Biyernes, Pebrero 22, 2013

ANG BABALA (Kapahamakan ng kaluluwa)



Sa kasalukuyang panahon ay higit ng naging maingat ang karamihan sa pangsarili nilang kapakanan. Una-una ay sa kalusugan, kabuhayang pang materiyal at Ispirituwal, relasyong pampamilya, pagmamalasakit sa kapuwa at marami pang iba. Sa usaping ito ay tatalakayin natin ang ilang tanawin na may kinalaman sa pagmamalasakit sa kapuwa. Dahil maituturing na kabutihan ang gawaing, pagbibigay halaga sa kapakanan ng mga tao, hindi nga lamang sa kanila na malalapit sa ating puso at damdamin.

Tungkol sa usapin ng kapakanan at proteksiyon ay likas sa lahat na unahin ang kanikaniyang sarili sa mga gawain na nabanggit sa itaas. Gayon man ay isa pa ring kalugodlugod na gawaing pangkabanalan na paalalahanan ang ating kapuwa, kung sa tingin natin ay nalilihis ang kanilang sarili sa umiiral na batas at palatuntunan tungo sa matuwid na landas ng buhay.

Dahil dito ay hindi naging tamad at makupad ang marami para bigyang katuparan  ang kahalagahan ng bagay na ito. Sa mga pabalat (label) ng pangunahing bilihin ay makikita ang mga paalala at babala na nagsasabing makasasama ang mga produktong iyon sa kalusugan ng mga tao, at nagdudulot ng pagkakasakit at sa dulo ay kamatayan.

Linggo, Pebrero 17, 2013

MGA TUNAY NA LINGKOD NG DIOS


Mula sa lubhang malayong kapanahunan hanggang sa kasalukuyang henerasyon na ating kinabibilangan, ay laganap ang mga tao na nagsasabing sila’y kasama sa munting kalipunan ng mga tunay na lingkod ng Dios. Gayon ma’y malabis ang pag-aangkin ng bawa’t isa sa banal na kalagayang iyon. Dahil diyan ay hindi nila maiwasang maging gaya  ng mga mababangis na hayop sa ilang, na sa araw at gabi ay nagsasakmalan sa isa’t isa. Yan ay tanda na tila hindi nila nauunawaan ang totoong kahulugan ng kalagayang malabis nilang inaangkin, pinag-aagawan, at pinag-aawayan sa lahat ng oras.

Ano nga ba ang malinaw na kahulugan ng mga salitang, “Lingkod ng Dios?”

Ang ibig sabihin ng katagang, “Lingkod” ay utusan, o maninilbihan, at sa higit na malinaw na pananaw ay “tagasunod.” Kung lalapatan ng husto at angkop na paliwanag ay isang indibiduwal o kalipunan iyan na nakatalagang tumanggap at tumupad ng utos. Yan lamang ang kaisaisang layunin at tungkulin ng isang "lingkod."

Sa mundong ito ay isang nilalang, tao man o hayop na tagapaglingkod sa kaniyang panginoon ang tinutumbok na kahulugan niyan. Kung umiiral ang tagapaglingkod ay maliwanag din namang kaagapay niya ang kaniyang amo o panginoon na isang taga-utos. Sa mundo kung gayon ay dalawa ang kategoriya ng tao – ang una ay ang nag-uutos, at ang pangalawa ay ang inuutusan. Dahil nga diyan ay masiglang umiinog ang mundo ng bawa’t tao sa kalupaang ito, at sapat upang maunawaan ng bawa’t isa ang ginagampanang layunin sa kani-kaniyang itinataguyod na buhay.