24
Nilibot nga siya ng mga Judio, at sa kaniya'y sinabi, Hanggang kailan mo
pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag
sa amin.
Sa panahon ngang iyon ni Jesucristo ay hindi naging maliwanag sa mga Judio na nakapalibot sa kaniya, kung siya nga ba ang Cristo (Mesias), o hindi. Ito'y dahil sa kawalan nila ng pagnanampalataya sa mga salita (evangelio ng kaharian) na isinatinig ng sarili niyang bibig. Palibhasa'y hindi nila napapag-unawa na ang Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kabuoan ni Jesus ang siyang nagsasalita gamit lamang ang kaniyang bibig.
Bagaman sa panahon nating ito ay lubhang marami ang kumikilala kay Jesus bilang Cristo ay gayon namang halos lahat sa kanila ay hindi nauunawaan ang totoong kahulugan ng salitang iyan. Sa gayo'y matuwid sa sinoman na mabigyan ng kaukulang paglilinaw sa kaniyang isipan ang salita na tumutukoy sa gawaing may kinalaman sa Cristo. Ito'y upang mapag-unawa ang katotohanan hinggil sa likas na kalagayan ni Jesus, at malinawan ang maraming bagay na nalingid sa kaalaman ng marami noon pa mang una.
Ano nga ba ang ilang nakukubling kaalaman hinggil sa kaniya, na hanggang sa ngayon ay hindi pa nababatid at nauunawaang lubos ng marami?