Hayag sa balumbon ng mga banal na
kasulatan ang likas na kalagayan ng Dios, at doo’y mapapag-unawa ang lubos na
pagkakakilanlan sa kaniya bilang Ama ng lahat ng kaluluwa. Kabilang diyan ang
mga kautusan na ayon sa Kaniya ay
umiiral na magpasa walang hanggan. Gayon din ang Kaniyang pangalan na higit sa anim na libong (6,000) ulit binanggit
ng mga banal ng Dios (Mashiyach) na nabibilang sa buong sangbahayan ng mga anak
ni Israel.
Masoretic Texts ang mapapagkatiwalaang
(authoritative) matandang manuskrito na siyang ginamit na mapapanghawakang
batayan ng mga Israelita sa paggawa nila ng Bibliyang Hebreo. Gayon ma’y hindi
nailahad sa nabanggit na aklat, kahi man dalawa o isang ulit ang tama at
hustong pangalan ng Dios na natatala sa orihinal na teksto. Ang dahilan ay ang
pangamba ng mga nagsipagsalin na malabag ang pangatlong (3) utos ng Dios, na
sinasabi,
DEU 5 :
11 HUWAG
MONG BABANGGITIN ANG PANGALAN NG PANGINOON MONG DIOS SA WALANG KABULUHAN; sapagka't
hindi aariin ng Panginoon na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa
walang kabuluhan.
Katuwiran nila’y mabuti ng malihim sa
kaalaman ng marami ang pangalan ng Dios, kaysa naman ito’y magamit lamang ng
mga hangal sa walang kabuluhang bagay. Sa gayong kalakaran, ito nga'y totoong nalingid sa kaalaman ng marami, subali’t nagbunga naman ng kaawa-awang kalagayan sa
kaluluwa ng mga tao. Dahil sa hindi naging malinaw ang tama at
wastong pangalan ng Dios na nararapat bigkasin, kapag ang sinoma’y idinadalangin
sa Kaniya ang mga hinaing ng kanilang
kaisipan at damdamin.