Biyernes, Nobyembre 15, 2013

LAYUNIN NG PAGKASUGO KAY JESUS

Mula sa tradisyong pangrelihiyon partikular ang lubhang malaking kalipunan ng ng mga Cristiano ni Pablo ay hayag na kaalaman ang umano’y dahilan ng pagkasugo kay Jesus sa kalupaan. Ito'y sa layuning tubusin ang buong sala ng sangkatauhan. Ang dakilang hangaring iyan ay tuwirang naglagay kay Jesus sa hindi mapapantayang katanyagan. Dahilan upang ang marami ay magtumibay sa kani-kanilang kalooban ang pagtanggap sa kaniya bilang Dios, na kaisaisang tagapagligtas ng sanglibutan at manunubos ng sala ninoman.

Hindi lamang iyan, dahil sa siya ay pinaniniwalaan din ng marami na may ganap na kakayanan at kapamahalaan sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya nga ang lubhang malaking bilang ng mga tao sa mundo ay nailagak sa pangalan niya ang lubos nilang pagtitiwala. Dahil doon ay sinamba nila siya bilang isang Dios na totoo at sila’y nagsimulang maghandog ng mga panalangin – hindi lamang sa katubusan ng sala at kaligtasan ng kaluluwa, kundi na rin sa maraming pangangailangang pangmateriyal na minimithing makamit ng sinoman sa kalupaan.

Gayon man, higit sa lahat ay ang mga balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh) kabilang ang tinaguriang Bagong Tipan (NT) ng Bibliya ang siyang may higit na hurisdiksiyon sa pagpapahayag ng matuwid na sinasang-ayunan ng katotohanan kung ang tungkol diyan ang pag-uusapan. Sa madaling salita ay nasasalalay sa mga nabanggit na kasulatan ang pagpapahayag ng walang alinlangang katotohanan hinggil sa usaping iyan.

Dahil diyan ay papalaot tayo sa kalawakan ng kasaysayang nasusulat at masusi  nating sisiyasatin ang mga bagay na may higit na kinalaman sa isyung ito. Upang sa wakas ay bigyang linaw ang pag-aalinlangan ng marami sa awtentisidad ng lumalaganap na kaalamang pangkabanalan na tumutukoy dito.