Halimbawa niyan ay ang tungkol sa aral ng Trinidad, na ang salitang Hebreo na tumutukoy sa אלהים ('ĕlôhîym) di umano ang isa sa pinakamatibay na katunayang biblikal, na nagpapatotoo sa maraming persona ng Dios. Iyan nga ang itinuturing ng marami na kongkreto nilang katibayan, na nagbibigay diin sa tatlong (3) persona, na ayon sa kanila ay kalagayang nilalapatan ng Dios.
Giit ng ilan, ang salitang אֱלוֹהַּ ('ĕlôahh) ay ang anyong pang-isahan (singular form) ng Dios, at kung may gayon Siyang anyo ay matuwid lamang na wikaing mayroon ding anyong pangmaramihan (plural form) ang Dios. Iyan ay wala ngang iba, kundi ang salitang אלהים ('ĕlôhîym). Sa kanila ay naging sapat na nga ang katibayang iyan, upang mapatunayan mula sa salita mismo ng Dios, na ang Kaniyang persona ay higit sa bilang na isa.
Gayon ma’y hindi nagpabaya ang mga tunay na tagapagtaguyod at tagapagtanggol nitong balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh). Sapagka’t sa artikulong ito ay gaya ng kadiliman na sinikatan ng liwanag ng araw ang usaping ganap na may kanalaman sa salitang אלהים ('ĕlôhîym). Ang gabi sa makatuwid ay hinalinhan ng araw, upang ang ultimo kailiit-liitan bahagi ng mga bagay at kasuluksulukan ng mga dako ay hindi makubli sa paningin at pang-unawa ng mga kinauukulan.
Hinggil sa napakahalagang usapin na may ganap na kinalaman sa salitang iyan ay gaya nga ng mga sumusunod na paliwanag.