Linggo, Abril 2, 2017

SAAN NANGGALING ANG PISTA NG “EASTER”


Lighting of Easter Candles
Taun-taon, tuwing panahon ng tagsibul (Spring) ay ipinagdiriwang ng mga Katoliko ang Mahal na Araw (Holy Week, Holy Days) at ito'y binubuo ng pitong (7) magkakasunod na araw mula Lunes hanggang Linggo. Ang huling araw nito'y tinatawag na Linggo ng muling pagkabuhay ni Jesucristo (Easter Sunday). Ang pistang nabanggit ay karaniwang tumatapat sa buwan ng Marso, kundi nama'y sa buwan ng Abril. Palibhasa, ang mga buwang ito'y sinasakop ng tagsibul (Spring) sa mga bansang may apat (4) na taunang yugto ng panahon. Ang Linggo na siyang huling araw ng kapistahan ay nakaugailang tawagin ng mga Ingles na 'Easter Sunday,' at kung saan nag-ugat ang salitang ito'y siya naming sa inyo ngayo'y liliwanagin.

Ang salitang “Easter” (Paskua ng Pagkabuhay) ay nag-ugat sa sinaunang relihiyong politeyismo (pagsamba sa maraming dios ng mga pagano), na sinasang-ayunang lubos at binibigyang diin  ng lahat ng mga iskolar. Ang salitang nabanggit ay hindi kailan man ginamit sa orihinal na kasulatan (Scriptures), at saan ma’y hindi nagkaroon ng kaugnayan sa anomang minamatuwid ng mga balumbon ng banal na kasulatan (biblia). Dahil dito ay tama lamang na gamitin ang terminong “Resurrection Sunday” (Linggo ng muling pagkabuhay) kay sa “Easter” (Paskua ng pagkabuhay), kung tinutukoy ang taunang pag-aalaala ng mga Kristiano sa pagkabuhay na muli ng Cristo.