Biyernes, Nobyembre 1, 2013

DAGDAG-BAWAS SA KAUTUSAN

Ang pagpalaot sa larangan ng tunay na kabanalan ay may mahigpit na pangangailangan ng matapat at masiglang pagtalima sa mga natatanging kalooban ng Ama nating nasa langit. Layon nito na ilagay sa kahustuhan ang kamalayang pangkabanalan ng sinoman sa kalupaan. Bagay na sa kanino man ay nagpapaging ganap sa banal na kalagayan at nagpapatibay sa pagkilala bilang isang totoong kopa ng kabanalan (Holy grail).

Sa usapin na may kinalaman sa mga bagay na ikinalulugod ng Dios ay napakahalaga ang pagsunod na walang labis at walang kulang sa Kaniyang mga kautusan. Sapagka’t nais Niya’y kung ano ang utos ay gayon din ang nararapat na gawing pagsunod ng kaniyang mga anak. Halimbawa’y nang iutos niyang ang kaniyang mga salita ay huwag dagdagan, ni bawasan man. Ibig sabihin nito'y nais ng ating Ama na manatili sa orihinal na kalagayan ang Kaniyang mga salita, at sa gayo'y napakaliwanag na paglabag sa kaniyang kalooban na magdagdag at magbawas ni kudlit man sa mga iyon.

Dahil diyan ay lalabas na isang napakalaking kasiraan sa sinoman, kung ang mga salita ng Ama niyang nasa langit ay lalakipan niya ng mga pangsariling pilipit na dagdag na pagmamatuwid, at babawasan niya upang ang kahustuhan ng katuwiran nito ay magkulang.

Gaya nga ng katuwirang nagtutumibay hinggil sa usaping ito ay mariing sinabi,

KAW 30 :
6  HUWAG KANG MAGDADAGDAG SA KANIYANG MGA SALITA, Baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang SINUNGALING.

DEUT 12 :
32  Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong ISASAGAWA: HUWAG MONG DADAGDAGAN, NI BABAWASAN.

JER 26 :
2  ... ang lahat na SALITA na inutos ko sa iyo upang SALITAIN SA KANILA; HUWAG KANG MAGBABAWAS NG KAHIT ISANG SALITA.

Gayon ngang napakahigpit ang tagubilin o kautusan hinggil sa salita ng kaisaisang Dios,  na ang mga iyon ay huwag na huwag dadagdagan, ni babawasan man. Sapagka’t may ganap na kahustuhan ang katuwiran ng Dios na nararapat mapag-unawa ng lahat. Ano pa’t kung ang salita Niya’y madadagdagan, o mabawasan man ay hindi na nga magiging husto, o sapat ang makakarating na kaalamang pangkabanalan sa mga kinauukulan. Hindi kakaunti sa ating mga kapatid ang nakakaladkad ng ganitong uri ng katampalasanan sa tiyak na kapahamakan ng kanilang kaluluwa.


Tulad nitong mga kautusan ng Dios na tinanggap ni Moses mula sa taluktok ng bundok Sinai. Ang mga iyan ay mahalagang isabuhay ng lahat na hindi lalabis at hindi magkukulang. Kung ano nga ang pagkakasunod-sunod ng mga kautusan, batay sa mga iyon ay tatahakin ng lahat ang matuwid na landas ng buhay sa kalupaan. Ano pa't habang tinatanggap ni Moses ang sampung (10) kautusan (Exo 20:3-17) sa sumit ng bundok Sinai ay madiing winika ng kaisaisang Dios ang mga sumusunod na katuwiran,

EXO 20 :
6 At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

Sa makatuwid ay maliwanag na ang sinoman, kung gaganap sa mga kautusan ng pag-ibig sa Dios at sa mga kautusan ng pag-ibig sa kapuwa ay walang pagsala niyang matatamo ang kaawaan ng Ama nating nasa langit. Sa kabilang dako ayon sa mga sumusunod na salita magkakamit ng mapait na sumpa ng Dos ang gagawa ng katampalasanan sa kautusan, na sinasabi,

 DUET 27 :
26  SUMPAIN YAONG HINDI UMAAYON SA MGA SALITA NG KAUTUSANG ITO UPANG GAWIN.

Narito, at sa tao ay naghihintay ang dalawang uri ng kapalaran sa kalupaan - ang kaawaan ng Dios at ang galit ng Dios na siyang sumpa ng katampalasanan. Datapuwa't kung ang sinoma’y paiiralin ang likas niyang katalinuhang taglay ay natitiyak namin, na ang kaawaan ng Ama niyang nasa langit ang walang alinlangan niyang pipiliin at isasabuhay. Sa makatuwid, iyon ay ang masigla at may galak sa puso na pagtalima sa mga kautusan, na walang labis at walang kulang..

Tungkol sa usaping ito ay inilalahad namin sa ibaba ang hustong kautusan ng ating Ama, at ni tuldok, ni kudlit man ay walang maipasisiyang dagdag at bawas. Kung papaano nga ang mga iyan nasusulat ay gayon din naman ninyong mababasa na may ganap na kahustuhan sa likas nitong kalagayan.

Ayon sa nasusulat ay sinabi,


MGA KAUTUSAN NG PAGIBIG SA DIOS AT SA KAPUWA
                   Exo 20:
             1. (3)Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.

2. (4)HUWAG KANG GAGAWA PARA SA IYO NG LARAWANG INANYUAN O NG KAWANGIS MAN NG ANOMANG ANYONG NASA ITAAS NG LANGIT, O NG NASA IBABA NG LUPA, O NG NASA TUBIG SA ILALIM NG LUPA. (5) Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran sila,  sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin.  (6) At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

3. (7)Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

4. (8)ALALAHANIN MO ANG ARAW NG SABBATH UPANG IPANGILIN.  (9) Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain.  (10) Nguni’t ang ikapitong araw ay SABBATH sa Panginoon mong Dios; sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan:  (11) Sapagka’t sa  anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa’t pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at PINAKABANAL.

5. (12)Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

6. (13)Huwag kang papatay.

7. (14)Huwag kang mangangalunya.

8. (15)Huwag kang magnanakaw.

9. (16)Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa. (Deut 5:20) ni sasaksi sa di katotohanan laban sa iyong kapuwa)

10.    (17)Huwag mong imbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa; ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.

Ang sampung (10) kautusan na mababasa sa itaas ay siyang mga kautusan na lubos na kinikilingan at pinagtitiwalaan ng mga anak ni Israel, o ng mga anak ng pagsunod, na mga naging totoong banal sa kasalukuyan, maging sa nakaraang malapit at malayong kapanahunan. Nasa ganap ngang kahustuhan ang lahat ng iyan, kaya naman kapag isinabuhay ng sinoma’y tiyak na matatamo ang kaakibat na mabuti at dakilang pangako ng kautusan. Ang tungkol diyan ay madiing pinatotohanan ng mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesus, na sinasabi,

Sermon on the Mount
JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Narito, at mula mismo sa sariling bibig nitong si Jesus ay nagtutumibay ang katotohanan, na ang kautusan ng Ama nating nasa langit ay hindi kailan man lumipas, bagkus ay nananatiling umiiral na magpasa walang hanggan. Kaya nga isang malaking pagkakamali na sabihing niluma na ng panahon ang mga kautusang nabanggit, at ito'y hinalinhan na ng mga bagong kautusan.   Datapuwa’t sa totoong tanghalan ng tunay na kabanalan sa kalupaan ay may isang lubhang mahigpit na pangangailangan, at ito’y ang pagganap o pagsasabuhay ng buong sampung (10) kautusan. Sapagka’t kung magkulang man ng isa ay gaya ng maliwanag na nasusulat,

SANT 2 :
10  Sapagka’t ang sinomang gumaganap ng boong kautusan, at gayon ma’y NATITISOD SA ISA, ay nagiging makasalanan sa lahat.

Kaya katotohanan na itinatanglaw namin sa inyong mga kaisipan, na kailan ma’y hindi maaaring mabawasan, ni madagdagan man ang mga kautusan, o sabihin mang ang mga iyan ay wala ng anomang kabuluhan pa. Sapagka’t mawawalan ng saysay ang pagsisikap ninoman na mailakip ang kaniyang kaluluwa sa kaluwalhatian ng Ama niyang nasa langit - kung ang gagawin niya ay ang kabaligtaran ng mga nabanggit na utos.

Ano pa’t kapag ang mga isinaayos na kautusan ng mga kaparian nitong simbahang Katoliko ang pinagsikapan ninyong isabuhay ay walang pagsalang ang sinoma’y magiging lubhang makasalanan sa buong kautusan. Kung bakit magkakagayo’y masusi naming ilalahad ang hustong detalye ng mga bagay na may ganap na kaugnayan sa usaping ito.

Ang pagkakasalansan ng mga kautusan sa ilalim nitong katolisismo ng Emperiong Roma alinsunod sa saling Tagalog ay ayon sa mga sumusunod,


1.   Ibigin mo ang Diyos ng lalo at higit sa lahat.
(Ang pamunuan ng simbahang Katoliko ay sinadyang alisin sa listahan ng mga orihinal na kautusan ang una at pangalawang utos ng Dios na mababasa ng maliwanag sa Deut 5:7-9).

2.   Huwag ninyong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalan ng Panginoon. 

3.   Ipangilin mo ang araw ng Linggo.
                 (Ayon sa orihinal na kautusan ay araw ng Sabado ang pangingilin [Deut 5:12-15])  
                  hindi ang araw ng Linggo).

4.   Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina

5.   Huwag kang papatay. 

6.   Huwag kang makikiapid sa hindi mo asawa o huwag mangangalunya.

7.   Huwag kang magnanakaw.

8.   Huwag kang magbibintang at huwag kang magsisinungaling.

9.   Huwag kang magnanasa sa hindi mo asawa.

10.       Huwag kang magnanasa sa hindi mo pag-aari.
(Ang pangsampung utos sa orihinal na kautusan ay hinati sa dalawa at ginawang pangsiyam at pangsampu [Deut 5:21] sa bersiyon ng mga katoliko sa sampung utos ng kaisaisang Dios.)


Sa gayo'y marapat lamang na ang mga iyan ay lapatan ng kaukulang paglilinaw, nang sa gayo'y makapaghatid sa sinoman ng nararapat na pagka-unawa sa katotohanang inilalahad ng mga tunay na kautusan ng Ama nating nasa langit.
Ang Masamang Salin ng Sampung Utos

UNANG (1) KAUTUSAN
Narito, at sa mga orihinal na kautusan na mababasa sa Exo 20:3-17, at  Deut 5:7-21, ang una (1) sa sangpung (10) utos ay sinabi na, HUWAG KANG MAGKAKAROON NG IBANG MGA DIOS SA HARAP KO.” Samantalang sa kautusan ng Katoliko ay kakaiba ang mababasa sa unang (1) utos, na sinasabi, 

"Ibigin mo ang Diyos ng lalo at higit sa lahat ng bagay." 

Oo nga’t ito’y hindi maitatangging nasusulat, subali’t sa ibang kapanahunan binigyang diin ang usapin na may kinalaman diyan, at hindi matuwid na ito'y idagdag sa orihinal na salita ng sampung (10) kautusan, dahil sa iyan ay magtataglay na ng kakaibang konteksto na sukat ikaligaw ng sinoman.

Narito, at sa saling Tagalog ng mga kapariang Filipino ay lalo pang pinalala ang dagdag/bawas ng mga salita, dahil sa ang una sa orihinal na utos ay kanilang inalis at hinalinhan ng mga salita na mababasa sa itaas. Maliwanag itong mababasa sa larawan na nasa gawing kaliwang itaas.

Sa orihinal na kasulatan ng Tanakh nga’y iniuutos na ‘huwag magkakaroon ng ibang mga Dios’ sa harap ng kaisaisang Dios. Sa gayo’y maliwanag na Siya ay iisa lamang at bukod sa Kaniya ay wala ng iba pa.

Sa utos na idinagdag ng simbahang Katoliko sa unang kautusan ay sinasabing, “Ibigin ang Dios ng lalo at higit sa lahat ng bagay.” Gayon ma’y hindi iyan nagpapahayag ng katiyakan sa kaisahan ng Dios. Kaya maaaring igiit ng ilan na, “Iibigin ang Dios na lalo at higit sa ibang mga Dios.” Kaya maliwanag na ang utos na inilahok sa orihinal na kautusan ay tiyak na ikatitisod at makapagliligaw ng sinoman. Yao’y napakaliwanag na pagdadagdag ng mga salita, na mahigpit na ipinagbabawal nitong katuwiran ng mga balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh). Kahi man ang idinagdag ay salita din ng Dios ay mali pa rin, dahil sa ang mahigpit na utos sa lahat ay huwag magbabawas at huwag magdadagdag


Dagdag/bawas ng simbahang Katoliko
PANGALAWANG (2) KAUTUSAN

Ang pangalawa nga ay ito, 

(Exo 20:4)HUWAG KANG GAGAWA PARA SA IYO NG LARAWANG INANYUAN O NG KAWANGIS MAN NG ANOMANG ANYONG NASA ITAAS NG LANGIT, O NG NASA IBABA NG LUPA, O NG NASA TUBIG SA ILALIM NG LUPA. (5) Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran sila,  sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin.  (6) At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

(Sa orihinal na kautusan ng kaisaisang Dios ay mababasa sa Exodus 20:3-17. Samantalang sa salansan ng simbahang katoliko ay Exodus 20:3, 7:17. Ibinawas ang Exodus 20:4-6 mula sa orihinal na hanay ng mga kautusan, at ang talata 17 nito ay hinati upang maging pangsiyam (9th) at pangsampung (10th) utos. Ngayon ay sabihin natin, kung ang pamunuan ng nabanggit na simbahan ay nakagawa ng mabuti, o kasamaan na kinasusuklaman ng Ama nating nasa langit [Kaw 30:6, Deut 12:32, Jer 26:2])

Kung pag-aagapayanin ang orihinal (Tanakh) na pagkakasunod-sunod ng sampung (10) utos at ang salansan ng simbahang Katoliko sa nabanggit na kautusan ay hindi mahirap makita, na ang pangalawa (2) sa orihinal na utos ng Tanakh ay inalis na. Ito'y sa layuning takpan ang pagsasabuhay nila ng kasuklamsuklam na idolatriya. Ang kautusang nabanggit ay NAGBABAWAL NA GUMAWA NG ANOMANG LARAWANG INANYUAN NG MGA KAMAY NG TAO, at ang mga gayong karumaldumal na bagay ay mahigpit na ibinabawal ng Dios na pagpitaganan, sambahin at paglingkuran ng mga tao sa kalupaan.

Hayag naman sa lahat hanggang sa panahon nating ito, na ang Katolisismo ng paganong Emperiong Roma ay nagsusulong at nagtatanyag ng mga doktrinang pangrelihiyon na kumikiling sa pagsamba sa mga gawang larawang inanyuan ng mga kamay (idolatriya). Kaya hindi katakataka na maging ang mga salita ng kautusan ay pinanghimasukan nilang bawasan at dagdagan - nang sa gayo’y maikubli ang karumaldumal nilang iyon. Iyan nga ay napakaliwanag na pagbabawas at pagdadagdag sa mga salita ng kautusan, at ang gawang iyan ay mahigpit na tinututulan nitong katuwiran ng mga balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh).

Hinggil sa usaping ito ay madali lamang mahalata at mabuko ang pagtatakip ng sinoman sa ginagawa niyang kabalbalan. Sapagka’t inaalis at binubura niya ang mga bagay, o katibayan na makapagdidiin sa kaniya sa kalagayan ng isang totoong may sala. Gaya ng nangyaring iyan, palibhasa ay kaugalian ng mga paganong Romano na gumawa ng mga larawan, rebulto at iba pang kawangis ng mga iyan, upang pag-ukulan ng taos pusong pamimitagan, paglilingkod, at pagsamba. 

Para nga naman mapalabas na ang kasuklamsuklam na gawain nilang iyon ay hindi kabilang sa pinaiiral na mga kautusan ng Dios ay pinangahasan nilang burahin ang pangalawang (2) utos. Dahil diyan ay nagkaroon sila ng kalayaan na gawin ang gayong katampalasanan. Nguni’t kung sisiyasating mabuti ang rolyo ng mga banal na kasulatan (Tanakh) ay hindi kailan man iniutos ng ating Ama sa lahat, o sa kanino pa man na gawin ang gayong karumaldumal, sa layuning pagpitaganan, paglingkuran, at sambahin.

PANGATLONG (3) KAUTUSAN
Hindi rin mahirap makita ang maliwanag na nasusulat, 

HUWAG MONG BABANGGITIN ANG PANGALAN NG PANGINOON MONG DIOS SA WALANG KABULUHAN; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.” 

Gayon ma’y inalis sa bilang na ikatlo (3) sa orihinal na hanay, at ibinilang na ikalawang (2) kautusan sa salansang Katoliko. Palibhasa ay binura na ng kaparaiang katoliko ang pangalawang kautusan (Deut 5:8-9).  Ang pagkakasulat nga ng pangalawang utos sa salansang katoliko ay gaya nito. 

Huwag ninyong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalan ng Panginoon.” 

Sa tinatawag na Lumang Tipan ng Bibliya ay tumutukoy lamang sa Ama (YHVH) na nasa langit ang katagang, "Panginoon, o Panginoong Dios." Samantalang sa tradisyong Katoliko, ang salitang "Panginoon," bukod sa Ama ay inilapat din naman ng mga Romanong pagano kay Jesucristo, palibhasa anila'y "iisa lamang ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo" sa kalagayang Dios.. Dahil diyan ay nabago ang konteksto ng orihinal na utos mula sa kaisaisang persona ng pagka Dios ng Ama, at naging tatlong (3) persona sa kalagayang Dios ang pinalalabas na konteksto ng tradisyong Katoliko.

Ngayon ngang naialis na ang pangalawang (2) utos na pagkakakilanlan sa idolatriyang pamumuhay ng mga paganong Romano ay nangyari ngang naging ikalawa (2) na lamang ang dati ay ikatlong (3) kautusan ng Tanakh at gayon din sa ibang mga bilang pataas. Yao’y napakaliwanag na pagbabawas at pagdadagdag ng mga salita sa mayor na kautusan, na hayagang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa mga minor na kautusan ng kaisaisang Dios (Kaw 30:6, Deut 12:32, Jer 26:2)

PANG-APAT (4) NA KAUTUSAN
Ang kautusan ngang ito sa orihinal na salansan ay sa ika-apat (4) na bilang, at gaya ng mababasa, 

"Exo 20 :

(8) ALALAHANIN MO ANG ARAW NG SABBATH UPANG IPANGILIN."  (9) Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain.  (10) Nguni’t ang ikapitong araw ay SABBATH sa Panginoon mong Dios; sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan:  (11) Sapagka’t sa  anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa’t pinagpala ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at PINAKABANAL."

Ang ibig sabihin ng salitang “Sabbath” ay ang ikapitong (7th) araw (sabado), o ang huling araw ng sanglinggo (week). Hindi lingid sa marami na Linggo ang unang araw ng sanglinggo, kaya kung ito ang una ay maliwanag na Sabado ang huli, na siyang ika-pitong (7th) araw. Pangingilin, o pamamahinga mula sa anim (6) na araw na paggawa ang natatanging kahulugan ng salitang iyan.

Sa Dios nga’y pinakabanal ang araw ng Sabbath at sa gayo’y kailangang manatili sa kalagayan ng pamamahinga at pangingilin ang kaniyang mga anak sa buong nasasakupan ng panahong iyan. Ito’y bilang pag-aalaala sa paggawa niya sa loob ng anim (6) na araw at sa ikapito ay nagpahinga siya. Kaya ang lahat ng kaniyang mga anak sa kalupaan, sa ayaw at sa ibig man ay kailangang ipangilin ang banal na araw ng Sabbath. Ano pa’t maipasisiyang mapanghimagsik at maliwanag na paglabag sa kalooban ng kaisaisang Dios ang sinomang mangingilin sa araw ng Linggo, o sa ibang araw man.

Nguni’t sa salansan ng Katoliko ay naging pangatlong (3rd) utos na lamang ito at nakakabigla ang kinalabasan ng nabanggit na kautusan at gaya ng mandato nitong nabanggit na Simbahang Romano ay ganito na ang mababasa sa saling tagalog, na sinasabi,

Ipangilin mo ang araw ng Linggo."

Ang partikular na kautusan hinggil sa araw ng Sabbath (Sabado) sa makatuwid ay napakaliwanag na binago ng mga paganong Katoliko ng Roma, at imbis na Sabado ay ginawang Linggo ang araw ng pangingilin at pamamahinga mula sa anim na araw na paggawa. Iyan nga’y hayagang pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng mga kautusan na mismo ay sinalita ng kaisaisang Dios na nasa langit. Ang sinomang tao sa madaling salita, na kasusumpungan ng gawang gaya niyan ay maliwanag na pumapasok sa kategoriya ng abominasyon (kasuklamsuklam). Sukat upang umabot sa sukdulan ang galit ng Ama nating nasa langit, at ipataw sa sinomang gaya niyan ang mapait na kaparusahan. 


PANGLIMA (5) HANGGANG PANG-SIYAM (9) NA KAUTUSAN.

5. Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

6. Huwag kang papatay.

7. Huwag kang mangangalunya.

8. Huwag kang magnanakaw.

9. Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa. (Deut 5:20) ni sasaksi sa di katotohanan laban sa iyong kapuwa)

Mula sa salansan ng Simbahang Katoliko ay ginawang kautusan bilang 4, 5, 6, 7, at 8 ang orihinal na kautusan bilang 5, 6, 7, 8, at 9. Kasi nga’y ibinawas sa simula pa lamang ng orihinal na kautusan ang pangalawa nito, (Exo 20:4 HUWAG KANG GAGAWA PARA SA IYO NG LARAWANG INANYUAN....”) Katunayan lang na kung bakit inalis ang kautusang iyan ay upang pagtakpan ang napakasamang kaugalian nila, na may kinalaman sa paggawa ng mga larawan at rebulto ng mga santo at diosdiosan (idolatriya) at ang pagsamba sa mga iyon. Ang gayong kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay sa paningin ng Ama nating nasa langit ay pinag-uukulan nila ng masigla at bukal sa puso na pamimitagan, paglilingkod, at pagsamba. Palibhasa'y itinuturing nila ang gayong mga bagay na mga santo at mga dios na karapatdapat sa nabanggit na pagkilala.

PANGSAMPUNG (10) KAUTUSAN

(Exo 20:17) Huwag mong imbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa; ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.”

Ang kautusang iyan bilang sampu (10) ay hinati sa dalawa ng simbahang Katoliko at lumabas na gaya ng nasusulat sa ibaba:

 9.   Huwag kang magnanasa sa hindi mo asawa.

10.  Huwag kang magnanasa sa hindi mo pag-aari.

Layunin ng lathalaing ito na ilahad ang katotohanan na pilit ikinukubli ng mga tampalasan sa kaliwanagan. Gayon ma’y hindi dahilan ang matuwid na hangarin naming ito, upang ang sinoman ay husgahan kami at pakulin ng anomang uri ng panunuligsa at galit. Sa mata ng Dios ay hindi isang kasalanan ang maglahad ng katotohanan. Bagkus ay itinuturing Niya na isang pagpapahayag ng masigla at masigasig na adhikaing pangkabanalan ang gayong uri ng pagpapakatotoo. Ikinagagalit lamang ang gawang iyan ng mga tao, na ang tanging hangad ay ikintal sa isipan at damdamin ng kaniyang kapuwa ang kasinungalingan, na siyang kaisaisang ugat ng kasamaan sa kalupaan.

The Ten Commandments of the Vatican (Catholic Church)
Itinuturo ng mga obispo at pari ng simbahang Katoliko, na ang mga kautusan na mababasa sa itaas ay walang iba, kundi ang, “MGA UTOS NG DIOS,” datapuwa’t ang sa katotohanan ay sariling utos na lamang nila ang ilan sa mga iyon, palibhasa’y pinairal ng mga paganaong Romano ang kasuklamsuklam na Dagdag/Bawas sa mga salita ng kautusan. Sa gayon baga ay nagsasabi sila ng katotohanan o ng kasinungalingan? Kung kasinungalingan ay sapat iyon, upang magising ang lahat sa realidad, na sila ay biktima lamang ng mapanlinlang na kalipunan ng mga tao (paganong Romano), na ang tanging layunin ay walang awang kaladkarin sa dako ng kapahamakan, at kamatayan ang kaawa-awang kaluluwa ng kanilang kapuwa.

Sa ibaba ay maliwanag na makikita ang pagkakasulat sa orihinal na kautusan ng Tanakh sa wikang Ingles, at iyan ang sampung (10) kautusan ng Dios na tinanggap ni Moses sa taluktok ng bundok Sinai. Na ang mga iyon ay nasusulat sa tapyas ng mga bato. Iyan ang makatuwirang sundin ng mga tao sa kalupaan, at hindi ang sampung (10) kautusan na itinuturo ng mga paganong Romano (Vaticans) na mababasa sa itaas.



The Ten Commandments of God
MULI, ay laging alalahanin ang katuwiran ng mga sumusunod na salita ng kaisaisang Dios upang sundin. Ito ay napakaliwanag na binigkas ng kaisaisang Dios mula sa bibig ng mga tunay na banal. Ang mga iyan kung gayon ay karapatdapat kilalanin ng lahat bilang dakilang aral pangkabanalan na walang alinlangang sinasang-ayunang lubos ng KATOTOHANAN. Na sinasabi,

KAW 30 :
6  HUWAG KANG MAGDADAGDAG SA KANIYANG MGA SALITA, Baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang SINUNGALING.

DEUT 12 :
32  Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong ISASAGAWA: HUWAG MONG DADAGDAGAN, NI BABAWASAN.

JER 26 :
2  .. ang lahat na SALITA na inutos ko sa iyo upang SALITAIN SA KANILA; HUWAG KANG MAGBABAWAS NG KAHIT ISANG SALITA.”

Ang tanging kinikilala na gawang mabuti ng Ama nating nasa langit ay ang maluwalhating pagtalima lamang sa kaniyang mga kautusan. Ang gawang masama kung gayon ay ang pagpapawalang kabuluhan at pagsuway sa mga nabanggit na utos ng Dios. Gaano pa kaya kasama sa paningin ng Ama ang sinoman na nagdagdag at nagbawas ng mga salita sa Kaniyang mga kautusanna iyon ay naging sanhi ng kaawa-awang pagkaligaw at masaklap na pagkapahamak ng lubhang malaking bilang ng mga tao sa kalupaan?

Sa mundong ito, tanggapin man natin o hindi - katotohanang laganap sa lahat ng dako ang napakalaking hukbo ng kadiliman. Sila'y nakukubli sa baluti ng kasamaan, na sandatahan ng matutulis at matatalas na sable ng kasinungalingan. Kinawiwilihan at kinahuhumalingan nila ang pagbabawas at pagdadagdag sa mga salita ng Dios. Ikinagagalak ng masasama nilang puso na pilipitin ang katuwiran ng Ama na binibigyang diin ng mga banal na kasulatan (Tanakh). Kung paano nga sila makikilala ay gaya lamang niyan.


Patuloy nawang kamtin ng ating isipan at damdamin ang masaganang daloy ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay. 

Hanggang sa muli, paalam.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento