.jpg) |
Ang perpektong arko ng bahaghari |
Sa kahabaan ng maghapon tuwing babagsak
ang ulan ay tila himala na nagpapakita sa marami ang bigkis ng iba’t ibang
kulay na umaarko ng banayad sa hindi gaanong kalayuan. Gayon din naman sa kaiinitan ng
araw ay lumilitaw ang ganyang kahanga-hangang tanawin sa paligid ng mga talon
(falls) sa kabundukan. Iyan ay isang hindi pangkaraniwang tanawin na masiglang
ipinamamalas ng inang kalikasan sa ating
mga mata. Ang ganda nito’y hindi maihahambing sa kahit ano pa mang naggagandahang
likas na panoorin sa kalupaan. Hatid nito ang trangkilidad, na nagpapahayag ng
di maipaliwanag na kagalakan at kapayapaan sa sinoman.
Bahaghari (rainbow) ang naka-ugaliang itawag ng marami sa phenomenon na iyan. Sa kalaunan, at sa kasagsagan ng mga
nakalipas na pagsasalin ng hindi kakaunting lahi ay nakasanayan na ng lahat sa
buong kapuluan ang gayong katawagan sa kagilagilalas na panooring nabanggit. Bagay
na nagbigay inspirasyon sa marami, upang lumikha ng samo’t saring kuwento (alamat), na
naghahayag ng mga hakahaka tungkol sa pinagmulan nito na iniuugnay sa buhay ng mga tao,
bagay, at kalikasan.