Miyerkules, Marso 1, 2017

ESPIRITISMO SA ANYO NG DIYABLO

PAALALA:


Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang lumalapat sa kalagayan ng mga tunay na banal. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindiganang simulain ng sinoman. 
Nawa, sana, bago kami husgahan ay paka-unawain nyo munang mabuti ang buong nilalaman ng artikulong ito.

Ang banal na Tanakh ng Dios (Old Testament) ay pinalalakas ang loob ng mga tagasunod ng Cristo, na labanan ang anomang pandaraya ng demonyo (satanas) at ng kaniyang mga kampon (diyablo). Mula sa mga pinagtagnitagni na mga kabulaanan ay pinaniniwala niya ang marami, na ang kaniyang mga kasuklamsuklam na sugo ay mga aktuwal na manggagawa ng kaisaisang Dios ng langit.

Ang demonyo ay naipapahamak ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang mga hinirang na talaytayan (medium), na mga nagpapakilalang sisidlang hirang ng Espiritu ng Dios. Ang may kadayaan nilang aral ang siyang nagliligaw sa marami upang sila’y hindi magsisunod sa mga dakilang aral (Katuruang Cristo) pangkabanalan nitong balumbon ng mga banal na kasulatan (bibliya). Sila kung gayon ang isang kalipunan sa malaking bilang ng mga tao na malabis ang paghihimagsik sa natatanging kalooban (kautusan) ng Ama nating nasa luwalhati ng kalangitan.

Gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay tuwirang ipinag-uutos ng kaisaisang Dios ng langit ang mga sumusunod na mahihigpit niyang kabawalan.


MAHIGPIT NA KABAWALAN NG DIOS HINGGIL SA KALAKARANG ESPIRITISMO
Gaya ng napakaliwanag na nasusulat sa balumbon ng banal na Tanakh ng Dios, na ang madiing wika ay walang ipinagka-iba sa mga sumusunod,

Lev 19 :
31  “‘Do not turn to MEDIUMS or seek out SPIRITISTS, for you will be defiled by them. I am the Lord your God. - NIV
(Huwag ninyong babalikan ang mga TALAYTAYAN (medium) ni ang mga ESPIRITISTA: huwag ninyong hanapin na magpakahawa sa kanila: ako si YEHOVAH na inyong Dios.)

Deut 18 :
10 Let no one be found among you who sacrifices their son or daughter in the fire, who practices divination or sorcery, interprets omens, engages in witchcraft,
(10 Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway,)

11 or casts spells, or who is a MEDIUM or SPIRITIST or who CONSULT THE DEAD.
(O enkantador ng mga ahas o TALAYTAYAN (medium), ESPIRITISTA, o SUMASANGGUNI SA MGA PATAY.)

12 Anyone who does these things is detestable to the Lord; because of these same detestable practices the Lord your God will drive out those nations before you.
(Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay KARUMALDUMAL kay YEHOVAH: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ni YEHOVAH na iyong Dios sa harap mo.)

13 You must be blameless before the Lord your God. - NIV
(Ikaw ay magpapakasakdal kay YEHOVAH na iyong Dios.)

Isa 8 :
19  “When men tell you to consult MEDIUMS and SPIRITISTS, who whisper and mutter, should not a people inquire of their God? WHY CONSULT THE DEAD ON BEHALF OF THE LIVING? - NIV
(At pagka kanilang sasabihin sa inyo, makipagsanggunian sa  mga TALAYTAYAN (medium) at mga ESPIRITISTA, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? DAHIL BAGA SA MGA BUHAY AY SASANGGUNI SILA SA MGA PATAY?).

Ang tatlong (3) kautusan na iyan sa iisang kaanyuan ay hayagan na niwalang kabuluhan ng mga espiritista at ng kanilang mga talaytayan (medium). Katunayan na sila’y hindi na napapasakop pa sa mga aral pangkabanalan nitong kaisaisang Dios ng bibliya. Sapagka’t higit pa nilang pinaniwalaan at isinabuhay ang mga mapanlinlang na bulong at talumpati ng mga talaytayan (medium)  na umano’y nangagpapakilalang sinasaniban, o dinadaluyan ng mga banal na espiritu.

Taas noo nilang ipinagmamagaling na sila ay mga espiritista at mayroon anila silang mga talaytayan (medium) na siya nilang tagasangguni sa pinaniniwalaan nilang espiritu ng mga patay at sa mga masasamang espiritu, na sa buo nilang akala ay mga banal na espiritu. Upang sila anila'y turuan ng higit pa sa katotohanan na masusumpungan sa mga balumbon ng mga banal na kasulatan(Tanakh)

Sila'y walang anomang ipinagka-iba sa mga bulag, pipi, manhid, bingi at walang panlasa sa katotohanan. Palibhasa ang kinahuhumalingan at kinawiwilihan nilang gawin ay yaon pang mga masasamang gawa na nabanggit sa tatlong (3) talata sa itaas, na may kahigpitang ipinagbabawal ng kaisaisang Dios ng langit na huwag gagawin at huwag isabuhay ng sinoman sa kalupaan.

Dahil sa malawakan nilang paglabag na iyan sa mga nabanggit na kautusan ng Dios - masakit mang wikain, ay napakaliwanag na ang alin mang samahan, o kapatiran, ni unyon (union) man ng tradisyunal na espiritismo sa buong kapuluan at sa ibayong dagat, ay katotohanan na wala sa dako na kung saan ay masusumpungan ang dakilang presensiya ng kaisaisang Dios ng langit. 

Bagkus ay nangagkakatipon sila sa malaking bulwagan ng pagpapakasama, pagpapakahangal, at pagpapakamangmang sa katuwiran ng ating Ama. Sa kadahilanang sila’y napapasakop na lahat sa mapanghikayat na matatamis at mabubulaklak na katuruang demonyo (Allan Kardec) nitong malaking kalipunan ng diyablo. Na sa pamamagitan ng mga hinirang nilang talaytayan (medium) ay nagsisipaghasik sa marami ng malagim na kamatayan sa maliit na bahaging ito ng dimensiyong materiya.


PANGANGALUNYA SA TURO NG DEMONYO
Maliwanag ngang PANGANGALUNYA, o PAKIKIAPID sa katuruang demonyo ang kasuklamsuklam na kaugaliang iyan ng ilang kalipunan sa buong kapuluan na nangagpapakilalang mga espiritista. Sapagka’t katotohanan na ang sangkatauhan ay mahigpit na binigkis ng kaisaisang Dios ng langit sa buo niyang kautusan, palatuntunan, at kahatulan upang sundin ng lahat

Saan man at kailan man,  ang sinoman kung gayon ay walang anomang maaaring gawing kaparaanan, upang siya'y kumawala, ni humiwalay man at hindi magpasakop sa mga kautusan ng Dios. Kahi man ang mga kampon ng kasamaan (demonyo) ay hindi natakasan ang kautusan, palibhasa'y pumapaloob ang lahat sa matuwid at dakilang kapamahalaan ng kaisaisang Dios ng langit.

Sinomang tao sa makatuwid na humiwalay at hindi magpasakop sa kalooban ng Dios na iyan ay lalapat ng maliwanag sa pakiki-apid sa karumaldumal na katuruan ng mga demonyo. Dahil sa dalawa (2) lamang ang mga aral na pagpipilian ng sangkatauhan. Ang mga iyan ay tumutukoy ng ganap sa turo ng kaisaisang Dios ng langit at sa turo ng mga demonyo lamang.

Ang mga nabanggit na samahan, o unyon ng mga espiritista ay lantaran na hindi sinunod at niyurakan na tulad sa pamunasan ng mga maruruming pangyapak ang tatlong (3) nabanggit na mahihigpit na kabawalan ng Dios sa itaas. Sapagka't sila'y kumilala at naglagak ng lubos nilang pananampalataya sa mga nagpapakilalang talaytayan (medium), at nagsipaniwala sa hidwang aral ng umano'y espiritu ng mga patay.

Isang napakaliwanag na katotohanan kung gayon, na sila ay walang alinlangan na nagsisitangkilik, nagsisipagtaguyod, nagsisipagtanggol, nagsisipangaral, at nagsisisunod sa kasuklamsuklam na turo ng mga demonyo. Sa tuwirang salita, dahil sa hindi nila inaring katotohanan, at hindi nila sinunod upang isabuhay ang mga nabanggit na tatlong (3) magkakatulad na kautusan ng Dios. Napakaliwanag sa makatuwid na ang higit nilang pinili upang sundin at isabuhay ay ang turo ng mga demonyo

Sa huli ay mauuwi sa wala ang kanilang eksistensiya sa kalupaan. Sapagka't sa buhay na ito ay tila bato sa patuloy na pagmamatigas ang kanilang damdamin, na huwag sundin ang mga nabanggit na kautusan ng Dios sa akdang ito. 



PAGPAPAWALANG KABULUHAN SA KAUTUSAN (OT)
Sa ibang dako, wika ng mga hibang at hangal sa paningin ng Dios ay lumipas na sa panahon ang buong nilalaman ng banal na Tanakh ng Dios (OT). Kaya ito ay hinalinhan na di-umano ng bagong mga kautusan. Kung lilinawin pa, anila'y wala na itong kabuluhan pa, o inutil na sa natatangi nitong layunin, palibhasa'y luma, matanda na, at dahil diyan ay pinalitan na ng bago. 

Laban at bilang pagsupil sa mapangahas na pahayag nilang iyan ay unawain nga nating mabuti ang mga sumusunod na katuwiran ng kaisaisang Dios ng langit. Iyan ay hinggil sa walang hanggan na pag-iral ng mga binitiwan Niyang salita noong una, na masiglang pumailanglang sa buong kalawakan ng dimensiyong ito ng materiya.


AWIT 89:

34  Ang tipan ko’y hindi ko sisirain. Ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.

AWIT 105 :
7  Siya si YEHOVAH  na ating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa boong lupa.

8  Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali’t saling lahi.

AWIT 111:
7    Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay KATOTOHANAN  at KAHATULAN. Lahat niyang mga tuntunin (kautusan) ay tunay.

8    NANGATATATAG MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Mga yari sa KATOTOHANAN  at KATUWIRAN.

ISA 40 :
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta: nguni’t ANG SALITA NG ATING DIOS AY MAMAMALAGI MAGPAKAILAN MAN.  

Mula sa mga hindi mapapag-alinlangang katunayang biblikal na nahahayag sa itaas, ay tuwirang sinalita ng Dios mula mismo sa bibig ng kaniyang mga banal, na ang mga salita, kautusan Niya ay nananatili at nangatatatag magpakailankailan man

Napakaliwanag kung gayon, na ang buong nilalaman nitong banal na Tanakh ng Dios (OT), saan man at kailan man ay hindi naluma at hindi nangailangan ng anomang kahalili, ni nawalan man ng bisa sa natatangi nitong layunin. Sa gayo'y katotohanan na nagtutumibay ang mga katuwiran na tahasang iniutos ng Dios sa Lev 19:31, Deut 18:10-13, at sa Isa 8:19 na huwag gawin at huwag isabuhay ng sangkatauhan.

Kaya walang anomang matuwid na kadahilanan, upang ang mga nabanggit na kautusan na iyan ay huwag sundin. Bagkus ay matuwid sa paningin ng Ama nating nasa langit, na ang mga nabanggit na kabawalan ay ganap na pakinggan, at makatuwirang hindi nararapat gawin. Sapagka't walang anomang balido na sintidong biblikal upang isabuhay ng sangkatauhan.

Isang napakatibay na deklarasyon ng Dios, na ang anomang turo na magpapawalang kabuluhan sa kaniyang mga kautusan ay ganap na lumalapat sa isang hayagan, at maliwanag na paghihimagsik sa natatanging kalooban ng kaisaisang Dios ng langit.


KATURUANG CRISTO: SUNDIN ANG KAUTUSAN
Ano pa't tungkol sa tinatawag na lumang tipan ng bibliya, na kasusumpungan ng mga utos ng Dios. Hinggil diyan ay madiin at may katapangan na sinalita ng sariling bibig ni Jesus ang mga sumusunod,


MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang KAUTUSAN o ang mga PROPETA: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA. 

Isang katotohanan na hindi maaaring pasinungalingan, ni itanggi man ng sinoman, na ang kautusan (torah) ng Dios ay napakaliwanag na itinuturo ng sariling bibig ni Jesus na malayang sundin at isabuhay ng sangkatauhan. Sapagka't nalalaman niya na ang pagsunod sa utos ng Dios ay walang pagsala na maglulunsad ng sinoman sa buhay na walang hanggan. Katunayan lamang na nasa pinaka epektibo at pinakamalakas na kalagayan ang kautusan (torah) upang ang sinoman ay maihatid nito sa kaluwalhatian ng langit, na kung saan ay walang pagsalang kasusumpungan ng kabuhayang walang hanggan. 


PAGPIGIL SA PAGTATAMO NG BUHAY NA WALANG HANGGAN

Ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan ay puspusang pinipigilan ng kampon ng sukdulang kadiliman, kaya sa pangangaral ng kanilang mga huwad na evangelista at mga palsipikadong talaytayan (medium) ng kalipunang espiritista ay itinuturo nila, na ang kautusan (torah) ng lumang tipan (OT) ay wala ng bisa at lumipas na. 

Sa halip, anila'y ituon na lamang nila ang kanilang sarili sa pananampalataya na walang gawa ng kautusan. Sa paraan nilang iyan ay mapipigilan nila na ang sinoman ay matamo ang walang hanggang buhay. Kung magkagayon ay nagtagumpay ang demonyo at ang kaniyang mga kampon, sa layunin na isa man sa atin ay hindi makapagtamo ng buhay na walang hanggan

Gayon man, hinggil sa bagay na ito ay napakaliwanag ang salita na madiing iniutos ng kaisaisang Dios ng langit, na sinasabi,


DEUT 30 :
10  Kung iyong susundin ang tinig ni YEHOVAH na iyong Dios, upang tuparin mo ang kaniyang mga palatuntunan na nasusulat sa AKLAT na ito ng KAUTUSAN. Kung ikaw ay MANUNUMBALIK sa Panginoon mong Dios ng iyong boong puso, at ng iyong boong kaluluwa.

11  Sapagka’t ang UTOS na ito na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, ay HINDI TOTOONG MABIGAT sa iyo, ni MALAYO. (1 Juan 5:3)

12  Wala sa langit, upang huwag mong sabihin, SINONG SASAMPA SA LANGIT PARA SA ATIN, at MAGDADALA niyaon sa atin, at MAGPARINIG sa atin, upang ating MAGAWA.

13  Ni wala sa dako roon ng dagat, upang huwag mong sabihin, SINO ANG DARAAN SA DAGAT PARA SA ATIN, at MAGDADALA niyaon sa atin, at MAGPAPARINIG sa atin, upang ating MAGAWA.


14  KUNDI ANG SALITA AY TOTOONG MALAPIT SA IYO, SA IYONG BIBIG, at sa iyong PUSO, upang iyong MAGAWA.

Sa Deut 30:11-13 na mababasa sa dakong itaas ay isang katotohanan na walang anomang pangangailangan pa sa mga talaytayan (medium), upang ang salita at aral ng Dios (katuruang Cristo) ay maipaabot sa sanglibutan. Sapagka't ang kautusan (Torah) sa ikaliligtas ng kaluluwa at sa ikapagpapatawad ng kasalanan tungo sa buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit ay malaon ng naibaba sa lupa.

Ang katotohanan, ang ilaw, ang pag-ibig, ang kapangyarihan, ang paglikha, ang karunungan, at ang buhay ay narito na sa lupa upang isabuhay ng sinoman sa kalupaan. Dahil diyan ay wala na ngang pangangailangan sa alin mang Espiritu na bumaba pa sa lupa, upang ihatid sa sangkatauhan ang lahat ng iyon, palibhasa'y masigla ng itinuturo ng mga tunay na manggawa ng Dios noon pa mang una hanggang sa ngayon ang dakilang katuruang Cristo at ang kautusang Cristo.

Gagawin nila ang lahat, mapigilan lamang ang marami na makarating sa kaluwalhatian ng kaisaisang Dios ng langit. Gayon man ay bigo pa rin sila, sapagka't may isang karamihan (Masyano) na hindi napadadala sa mga hatid nila na mga hidwang katuruan (evangelio ng di-pagtutuli ni Pablo at katuruang espiritismo ni Allan Kardec). 


KONKLUSYON

Sa akdang ito ay isang napakaliwanag na sintido, na ang sinomang nagtuturo sa kawalang kabuluhan, at pagiging inutil nitong kautusan ng Dios ay tuwirang inilalantad ang kaniyang sarili, bilang isang nilalang na nabibilang sa malaking kalipunan ng mga kampon ng demonyo na nagsisipagkubli sa dako ng sukdulang kadiliman.


Ang matuwid sa sangkatauhan ay sumunod sa mga utos ng Dios. Hindi upang pawalang kabuluhan ang kaniyang katuwiran (kautusan) at ituring na iyon ay gaya lamang ng mga kalat at sukal sa lansangan, na ang kaukulang kalalagyan ay sa mga basurahan lamang. 

Walang anomang ipinagkaiba silang mga tumitindig sa kasuklamsuklam na kalagayan ng mga Espiritista at ng kanilang mga huwad na talaytayan (medium), na hindi nagsisunod sa mga nabanggit na makatuwirang utos ng AMA at ng ANAK. 

Bagkus ay higit pa nilang pinaniwalaan at isinabuhay ang matatamis at mabubulaklak na turo ng mga talaytayan (medium), na sa katotohanan gaya halimbawa nitong si Pablo (Saulo ng Tarsus) at Allan Kardec ay pawang emisariyo lamang ng mga kampon ng sukdulang kadiliman.

MAHIGPIT NA PAALALA
Huwag nga nating bayaan na tayo ay mapabilang pa sa malaking kapisanan ng mga tao, na sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit ay nangagpapakasama, nangagpapakahangal, at nangagpapakamangmang sa kanilang sarili. 

Kaawaawa ang kaluluwa ng sinoman, na imbis makinig sa mga salita na turo ng Cristo, ay sa hidwa at masasamang turo nitong mga talaytayan (medium) ng mga demonyo nagsipaglagak ng ganap nilang tiwala at ng husto nilang pagsunod.

ABOT TANAW
Ang mga ganap na nahihimbing sa kanilang pagtulog ay ibinabalik ang hustong ulirat sa pamamagitan ng malakas na tunog ng mga pakakak, na nagmumula sa kaharian ng kaisaisang Dios ng langit. Mangagsigising na nga ang bawa't isa, sapagka't ito na ang hudyat sa simula ng mga sandali ng paggawa, alinsunod sa walang hanggang dakilang karangalan ng Katuruang Cristo. Iyan lamang at wala ng iba pa, ang nag-iisang behikulo na tagapaglunsad ng sinoman sa kaluwalhatian ng Dios at sa kabuhayang walang hanggan ng kaisaisang kaluluwa ng sinoman sa kalupaan.  

ITO ANG KATURUANG CRISTO

Masigla nawang lumangkap sa kabuoang pagkatao ng bawa't isa ang mga biyaya ng kaisaisang Dios ng langit, na sa mga iyon ay ang Katotohanan, Ilaw, Pag-ibig, Kapangyarihan, Paglikha, Karunungan, at buhay.

Hanggang sa muli, paalam.

Closely related article:
Espiritismo ng Katuruang Cristo - CLICK HERE




Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento