Miyerkules, Marso 15, 2017

TANUNGIN NATIN SI PABLO

Narito, at mula mismo sa mga ipinangaral na mga salita nitong si Pablo ay maliwanag niyang tutugunin ng walang pag-aalinlangan ang ating mga katanungan sa kaniya. Malaking tulong sa sinoman ang ilang bagay na maliwanag niyang bibigyan ng kaukulang diin sa ating lahat. Dahil diyan ay lubos nating makikilala kung sino talaga ang personalidad na nakakanlong sa pangalan at katauhan niyang iyan.

Dito ay magiging isang matuwid na pamantayan ang sumusunod na kasabihan, gaya ng maliwanag na mababasa sa ibaba.

"Ang isda ay sa sariling bibig lamang nito nahuhuli ng kawil." 

Ngayon nga'y simulan natin ang pangangawil ng isda sa pamamagitan ng ilang katanungan na masigla at may pagmamapuri na nilapatan ni Pablo ng kasagutan, na ayon sa pangsarili lamang niyang pagmamatuwid. Masdan natin kung paano mahuhuli ng kawil ang sarili niyang bibig. 

Miyerkules, Marso 1, 2017

ESPIRITISMO SA ANYO NG DIYABLO

PAALALA:


Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang lumalapat sa kalagayan ng mga tunay na banal. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindiganang simulain ng sinoman. 
Nawa, sana, bago kami husgahan ay paka-unawain nyo munang mabuti ang buong nilalaman ng artikulong ito.

Ang banal na Tanakh ng Dios (Old Testament) ay pinalalakas ang loob ng mga tagasunod ng Cristo, na labanan ang anomang pandaraya ng demonyo (satanas) at ng kaniyang mga kampon (diyablo). Mula sa mga pinagtagnitagni na mga kabulaanan ay pinaniniwala niya ang marami, na ang kaniyang mga kasuklamsuklam na sugo ay mga aktuwal na manggagawa ng kaisaisang Dios ng langit.

Ang demonyo ay naipapahamak ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang mga hinirang na talaytayan (medium), na mga nagpapakilalang sisidlang hirang ng Espiritu ng Dios. Ang may kadayaan nilang aral ang siyang nagliligaw sa marami upang sila’y hindi magsisunod sa mga dakilang aral (Katuruang Cristo) pangkabanalan nitong balumbon ng mga banal na kasulatan (bibliya). Sila kung gayon ang isang kalipunan sa malaking bilang ng mga tao na malabis ang paghihimagsik sa natatanging kalooban (kautusan) ng Ama nating nasa luwalhati ng kalangitan.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay tuwirang ipinag-uutos ng kaisaisang Dios ng langit ang mga sumusunod na mahihigpit niyang kabawalan.