Miyerkules, Pebrero 4, 2015

MULING PAGSILANG (Born Again)

Lahat tayo ay dumaan sa masiglang proseso ng paglikha sa pamamagitan ng siyam (9) na buwang pamamalagi sa bahay bata na punongpuno ng tubig. Iyan ang mapag-arugang sinapupunan ng ating ina, na kung saan ay sinisimbolo ang buhay, upang sa natatangi at takdang kapanahunan ay kamtin  ng sinoman ang maluwalhating pagsilang sa daigdig nating ito.

Ang sinoman nga’y ipinanganganak sa pamamagitan ng tubig na lumalagaslas mula sa sinapupunan ng isang ina. Sa gayo’y nagaganap ang pagsilang ng isang sanggol sa maliwanag, upang siya’y lumaki at maging isang anak na kalugodlugod sa paningin ng kaniyang ama at ina. Iyan sa makatuwid ang kung tawagin ay unang pagsilang, o pisikal na pagsilang, na kung lilinawin ay ang pagsilang sa tubig.
Kaugnay niyan, sa mga banal na kasulatan ay may sinasabi tungkol sa pagsilang na muli, at iyan ay sa pamamagitan ng Espiritu. Ang una nga ay ang pisikal na pagsilang (tubig) at ang pangalawa sa makatuwid ay ang pagsilang sa Espiritu. 

Ang kaisaisang Dios ay umaasa ng lubos na ang lahat ay hahantong at magtatapos sa banal na kalagayang iyan. Sapagka't ang pagsilang na muli ng sinoman sa Espiritu ay sinasabi ng kasulatan, na kalagayang makapaghahatid sa kaniya sa kaluwalhatian ng langit.

Na sinasabi,

JUAN 3 :
5  Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng TUBIG at ng ESPIRITU, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.

Ang lahat sa makatuwid, maging itong si Jesus ay dinaanan ang pagkapanganak mula sa tubig ng ina sa kaniyang sinapupunan. Datapuwa’t  sa totoong buhay ay maituturing na iilan lamang ang nagkakaroon ng pagkakataon na maipanganganak na muli, gaya ng pinatototohanang pahayag ng Dios tungkol sa mag-amang David at Solomon.

Na sinasabi,


AWIT 2 :
7 Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: Sinabi ng Panginoon sa akin, IKAW AY AKING ANAK; SA ARAW NA ITO AY IPINANGANAK (begotten) KITA.

1Ch 28 :
6  At kaniyang sinabi sa akin, Si Salomon na iyong anak ay siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga looban; sapagka't AKING PINILI SIYA UPANG MAGING ANAK KO, AT AKO'Y MAGIGING KANIYANG AMA.

II SAMUEL 7 :
13  Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian magpakailan man.

14  AKO’Y MAGIGING KANIYANG AMA, AT SIYA’Y MAGIGING AKING ANAK: … 
(ICronica 22:10)

EXODO 4:
22  At iyong sasabihin kay Faraon, ganito ang sabi ng Panginoon, ANG ISRAEL AY AKING ANAK, AKING PANGANAY:

Ang mag-amang David at Solomon na mga naging hari ng Israel ay halimbawa ng kasaysayan, na mga ipinanganak ng kaisaisang Dios ayon sa likas Niyang kalagayan sa Espiritu

Silang dalawa (2) lamang sa makatuwid ang marahil ay mga ipinanganak ng Espiritu mula sa kanikanilang kapanahunan. Sukat upang maluwalhating nilang kamtin ang kaganapan ng pangako na makapasok sa kaharian ng langit.

Ang sangbahayan ni Israel ayon sa pangalawang (2) aklat ng Torah (Exodo 4:22) ay ipinahayag ng kaisaisang Dios na Kaniyang anak na panganay. Ang isang bayan sa makatuwid ay inaari din naman Niya na kaniyang Anak, at gayon din na lumalapat sa kalagayan nitong ipinanganak ng Espiritu

Sa pangkalahatan, ang Israel ay itinangi ng Dios, dahil sa kalugodlugod nitong pagtangkilik, matapat na pagtataguyod, at masiglang pangangasiwa ng Kaniyang mga kautusan (Torah). Dahil diyan ay hindi na katakataka pa, kung ang Jerusalem man ay gawin niyang bago sa Kaniyang paningin.

Marahil ay hindi na nararapat pang palawakin ng husto, kung paano ang sinoman ay nagkakaroon ng kawiliwiling pagkakataon, na muli ay maipanganak sa pamamagitan ng Espiritu. Ang tingnan na nga lamang natin dito ay ang katuruang Cristo (Messianic Teaching), na nagsasabing pagsunod lamang sa kautusan ng kaisaisang Dios ang tanging susi, upang ang sinoman ay kamtin mula sa Kaniya ang gayong kabanal na kalagayan sa kalupaan.

Gaya nga ng ilang maliwanag na katuwirang ganap na sumasa Dios ay madiing sinabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Mula sa mga salita (evangelio ng kaharian [Katuruang Cristo]) na mismo ay may katapangan na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus – ang itinalaga ng kaisaisang Dios na pagtalima ng lahat sa kaniyang mga kautusan ang siyang tagapaglunsad ng sinomang kaluluwa sa buhay na walang hanggan. 

Sa tuwirang kongklusyon ay maipasisiyang naipanganak na nga sa Espiritu ang sinomang maluwalhating pinagtagumpayan ang masigla at may galak sa puso na pagsunod sa kautusan (Torah).

Alinsunod sa banal na kalagayang ipina-aabot ng kaisaisang Dios sa ating lahat ay nararapat nating pagdaanan ang pagsilang sa Espiritu.

Gaya nga ng nabanggit sa itaas kung paano pumapaloob sa pagsilang na muli ang sinoman sa kalupaan, na siyang esensiya ng larangang ganap na tumutukoy sa totoong kabanalan. Ang sagradong kalagayang iyan ay tunay ngang ikinalulugod ng kaisaisang Ama nating nasa langit.

Sa pagtatapos ng akdang ito ay pinatunayan at pinagtibay mismo ng mga salita (evangelio ng kaharian [Katuruang Cristo]) na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus ang mga bagay na may ganap na kinalaman sa pagsilang na muli (born again). 

Gayon din ang Tanakh ng kaisaisang Dios (Awit 2:7, 1Ch 28:6, IISam 7:13-14, Exo 4:22)  ay kinasumpungan ng ganap na pagsang-ayon sa katuwiran ng Cristong si Jesus.


Katotohanan sa makatuwid, na ang mga salita (evangelio ng kaharian) lamang ng Cristo ang siyang nagtataglay ng katiwatiwalang pahayag hinggil sa usapin na may kinalaman sa pagsilang na muli (pagsilang sa Espiritu.) 

Ang ibang doktrinang pangrelihiyon (ibang evangelio) na hindi umaayon sa mga patibayang aral na aming inilahad sa unang bahagi ng akdang ito ay maipasisiyang mga huwad na katuruan lamang.

Higit pa ba ninyong paniniwalaan at isasabuhay ang likhang doktrinang parelihiyon ng mga Gentil, kay sa mga salita (evangelio ng kaharian [Katuruang Cristo]), na mismo ay ipinangaral ng sarilig bibig ng Cristo?

Patuloy nawang tamuhin ng bawa’t isa ang walang patid na biyaya at pagpapala na masiglang inilalawit ng Dios, na siyang Ama nating nasa kaluwalhatian ng langit. 

Hanggang sa muli, paalam.


RELATED ARTICLE:
Ang Pagkabuhay na Muli ng mga Patay (Resurrection)  Click here


Ang Una at Pangalawang Pagsilang (first and second birth) Click here

Ang Una at pangalawang Kamatayan Click here

Reincarnation (pagkakatawang taong muli) Click here

Nakakausap ba ng mga buhay ang mga yumao Click here

SUPPORT:
Para sa inyong pakikibahagi at suporta sa sagradong gawaing ito. Click here

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento