Sinabi nga sa Juan 1:1, na sa simula ay Siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. Iyan ay isang napakaliwanag na pahayag, dangan nga lamang ay hindi naging malinaw kung sino ang tinutukoy na "Siya" sa talata (Juan 1:1). Diyan ay hindi mahirap unawain na ang tinutukoy na panahon ay yaong "simula", at may tinutukoy na personalidad (Siya) na kumakatawan sa Verbo. Kasunod nito'y ipinahayag, na ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.
Gaya ng pagkakasunud-sunod,
1. Simula
2. Siya
3. Sumasa Dios ang Verbo
4. Dios ang Verbo
Mula sa saliw ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal, o nitong Katuruang Cristo ay atin ngang lapatan ng husto at wastong unawa ang apat (4) na paksang iyan sa itaas.
1. SIMULA
Kung sa simula pa lamang ay umiiral na ang Verbo, o ang salita. Maliwanag marahil sabihin, na ang ginamit ng kaisaisang Dios sa paglalang ay walang iba, kundi ang sarili niyang mga salita (Verbo).
Gaya ng mga sumusunod na salita na kumakatawan sa,
1. Katotohanan
2. Ilaw
3. Pag-ibig
4. Kapangyarihan
5. Paglikha
6. Karunungan
7. Buhay
Katotohanan kung tutuusin, na may Salita ng Katotohanan, Salita ng ilaw, Salita ng Pag-ibig, Salita ng Kapangyarihan, salita ng Karunungan, at salita ng Buhay.
2. SIYA
Matapos ngang bautismuhan ni Juan itong si Jesus, narito ang sumunod na kaganapan,
Mateo 3 :
16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;
Hindi mahirap unawain, na sa talatang iyan sa itaas ay madiing inilahad ang masiglang pagbaba ng Espiritu ng Dios, at paglapag, o pagsanib nito sa kabuoang pagkatao nitong si Jesus ng Nazaret. Gayon ngang sa tuwirang pananalita ay maipasisiyang sa pamamagitan ng bautismo ni Juan ay binabaan at sinaniban nitong Espiritu ng Dios ang kalooban at buong pagkatao ni Jesus.
Kaya nga hinggil diyan ay madiing winika ng apostol na si Juan ang mga sumusunod,
JUAN 1 :
14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin na puspos ng biyaya at katotohanan.
Hindi nga rin mahirap unawain, na nang si Jesus ay babaan nitong Espiritu ng Dios sa ilog Jordan ay napakaliwanag na iyon ang kaganapan ng pagkakatawang tao ng Dios. Sapagka't hinggil diyan ay tahasan niyang winika,
JUAN 8 :
28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo
ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI, KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.
JUAN 14 :
10 Hindi
ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO'Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI. kundi ang AMA na TUMATAHAN SA AKIN ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan
10:30).
JUAN
8 :
26 Mayroon akong maraming
bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa
akin ay totoo; at ang
mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. (Juan 15:15, 17:8)
Maliwanag kung gayon, na ang Verbo, o ang salita ay mula sa Espiritu ng Dios, na sa panahong iyon ay makapangyarihang namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoang pagkatao. Ang Verbo, o ang salita sa makatuwid ay napakaliwanag na hindi si Jesus, kundi ang nabanggit na Espiritu ng Dios.
1. SUMASA DIOS ANG VERBO (Salita)
Ang salita, o ang verbo kung gayon ay kumakatawan sa mga aral, na kung saan ay kasusumpungan ng mga salita na ikabubuti ng kaluluwa ninomang tao sa kalupaan. Palibhasa nga'y salita(verbo) ng Dios ay katotohanan na sumasa Dios.
Hindi nakapagtataka, kung bakit sa sangkatauhan ay mahigpit na ipinag-utos ng Ama ang mga sumusunod na salita (verbo).
Mateo 17 :
5 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.
Kaya naman pala mahigpit na ipinag-utos ng Ama ang gayon ay salita naman pala Niya ang masiglang ipinapangaral ng sariling bibig ng Cristo. Hindi naman gayong kahirap intindihin, na ang salita, o ang verbo ay mula sa Espiritu ng Dios, samantalang ang sa Cristo ay tinig lamang. Nang sa gayon ay umabot ang salita(verbo) ng Dios sa pandinig ng mga tupa na nangawaglit, o nangaligaw sa sangbahayan ni Israel.
JUAN
8 :
26 Mayroon akong maraming
bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa
akin ay totoo; at ang
mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. (Juan 15:15, 17:8)
JUAN 12 :
49 Sapagka’t
AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa
akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15,
17:8)
JUAN 7 :
16 Sinagot nga sila ni Jesus,
at sinabi, Ang turo ko ay hindi
akin, kundi doon sa
nagsugo sa akin. (Juan
15:15)
17 Kung
ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya
ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.
18 Ang nagsasalita ng sa ganang
kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ANG HUMAHANAP NG
KALUWALHATIAN NIYAONG SA KANIYA'Y NAGSUGO, ANG GAYON AY TOTOO, AT SA KANIYA'Y
WALANG KALIKUAN.
Isang maliwanag na katotohanang nagtutumibay, na ang mga katagang "sinasalita", "nagsasalita", "salitain", ay mga katagang nag-uugat sa verbo. Ang katagang "turo" na mababasa sa talata ay tumutukoy sa mga salita (verbo) ng nabanggit na Espirtu, na ang iba ay mga utos, na kung susundin ay siyang kapatawaran ng mga kasalanan, at pagkakaroon ng buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit.
Gaya ng napakaliwanag na nasusulat,
Eze 18 :
21 Nguni't kung ang masama ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga palatuntunan, at gumawa ng tapat at matuwid, siya'y walang pagsalang mabubuhay, SIYA'Y HINDI MAMAMATAY.
22 WALA SA KANIYANG MGA PAGSALANGSANG NA NAGAWA NIYA NA AALALAHANIN LABAN SA KANIYA: SA KANIYANG KATUWIRAN NA KANIYANG GINAWA AY MABUBUHAY SIYA.
JUAN
12 :
50 At nalalaman ko na ANG
KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na
sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON
KO SINASALITA.
Gayon ngang isang balidong garantiya sa sinoman, na ang lubos na kaligtasan ng kaluluwa at tiyak na kapatawaran sa mga nangagawang kasalanan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagsasabuhay, o pagsunod sa verbo ng Dios (salita ng Dios). Sa makatuwid baga'y ang balumbon ng mga aral pangkabanalan (Katuruang Cristo) na mismo ay ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus ng Nazaret.
4. ANG VERBO (Salita) AY DIOS
Isa nga ring nagtutumibay na katotohanang matuwid panghawakang mabuti ng sinoman. Ang Verbo ng kaisaisang Dios ng langit, palibhasa'y Salita ng Katotohanan, Salita ng Ilaw, Salita ng Pag-ibig, Salita ng Kapangyarihan, Salita ng Paglikha, Salita ng Karunungan, at Salita ng Buhay - Iyan ang dakilang presensiya ng Dios sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya. Sukat, o sapat, upang maglahad ng hindi mapapag-alinlangang katunayan, na ang nabanggit na Verbo ang siyang tanging manipestasyon ng Dios sa kalooban at kabuoan ng bawa't tao sa silong na ito ng langit.
Kaugnay niyan ay masigla at may diing winika ng mga tunay na banal, kung paano ang Verbo ng Dios ay nag kakaroon ng eksistensiya sa kalupaan. Ang Verbo ng Dios, kung gayon ay katotohanan na nagkatawang tao at masiglang nanahan sa gitna natin.
1. Espiritu ng Katotohanan
Isa 65 :
16 Na anopa’t siyang
nagpapala sa lupa ay magpapala sa Dios ng katotohanan; at siyang sumsumpa
sa lupa ay sumusumpa sa pangalan ng Dios ng katotohanan; ...
Juan 14 :
16 At ako’y dadalangin sa Ama, at kayo’y
bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan
man.
17 Sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng
sanglibutan; sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya’y
nakikilala ninyo; sapagka’t siya’y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.
JUAN 16:
13
Gayon ma’y kung
siya, ang Espiritu
ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa boong katotohanan:
sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang
bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang
ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.
KAW 8 :
7 Sapagka't ang aking bibig
ay sasambit ng KATOTOHANAN; at kasamaan ay
karumaldumal sa aking mga labi.
Hindi mahirap unawain ang ipinahahayag nitong Espiritu ng katotohanan, na siya ang natatanging patnubay ng sangkatauhan pagdating sa masiglang larangan ng katotohanan na sinasang-ayunang lubos ng kaisaisang Dios ng langit. Ang Espiritung iyan ang isa sa pitong (7) verbo ng Dios na siyang sumusupil sa mga pinaglulubidlubid na kasinungalingan ng marami, na hindi kailan man kumilala sa perpektong kaayusan at dakilang balanse ng kaisaisang Dios ng sangkalangitan.
Ang katotohanan ay katotohanan na siyang husto at ganap na patnubay ng sinoman na may kasipagan sa tanghalan ng tunay na kabanalan, o ng pinaka sagradong uri ng buhay sa kalupaan.
2. Espiritu ng Ilaw
2 Sam 22 :
29 Sapagka’t ikaw ang aking ilawan, Oh YEHOVAH; At
liliwanagan ni YEHOVAH ang aking kadiliman.
Juan 3 :
19 At
ito ang kahatulan, na naparito
ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw;
sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa.
Juan 8 :
12 Muli
ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang
sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng
kabuhayan.
Juan 9 :
5 Samantalang
ako’y nasa sanglibutan, ako
ang ilaw ng sanglibutan.
kaw 8 :
9 Pawang
malilinaw sa kaniya na nakakaunawa,
at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.
Ang sinoman nga'y nagnanais na maituntong ang kaniyang mga paa sa dako ng liwanag, na kung saan ay kasusumpungan ng mga malilinaw na tanawing tumutukoy ng lubos sa payak na buhay Espirituwal sa balat ng lupa. Sa hindi pagkabatid ng marami ay taglay na natin ang liwanag na iyan sa ating kabuoang pagkatao. Sapagka't isa iyan sa pitong(7) larawan at wangis ng Dios na sa sinapupunan pa lamang ng isang ina ay taglay na ng sangkatauhan.
Nakasangkap nga sa ating lahat ang larawan at wangis ng Dios na walang iba, kundi ang Katotohanan, Ilaw, Pag-ibig, Kapangyarihan, Paglikha, Karunungan, at Buhay. Matuturingan namin kayong mga sinungaling, kung hindi nyo sasang-ayunan na nasa kabuoan ko, mo, at ng sangkatauhan ang lahat ng iyan. Sa gayo'y nagkatawang tao ang salita (verbo) ng katotohanan at nanahan sa ating kabuoan.
3. Espiritu ng pagibig
Juan
14 :
23 Sumagot
si Jesus at sinabi sa kaniya, Kung
ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya’y
iibigin ng aking Ama, at siya’y gagawin naming aming tahanan.
1 Juan 4 :
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa
Dios; sapagka’t ang Dios ay pagibig.
1 Juan 4 :
16 At ating
nakilala at ating sinamapalatayanan ang pagibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pagibig; at ang
nananahan sa pagibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya.
Pro 8 :
17 Aking INIIBIG sila na nagsisiibig sa akin; at yaong nagsisihanap na
masikap sa akin ay masusumpungan ako.
Napakaliwanag ng nasasaad sa mga talata sa itaas. Ang Dios ayon diyan ay pag-ibig, na siyang tagapagbuklod, at hindi isang mangwawasak. Kung ang sinoman nga'y taglay ang pag-ibig sa kaniyang kabuoan ay makatotohanang sabihin na kaakibat ng kaniyang pagkatao ang larawan at wangis ng Dios. Sa kaniya kung gayon ay lumalarawan ang wangis ng Dios na iyan. Sa tuwirang salita ay kinakasihan siya ng Ama nating nasa langit. Sa gayo'y nagkatawang tao ang salita (Verbo) ng pag-ibig at nanahan sa ating kabuoan.
4. Espiritu ng Kapangyarihan
Isa
42 :
13
Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; at siya’y pupukaw
ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya’y hihiyaw, oo, siya’y
hihiyaw ng malakas; siya’y
gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.
Isa
42 :
25 Kaya’t ibinugso
niya sa kaniya ang pusok ng kaniyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; at sinulsulan
niya ang apoy sa palibot, gayon ma’y hindi niya naalaman; at sinunog siya,
gayon ma’y hindi siya naglagak ng kalooban.
KAW 8 :
14 Payo ay akin at
magaling na kaalaman: ako'y kaunawaan;
ako'y may KAPANGYARIHAN,
Ang kapangyarihan ay lakas na taglay ng sinoman sa kalupaan, at iyan ay mula sa kaisaisang Dios ng langit, na isa rin sa anyo o larawan Niya sa buong kalupaan. Nasa ating isipan at kabuoang pagkatao ang lakas at kapangyarihan, upang makakilos ng malaya at mula diyan ay maghayag ng mga kagilagilalas na mga ideya at gumawa ng mga bagay na sa ngayon ay maliwanag na sinasaksihan nating lahat. Tunay ngang sa sinoman sa atin ay lumalarawan ang wangis na iyan ng Dios. Sa gayo'y nagkatawang tao ang salita (verbo) ng kapangyarihan at nanahan sa kalooban natin.
5. Espiritu ng Paggawa
Isa 42 :
15 Aking gagawing giba ang mga bundok at mga
burol, at tutuyuin ko ang lahat nilang mga pananim; at gagawin
kong mga pulo ang mga ilo, at aking tutuyuin ang mga lawa.
Isa 66 :
2 Sapagka’t lahat ng mga bagay ay nilikha ng aking kamay, at sa
gayo’y nangyari ang lahat ng mga bagay, na ito, sabi ng Panginoon: nguni’t ang
taong ito ay titingnan ko, sa makatuwid baga’y siyang dukha at may pagsisising
loob, at nanginginig sa aking salita.
Gen 1 :
26 At
sinabi ng Dios, Lalangin nga natin ang tao
sa ating larawan, ayon
sa ating wangis: ...
KAW
8 :
30 Nasa siping nga
niya ako na gaya ng matalinong MANGGAGAWA: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na
lagi sa harap niya;
Ang Dios na manlilikha ay masiglang lumikha ng mga nilalang ayon sa kaniyang larawan at wangis. Gayon din naman gaya niya, ang sangkatauhan na Kaniyang Anak ay patuloy na lumilikha ng mga ideya at mga bagay. Saksi tayong lahat sa eksistensiya ng lahat ng iyan, na hindi maaaring pasinungalingan ng sinoman sa atin. Dahil diyan ay napakaliwanag na ang paglikha ay anyo ng kaisaisang Dios ng langit na lumalarawan sa bawa't tao sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya. Sa gayo'y nagkatawang tao ang salita (verbo) ng paglikha, o ng paggawa at tumahan sa ating kabuoan.
6. Espiritu ng Karunungan
1 Sam 2 :
3 Huwag
na kayong magsalita ng totoong kapalaluan, Huwag mabuka ang kahambugan sa
inyong bibig; Sapagka’t ang Panginoon ay Dios ng kaalaman (karunungan).
KAW 8 :
1
Hindi ba umiiyak ang KARUNUNGAN, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig?
kaw 8 :
8 Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran;
9 Pawang
malilinaw sa kaniya na nakakaunawa,
At matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.
kaw
8 :
12 AKONG KARUNUNGAN ay tumatahan sa kabaitan, at
aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita.
Ang karunungan nga'y wangis ng Ama nating nasa langit na lumalarawan sa kabuoan ng sangkatauhan. Iyan ay taglay ng bawa't isa sa layuning pasulungin at paunlarin ang kaisipan ng sinoman sa kalupaan. Nang sa gayon ay makaunawa at magsabuhay ng mga natatanging kalooban ng kaisaisang Dios ng langit. Gayon nga ring matutunan na iwaksi ang walang kabuluhang mga gawa, gaya ng kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, at kamatayan. At nagkatawang tao ang salita (verbo) ng karunungan at nanahan sa ating kabuoan.
7. Espiritu ng Buhay
Juan
6 :
33 Sapagka’t ang tinapay ng Dios ay
yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanglibutan.
Eze 37 :
14 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa
inyo, at kayo’y
mangabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at
inyong mangalalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa,
sabi ng Panginoon.
Kaw 8 :
23 Ako'y
nalagay mula noong araw mula ng WALANG PASIMULA, bago
nalikha ang lupa.
Lalabas nga tayong mga sinungaling, kung itatanggi natin, na ang wangis na iyan ng kaisaisang Dios ng langit ay hindi lumalarawan sa bawa't isa sa atin. Sapagka't ang Dios ay buhay, na ang eksistensiya ay masiglang nananatili na magpasawalang hanggan.
Ang buhay nga na taglay Niya kung gayon ay umiiral na bago pa Niya simulan ang lahat, at bago pa Niya nilikha ang dimensiyong ito ng materiya. Taglay nga natin iyan sa ating kabuoang pagkatao, kaya tayo ngayon ay malayang nangabubuhay sa sanglibutang ito. Sa gayo'y nagkatawang tao ang salita (verbo) ng buhay at nanahan sa sangkatauhan.
KONKLUSYON:
Hindi mahirap unawain, na sa masiglang paglikha ng Ama nating nasa langit sa dimensiyon ng Espiritu at dimemsiyon ng materiya ay ginamit niya ang Salita ng Katotohanan, Salita ng Pag-ibig, Salita ng Kapangyarihan, Salita ng paglikha, Salita ng Karunungan, at Salita ng Buhay. At sa gayo'y nagkatawang tao ang Salita (Verbo) at nanahan sa gitna natin.
Gayon din naman ang tao, palibhasa'y taglay ang lahat ng iyan sa kaniyang kabuoan, ay lumikha rin ng ayon sa inaakala niyang larawan at wangis ng kaniyang sarili. Sari-sari, iba-iba alinsunod sa kanikaniyang unawa sa kaniyang kabuoan.
Likas sa lahat ang pagtataglay ng larawan at wangis ng Ama nating nasa langit, dangan nga lamang ay marami ang hindi pa naaabot ang ganap na pagka-unawa at pagsasabuhay ng mga sangkap na iyan ng ating pagkatao. Kaya nga hindi kakaunti ang namamalagi sa kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, at kamatayan.
Saan man at kailan man, katotohanan na ang verbo (Salita) sa tuwiran at pinaka hustong unawa ay hindi kailan man tumukoy sa sinomang tao na nabuhay sa kalupaan, kundi sa mga nabanggit na larawan at wangis ng Dios na taglay nitong kabuoan ng sangkatauhan.
Ang sinoman kung gayon, na nagsasabing si Jesus (Yehoshua) mismo ang Verbo (salita ng Dios) ay lantaran na inililigaw at ipinapahamak ang sarili niyang kaluluwa. Sapagka't ayon sa hindi mapapasinungalingan na, "Katuruang Cristo" ay tinig lamang ang kay Yehoshua (Jesus), samantalang ang nabanggit na pitong (7) salita (verbo) ng Dios ay mula sa Espiritu ng Dios, na ang kapuspusan (fulness) ng mga iyon ay sumakaniya matapos na siya'y bautismuhan ni Juan Bautista sa ilog Jordan nitong bautismo sa pagsisisi ng kasalanan.
Ang verbo ay salita ng Dios, at ang katuruang Cristo ay gayon din na salita ng Dios, na tumutukoy ng ganap sa larangan ng tunay na kabanalan. Sa makatuwid ang verbo ng Dios ay walang ibang tuwiran na tinutukoy, kundi ang kadakilaan at sagraduhan ng Katuruang Cristo. Sa silong na ito ng langit, ang verbo kung gayon ay walang iba, kundi ang Katuruang Cristo.
Patuloy na tamuhin ng bawa't isa ang masaganang biyaya ng langit na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paglikha, karunungan, at buhay.
Hanggang sa muli, paalam.
Para sa inyong pakikibahagi at suporta sa sagradong gawaing ito. Click here
Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.