Isang napakaliwanag
na tanawin sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya ang pag-iral ng
dalawang puwersa, na kung tawagin ay mabuti at masama. Anomang gawa na lubos
ang pagsang-ayon sa natatanging kalooban ng kaisaisang Dios ng langit ay
nabibilang sa dako ng mabuti. Kabaligtaran nito ay sa masama, palibhasa’y may
kalakip na pagpapawalang kabuluhan, pagsuway at paghihimagsik sa mga batas ng
Dios na matuwid sundin ng sangkatauhan.
Ang unang panig na kinatutuparan ng mabuti ay kilala sa tawag na
mga anak ng pagsunod, na tumatayo bilang kawan ng Dios. Ang pangalawa ay
dumadako naman sa hanay ng masama, na tanyag sa pagiging anak ng pagsuway(nadaya
ng masama), at nabibilang sa malaking kalipunan nitong kawan ng diyablo.
Gayon pa man ay
higit pa ring napakalaki ang bilang ng mga tao na nadadaya ng pangalawang
panig. Iyan ay dahil sa sila’y mahilig magpakunwari at magbalatkayo, na siya
nilang kadalubhasaan upang makalinlang ng marami at kaladkarin ang kaluluwa ng
sinoman sa tiyak na kapahamakan.
Kaugnay niyan,
lingid sa kaalaman ng marami ay may kanikaniyang pagkakakilanlan ang nabanggit
na dalawaang hanay, at iyan ay ang tanda ng Dios(mark of God), at ang tatak o
selyo ng hayop(seal of he beast). Ano pa’t mula sa husto at tamang pagkakilala
sa mga nabanggit na tanda at tatak, ay hindi magiging mahirap na mapag-unawa
kung saang hanay ang kinabibilangan ng sinoman sa kalupaan.