Sabado, Setyembre 9, 2017

KAWANGGAWA (agape) Sin caridad no hay salvacion posible

PAALALA:

Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindiganang kaalaman ng sinoman. Nawa, sana, bago nyo kami husgahan ay paka-unawain nyo munang mabuti ang buong nilalaman ng artikulong ito.

Hinggil sa larangan ng espiritismo sa buong kapuluan at sa ibayong dagat ay may nakabandera na salawikain, o doktrina na siyang tumatayong matibay na pamantayan ng kaligtasan. Marahil ay may ilan ng nagtanong, kung ito baga ay may awtentikasyon ng katotohanan na masusumpungan sa banal na kasulatan. Kaugnay niyan ay hindi naging mahirap sa mga nakaka-alam na ipaliwanag at ipagtanggol alinsunod sa Katuruang Pablo ang doktrina nila na gaya ng mababasa sa ibaba.

"SIN CARIDAD NO HAY SALVACION POSIBLE
 (without charity[Agape G26]) there is no salvation possible)." 


Ang ibig sabihin sa wika natin, 

“Sa kawalan ng kawanggawa ay walang posibleng kaligtasan.” 

Batay sa kinikilala at isinasabuhay na samo’t saring aral. Iyan ang eksistidong doktrina, o salawikain ng mga pinagbuklod (unyon) na kapatirang espiritista ng buong kapuluan at ng ibayong dagat.

Ang salitang CharityG26  ay dalawampung (20) ulit na binanggit ni Pablo sa kaniyang mga sulat at iyan ay sa mga sulat lamang niya mababasa.  Tanda na ang salitang iyan ay nabibilang sa samo’t saring aral na masusumpungan sa Katuruang Pablo. Paulinian origin sa makatuwid ang salitang iyan, na hindi dapat ipagkamali na nabibilang sa mga sagrado at dakilang aral ng Katuruang Cristo. Ang salitang iyan saan man at kailan man ay HINDI inari, ni napabilang man sa kalipunan ng mga sagradong aral ng Katuruang Cristo.