Hindi namin layunin na dungisan ang karangalan, ni
ibilad man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa, kundi ang maglahad
lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng katotohanan (biblical facts). Dahil dito ay
wala kaming nakikitang anomang kadahilanan, upang ang iba ay magalit sa amin,
at kami’y paratangan ng paninirang puri, o panghuhusga, ni pag-atake man sa aming kapuwa. Inaasahan namin ang lawak ng inyong unawa sa mga may kalabuang usapin na ngayo'y lalapatan namin ng kaukulang tanglaw.
Ang salitang “Orasyon”
ay hanay ng mga salita na pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihang mahika.
Ito umano’y isang uri ng kapangyarihan na nilikha gamit ang mga salita sa wikang Latin, Sanskrit, Hebrew, Aramaic,
at iba pang semitic na lengguwahe sa gitnang
silangan (middle east), at mula sa iba’t ibang wika ng kalakhang
Europa, America, at Asia.
Ang Orasyon (incantation) ay karaniwang
inere-recite na padasal o paawit bilang pangtawag ng pansin, o pagbibigay puri
sa pinaniniwalaang dios ng mga pagano. Sa ocultismo (magic, witchcraft/Sorcery) ay
ginagamit ito sa layuning ituon (ipukol) sa isang bagay o sa tao. Karaniwan ay pinaniniwalaang nakapagbibigay ng proteksiyon at magandang kapalaran (suwerte)
sa sinomang may taglay nito, at sinasabing nakakakontrol at nakapangyayari ang kakaibang lakas nito sa kalikasan, sa tao, at sa mga hayop.