Mula pa sa
kapanahunan ng mga totoong saksi ng Cristo ay isang napakatibay na paninindigan ng marami ang ganap nilang paniniwala sa mga salitang ipinangaral mismo ng
sariling bibig ni Jesus ng Nazaret. Gayon man ay hindi maikakaila, na ang mga
salitang iyon ay may pangangailangan ng kaukulan at presisyong unawa, upang
makita ng maliwanag ang husto at makatotohanang konteksto ng mga iyon.
Una sa lahat ay
matuwid na maging isang malinaw na kaunawaan sa lahat, na ang Cristo ng Nazaret
ay nasa likas na kalagayang tao. Na sa natatanging panahon niyang iyon, sa kabuoan
niyang pagkatao ay masigla at makapangyarihang pinamahayan at pinaghaharian ng Espiritu ng Dios (Espiritu Santo). Mula sa kaluwalhatian ng langit, ang nabanggit na Espiritu ay bumaba at lumukob sa kaniya matapos na ang bautismo sa pagsisisi ng kasalanan sa ilog ng Jordan ay matamo niya mula kay Juan Bautista.
Isang bagay na hindi
napag-unawa ng marami mula noong una at hanggang sa kasalukuyan nating kapanahunan.
Ang personal nilang palagay ay kay Jesus mismo ang mga salita na namutawi mula
sa sarili niyang bibig. Dahil diyan ay sa kaniya nila ibinaling ang lubos na
tiwala at pananampalataya, na ang ganap na kaukulan ay tanging sa tunay na Dios lamang. Gayon ngang siya’y ganap na
kinilala at lubos na sinampalatayanan ng higit na nakakarami hindi sa likas na
kalagayang tao, kundi sa pinakamatayog na pagkilala bilang isang tunay na Dios.