Sabado, Disyembre 16, 2017

PAANO NALALABAG ANG PANGALAWANG UTOS


Una sa lahat ay hindi kailan man namin nilayon na sirain ang kredibilidad ng sinoman sa aming mga kapatid, ni ibilad man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus, ang sa amin ay paglalahad lamang ng mga sumusunod na pahayag, kung paano nalalabag ng mga tao ang pangalawang (2) utos ng Ama nating nasa langit. Yamang mayroon mga nangaral hinggil sa kinikilala nilang doktrinang pangrelihiyon. Matuwid nila’y walang masama sa paggamit ng mga larawang inanyuan. 

Taliwas sa paniniwalang ito’y bayaan ninyong saliwan namin ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal ang mga sumusunod na paliwanag.

Ang kaisaisang Dios na siyang Ama nating lahat ay nagbaba ng mga kautusan (10 utos) sa kaniyang mga anak sa kalupaan. Ito’y sa layuning itaas ang kalagayan nila mula sa pagiging karaniwan (ordinary) hanggang sa masiglang antas ng tunay na kabanalan (holy). Ano pa’t may mga anak na sadyang ang nalalaman ay paghimagsikan ang sarili nilang Ama, at sa gayo’y pinipilipit nila ang lubhang maliwanag Niyang mga salita na tumutukoy sa kautusan.

Tampok na usapin sa atin ngayo’y ang tungkol sa pangalawang (2) kautusan, gaya ng nasusulat,

Biyernes, Disyembre 1, 2017

REPORMA SA TRADISYONG ESPIRITISTA

Taun-taon ay ginugunita natin ang mapait na pagkamatay at maluwalhating pagkabuhay ni Jesus. Iyan ay binubuo ng pitong (7) araw na pag-aalaala sa kaganapang iyon. Sa saliw ng pag-aayuno ng bawa’t isa ay naitutuon ng karamihan sa ating mga sarili ang sagradong kalagayan sa mga araw na iyan. Ito'y natataon kadalasan sa huling mga araw ng Marso hanggang ikalawang linggo ng Abril. Tinatawag natin ang mahalagang kaganapang iyan na, “Mahal na araw.”

Nakaugalin na ng kapatiran, na sa panahong nabanggit ay umakyat sa kabundukan. Iyan ay sa layuning ipangaral ang tinatawag natin na evangelio sa mga pinaniniwalaang engkanto, na umano’y nangangailangan ng mabuting balita

Gayon ma’y tila ang salitang iyan ay hindi ganap na napapag-unawa ng higit na nakakarami sa kapatirang Espiritista. Sapagka’t ang nakaugalian nating ipinangangaral na evangelio ay hindi ang evangelio ng kaharian, kundi ang likhang katuruan ni Pablo, na kung tawagin ay “evangelio ng di pagtutuli".

Hinggil diyan ay bayaan ninyo na sa inyo ay linawin namin ng may kahustuhan ang lehitimong evangelio na karapatdapat na ipangaral sa mga buhay, at maging sa kaugalian (sali't-saling sabi ng mga tao) ay mga tinatamwag na Espiritu ng kabundukan (Engkanto).