Mula
sa madamong salansan ng mga burol sa kaparangan, gayon din sa kapatagan ng
pastulan ay karaniwan ng masusumpungan ang pulutong ng iba’t ibang uri ng
domestikado at maiilap na hayop. Kadalasan ang mga tupa, kambing, baka at iba
pa ay ginagabayan ng tagapag-alaga, na kung tawagin ay pastol. Kawan ang tawag
niya sa kabuoang bilang ng kaniyang mga alagang hayop at sila’y kaniyang binabantayan at inaaruga araw at
gabi.
Ang
pastol ay ginugugol ang buo niyang panahon sa pag-aalaga at pagtataguyod ng
kaniyang kawan. Nakikita ng matatalas niyang mga mata ang anomang akma, o banta
ng kapahamakan sa tinatangkilik niyang kawan. Kaagad ay naitataboy niya ang mga
umaali-aligid na mga maninila at mula sa pagkatakot ay madali niyang nailalagay sa kapanatagan ng kalooban ang buo niyang kawan. Nalalaman nila na mula sa pag-aaruga ng kanilang
pastol, saan man at kailan man ay hindi sila maaagaw ng sinoman at ng anoman sa
kaniyang mga kamay.
Lubos
ang pagkakakilala ng kawan sa kaniyang pastol at sa gayo’y masigla at may galak
na sila’y tumatalima sa bahagyang kumpas ng kaniyang mga kamay at nauunawaan nila ang
piling salita at ilang sipol ng kaniyang bibig.
Sa madaling salita ay tumatayong ulo ang pastol, na siyang pinagmumulan
ng anomang galaw ng kaniyang katawan (kawan).