Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Juan Bautista. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Juan Bautista. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Enero 10, 2013

ANG NAGLILINIS NG KASALANAN



Si Juan ay nangaral ng mga katuwiran ng Dios sa ilang. Ang marami sa nangakarinig ng salita ay napagkilala ang mga nagawa nilang paghihimagsik sa kalooban ng kaisaisang Dios. Sapat upang sila’y taos pusong magsipagsisi ng kanilang mga kasalanan. Dahil dito ay iginawad ni Juan sa kanila ang simbulo ng pagsisising iyon, na dili iba kundi ang saglit na paglulubog ng kanilang buong katawan at ulo sa tubig ng ilog Jordan.

Tubig ang elemento na naglilinis sa dungis ng mga nilalang sa mumunting bahaging ito ng demensiyong materiya. Ano pa’t ang masigla at may galak sa pusong pagtalima sa natatanging kalooban ng Dios (kautusan) ang siyang naglilinis ng mga kasalanan. Ang tubig pagdating sa kasalanan ay isang simbulo lamang at katotohanan na hindi ito ang lumilinis sa dungis ninoman, kundi ang pakikipag-isa sa mga salita (kautusan) ng kaisaisa nating Ama na nasa langit.

Tinawag ni Juan na bautismo sa pagsisisi ng kasalanan ang gawaing nabanggit sa kapanahunan niyang iyon. Bagaman ang buong katawan at ulo ang inilubog sa tubig ay hindi nito nilinis ang kasalanan, bagkus ay ang labas ng katawan lamang. Gayon man, ito’y nagpakita ng isang napakatibay na tanda, na ang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi ay nahugasan at nalinis ng mga salita ng Dios na tumimo sa puso at tumatak sa kaisipan ninoman. Bakit? Sapagka’t pinatatawad ng ating Ama ang sinoman na taos sa puso ang pagsisisi sa kaniyang kasalanan.