Lunes, Hulyo 16, 2018

ANAK NG DIOS



Sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh) nitong sangbahayan ni Israel ay hindi kakaunting ulit na tinukoy ang tungkol sa mga anak ng Dios. Bagay na maaaring gawing matibay na katunayan sa pagpapatotoo sa mga tema na may kinalaman sa usaping ito. Gayon ngang maliwanag na binibigyang diin ng mga nabanggit na kasulatan, na ang lahat ng tao ay anak. Dangan nga lamang ay mayroong anak ng pagsunod (tupa) at anak ng pagsuway (kambing)

Sa dalawang hanay nga lamang na iyan maaaring kilalanin ang anak. Kaugnay niyan, tiyak ngang anak ng Dios ang sinomang tao sa mundo, nguni’t ang tanong ay ito. Siya ba’y masiglang dumadako sa pagsunod, o nahuhumaling sa karumaldumal na pagsuway sa natatanging kalooban (kautusan) ng sarili niyang Ama na nasa langit?


Sa pagpalaot natin sa kalawakan ng usaping ito’y sulyapan nga muna natin ang ilang patotoong biblikal, hinggil sa pagbibigay diin ng mga lumang kasulatan (Torah), na sa simula pa nga lamang ay masigla ng umiiral ang eksistensiya ng mga anak ng Dios.