Batay sa tradisyong pangrelihiyon ay itong si Pedro na kabilang sa labingdalawang (12) apostol ang siyang naging mapalad na nakapagtamo mula kay Jesucristo nitong susi ng kaharian ng langit. Iyan ang tradisyong katuruang pangkabanalan na sa ngayon ay matibay na pinaninidiganan ng iba't ibang denominasyon ng relihiyong Romano at Cristiano ni Pablo. Gayon ma'y tila ang mga katiwatiwalang katunayang biblikal ay may ibig na ipahiwatig na naiiba sa tinitindigang aral na iyan ng marami.
Hindi pinasisinungalingang si Pedro ang tumanggap nito, kundi may ipinahihiwatig na isang malalim na kahulugan ang tinatawag na "susi ng langit" Mula sa mga salita na lumabas mula sa bibig ni Jesus - kung pag-uukulan ng lalo't higit na malayong tanaw ay mababanaag ang isang dako, na kung saa'y kasusumpungan ng isa pang mahalagang anyo nitong susi ng langit. Kung saan nauukol at lumalapat ang bagay na iyan sa ikababanal ng sinoman ay siya naming sa inyo ngayon ay lalapatan ng kaukulang tanglaw.