibersal na kautusan ng Dios? Ito kaya ay nataon lamang, o sinadya Niya na maging magkasing bilang, upang kumatawan sa isa’t isa?

Sakaling gayon nga ay maaring maipasiya na ang mga sumusunod na kulay ng bahaghari ay hindi lamang tumutukoy sa nabanggit na pangako ng Dios kay Noah, kundi ang mga iyan din naman ay kumakatawan sa naunang pitong (7) utos ng Ama nating nasa langit.

Batay sa hanay ng mga kulay na ipinahayag ng prism ay kumakatawan ang bawa’t kulay sa mga sumusunod na kautusan.

Red (Pula)   Orange(kahel)   Yellow(dilaw)   Green(Berde)   Blue(asul)   Indigo(anyil)   Violet(byleta)


1.     Ang pula (red) ay kulay na tagapagpaalala sa lahat na ang idolatriya ay gawang kinasusuklaman ng Dios.
2.      Ang Kahel (orange) ay kulay na tagapagpaalala sa lahat na ang Dios ay dapat sambahin at huwag kailan man sumpain ng sinoman sa mga tao.
3.      Ang dilaw (Yellow) ay kulay na tagapagpaalala sa lahat na ang pagpatay sa kapuwa tao ay mahigpit na ibinabawal ng Dios.
4.      Ang berde o luntian (green) ay kulay na tagapagpaalala na ang pagnanakaw ay mahigpit na ibinabawal ng Dios.
5.      Ang asul (blue) ay kulay na tagapagpaalala sa lahat na ang pakikisali sa seksual na kalaswaan, gaya ng seksual na pakikipagtalik ng lalake sa kapuwa lalake, at babae sa kapuwa babae. Ang sa seksual na pakikipagtalik ng tao sa mga hayop ay itinuturing na kasumpasumpa, kaya maipasisiyang ang karumaldumal na iyan ay kabilang sa unibersal na utos ng Dios.
6.      Ang indigo (anyil) ay kulay na nagpapaalala sa lahat na ang pagkain ng mga bahagi ng buhay na hayop ay mahigpit na tinututulan ng Dios.
7.      Ang byoleta (violet) ay kulay na nagpapaalala sa lahat na kailangang gumawa ang mga hukom na itinalaga ng Dios ng mga korte ng batas na magpapatupad sa mga nabanggit na kautusan sa itaas.

Ang isang bagay na dapat maunawaang mabuti sa akdang ito ay nakatawag sa pansin ng Dios ang pagiging masunurin ni Abraham,  at ni Isaac, at ni Jacob (Israel). Sapat upang ang tatlong (3) sangbahayan ay kagiliwan ng kaisaisang Dios at pagkalooban nitong putong ng pagkilala sa kabanalan nilang ginawa. Tanging kadahilanan, upang sila’y samasamang maluklok sa kanan ng Dios sa kaluwalhatian ng langit, na sinasabi,

MAT 8 :
11  At sinabi ko sa inyo, na marami ang magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit:

MATEO 25:
33  At ilalagay niya ang mga TUPA sa kaniyang KANAN, datapuwa’t sa KALIWA ang mga KAMBING.

34  Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang KANAN, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.

MATEO 25 :
41  Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa KALIWA, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:
Tunay ngang sa pagganap ng unibersal na kautusan pa lamang ay maluwalhati ng nakamit ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob ang karangalang maluklok sa kaharian ng langit. Dahil diyan ay isang napakalaking pagkakamali, kapag winika ninoman na ang kautusan ay mula lamang kay Moses

Sapagka’t ayon sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh) - mula pa lamang sa panahon ni Adan at Eva ay umiiral na ang lima (5) sa unibersal na kautusan. Matuwid ding bigyang diin, na ang mga kulay ng bahaghari ay hindi lamang tumutukoy sa sumpang pangako ng Dios kay Noah, kundi maliwanag di naman na ang mga nabanggit na pitong (7) kulay ay kumakatawan din sa pitong (7) kautusan (universal laws).
Ang Sampung utos
Hindi namin ipinahihiwatig, ni iminumungkahi man na ang mga kautusang iyan na lamang ang sundin at isabuhay natin sa kasalukuyan. Sapagka't mula sa panahong nilalakaran natin sa ngayon ay maliwanag pa sa sikat ng araw, na ang sumasakop na mga kautusan sa lahat ng tao sa kalupaan ay ang mga tinanggap na mga kautusan (Torah) ni Moses mula sa taluktok ng bundok Sinai. Nagsimula ang gayong kalakaran sa sandali na iukit ng Dios ang mga salita ng kautusan sa dalawang (2) tapiyas ng mga bato.
Gayon man, ang kautusan ng Ararat (Noah) ay tuwirang lumalayon sa pag-ibig sa Dios at pag-ibig sa kapuwa. Walang ipinagkaiba sa layunin, na pag-ibig sa Dios at pag-ibig sa kapuwa din naman ang nasusulat na mga kautusan sa mga kautusan ng Sinai (Moses). Sa gayo'y wala kaming anomang nakikitang kaibahan sa layunin ng dalawang (2) bungkos ng mga kautusan - lamang sa panahon ng pagpapalaya sa pagka-alipin ng Egipto ay tinapatan ng Dios ng sampung (10) bilang ng mga utos ang sampung (10) karumaldumal ng mga Egipcio, gaya ng mababasa sa ibaba,

(Gawain ng mga anak ng pagsuway)

            1. Ang pagkakaroon ng ibang mga dios.

            2. Ang pagsamba sa mga likhang larawan (idulo/rebulto) ng mga diosdiosan.

            3. Ang pagbanggit sa pangalan ng Dios sa walang kapararakan.

            4. Ang pagpapawalang kabuluhan sa mga araw at panahon ng pamamahinga.

            5. Ang paglapastangan sa Ama at Ina.

            6. Ang pagpaslang (pagpatay) ng kapuwa.

            7. Ang pangangalunya (pakikiapid).

            8. Ang pagnanakaw.

            9. Ang pagsaksi ng kasinungalingan laban sa kapuwa.

            10. Ang pagiimbot sa asawa ng iba at anomang pagaari ng kapuwa.

Kalayaan sa mga karumaldumal na iyan ang pagganap sa mga kautusan ng pagibig sa Dios, at sa mga kautusan ng pagibig sa kapuwa (Sampung [10] kautusan kay Moises). Sa gayo'y hindi minsan lang pinalaya ng Dios ang sangbahayan ni Israel, kundi iyon ay dalawang (2) ulit pa nga. Ang una ay ang pagpapalaya sa kanila sa pagkaalipin ng paraon ng Egipto, at ang pangalawa ay ang pagpapalaya sa kanila mula sa karumaldumal ng mga Egipcio at iyan ay ang pagtalima sa sampung (10) kautusan ng Ama nating nasa langit. 

Ang lahat sa kalupaan simula noon ay nagkaroon ng pagkakataon na makalaya mula sa pagka-alipin ng mga karumaldumal ng mga Egipcio. Kaugnay nito, kung ang Noahide Laws ang gagamitin matapos ang "unang pagpapalaya" ay hindi magkakaroon ng kaganapan ang "pangalawang pagpapalaya" sa sangbahayan ni Israel. Ito'y dahil sa ang nabanggit na mga batas ay pipito (7) lamang sa bilang. 


Sa makatuwid ay hindi sasapat ang bilang nito, upang lubusang makawala ang nabanggit na sangbahayan mula sa mahigpit na bigkis ng sampung (10) karumaldumal ng mga Egipcio. Iyan ang nag-iisang dahilan, upang hustuhin ng kaisaisang Dios ang bilang ng kaniyang mga mayor niyang kautusan sa sampu (10).

Nang magkagayon, mula sa natatanging panahong iyon ni Moses ay naging sapat at husto sa sinoman, na maluwalahating makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan ng kaniyang kaluluwa. Iyan ay ang katuparan sa kagandahang loob ng kaisaisang Dios na tumutukoy ng ganap sa "pangalawang pagpapalaya".

Sa pagtatapos ay matuwid na tandaan ng lahat, na ang bahaghari ay hindi lamang nagpapakita ng iba't ibang nakakabighaning kulay. Hindi lamang tagapagpaalala, na saan man at kailan man ay hindi na maglulunsad pa ang kaisaisang Dios ng pangkalahatang paglipol sa pamamagitan ng tubig. Hindi lamang tanda ng tipan ng ating Ama kay Noah. Kundi, isang magandang panoorin na kumakatawan sa Noahide Laws (Universal Laws), na siyang naging daan ng lahat noong una tungo sa buhay na walang hanggan ng kani-kanilang kaluluwa. Ang higit na malalim na kahulugan ng bahaghari sa makatuwid ay isang tanda, o simbolismo na tumutukoy ng ganap sa salitang, "kaligtasan ng kaluluwa."

Tamuhin nawa ng bawa't isa ang patuloy na daloy ng biyaya, na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungan (may unawa), at sagad na buhay sa kalupaan. 

Hanggang sa muli, paalam. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento