Sabado, Setyembre 21, 2013

HOMOSEXUALIDAD

May basbas ng Dios
Mga paunang salita:
Bago ang lahat ay ipina-uunawa namin na ang mga katuwiran na laman ng mga banal na kasulatan ang siyang humuhusga ng kamalian sa marami, at kailan man ay hindi naging kami. Ang kasulatan din naman ang madiing nagwiwika, na ang gawang taliwas sa kalooban ng kaisaisang Dios ay kasuklamsuklam at karumaldumal sa Kaniyang paningin. 

Matuwid na layunin naming ilahad lamang sa mga kinauukulan ang mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ng mga totoong banal ng Dios. Mga katiwatiwalang katunayang biblikal lamang ang tangi naming pinagbatayan sa pagbabalangkas at pagbuo ng akdang ito. Hindi namin kailan man hinangad, o ninais na atakihin, ni husgahan man ang sinoman sa aming kapuwa. 

Hangad namin ang ibayo ninyong pang-unawa sa paksang usapin na nilalaman ng akdang ito, maraming salamat.

Sa aklat ng Genesis ay madiing winika, na ang lalake ay iiwanan ang kaniyang ama at ina, upang siya ay pumisan at makisama sa babae na kaniyang asawa (Gen2:24). Diyan ay lumalabas na ang nilalang lamang ng Dios sa kalupaan ay ang dalawang kasarian na kumakatawan sa lalake at babae. Bukod doon ay wala ng iba o karagdagang kasarian na inilakip ang lumikha sa nauna na niyang ipinahayag at ipinakilalang dalawang (2) uri ng tao sa kalupaan.

Nakikilala ang bawa’t isa mula sa taglay nilang kalikasang maskulino at femenine na pinagtitibay ng kanikaniyang kaariang seksuwal. Ito ay isang perpektong tambalan na masiglang umiiral noon pa mang unang kapanahunan. Taglay ng bawa’t isa ang banal na basbas (Gen5:2) ng sa kanila ay lumikha. Dahilan upang ang tao ay maluwalhating makasunod sa kautusan ng pagpaparami (Gen 1:28) na gaya ng buhangin sa dalampasigan. Ang mga hayop ayon sa padron ng dalawang kasariang nabanggit ay patuloy din namang dumami alinsunod sa kani-kanilang itinakdang layunin sa kalupaan.

Gayon din naman sa lubhang malayong hinaharap na kapanahunan ay binigyan din ng patas na timbang at pinagtibay ang nabanggit na pangungusap. Nang sa aklat ng apostol na si Mateo ay masiglang nabanggit ang mga sumusunod.

Ang Lalake at Babae
MAT 19 :
4  At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na LALAKE at BABAE,
5  At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman?
6  Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi ISANG LAMAN. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.
(Mat 19:4  And He answered and said to them, Have you not read that He who made them at the beginning "made them male and female", 5  and said, For this cause a man shall leave father and mother and shall cling to his wife, and the two of them shall be one flesh? 6 Therefore they are no longer two, but one flesh. Therefore what God has joined together, let not man separate.) 

Ayan nga at ang lalake at babae ay nilikha ng Dios. Dahil diyan ay itinalaga sila na magsama bilang mag-asawa. Sukat upang iwan ng lalake ang kaniyang mga magulang at harapin ang banal na layunin ng pagkikipag-isa sa babae na kaniyang asawa. Ang tawag sa kanila ay ‘isang laman’ na dalawang pinagsama at pinag-isa ng kaisaisang Dios sa ngalan ng tunay Niyang kabanalan. Taglay ng umiiral na masiglang tambalang iyan ang banal na basbas mula sa Ama nating nasa langit. 

Gaya ng nasusulat,

GEN 5 :
2  LALAKE at BABAE silang nilalang; at SILA'Y BINASBASAN, at tinawag na Adam ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin.
(Gen 5:2  He created them male and female, and BLESSED them. And He called their name man in the day when they were created.)

Mula sa balumbon ng mga banal nakasulatan (Tanakh) ay hindi kaila sa marami, na ang lalake (man) na tinaguriang “buhay na kaluluwa (living soul)” ay mula sa paglikha ng Dios. Hindi rin naman lingid sa ating kaalaman na ang babae ay mula sa tadyang ng isang lalake. Siya sa makatuwid sa hustong kapanahunan ay babalik sa lalake na kaniyang pinagmulan bilang isang asawa. Ang pagsasanib na iyan ay tinatawag na “pag-iisang dibidib” palibhasa nga’y sa lalake nagmula ang eksistensiya ng isang babae.

Ang lahat sa makatuwid ay babalik sa kani-kaniyang pinagmulan. Ang katawang lupa na mula sa lupa ay babalik sa lupa. Ang kaluluwa palibhasa’y galing sa Ama nating nasa langit ay babalik sa Kaniya na siya nitong pinagmulan. Gayon din naman ang tubig kung iniaakyat ng hangin sa kaitaasang kinalalagyan ng alapaap.  Pagdating ng kaukulang sandali ay kusa din naman iyang bumabagsak sa lupa at maluwalhating inihahatid ng mga ilog sa karagatan, na siya niyang tanging pinagmulan.

Mula sa banal na katuwirang nabanggit ay maituturing na isang katotohanan, na ang pagsasama ng kapuwa lalake, at tambalan ng kapuwa babae gaya ng mag-asawa ay hindi kailan man sinang-ayunan ng kaisaisang Dios, ni ito man ay kaniyang ikinatuwa. Sapagka’t tungkol sa usaping ito ay madiin niyang winika ang mga sumusunod na pananalita,

Abominasyon
LEV 18 :
22  Huwag kang sisiping sa lalake ng gaya sa babae: karumaldumal nga.
(Lev 18 :22  You shall not lie with mankind as with womankind. It is abomination to God.)

LEV 20 :
13  At kung ang isang lalake ay sumiping sa kapuwa lalake, na gaya ng pagsiping sa babae: ay kapuwa sila nagkasala ng karumaldumal: sila'y papatayin na walang pagsala: mabububo ang kanilang dugo sa kanila.
(Lev 20:13  If a man also lies with mankind, as he lies with a woman, both of them have committed an abomination. They shall surely be put to death. Their blood shall be on them.) 

Diyan ay napakaliwanag na hindi nga sinasang-ayunan ng Ama nating nasa langit ang gayong uri ng pag-iisang tambalan. Hindi nga Niya tinitingnan na mabuti ang tulad nito, kundi iyan ay itinuturing Niyang isang karumaldumal na gawain ng mga taong hindi marunong kumilala sa katuwiran ng Dios

Sa kabilang dako ay maaaring ipangatuwiran ng mga kababaihan na hindi naman kasama sa utos ang pagsasama ng dalawang babae bilang mag-asawa. Ang napakaliwanaw lamang na tugon diyan ay, "ang tambalan lamang ng lalake at babae ang nagtamo ng banal na basbas ng Dios, at liban doon ay wala na." 

Katotohanan na nararapat tindigang matibay ng sinoman, na ang basbas ay ginagawa ng Dios. Gayon din naman na iyan ay pinangangahasang gawin ni Satanas. Kaya nga ang mga bagay na hindi tinatangkilik ng Ama ay nabibilang sa kategoriya ng masama, at ang mga iyon ay hindi nagtamo kailan man ng anomang basbas ng kabanalan mula sa Kaniya. Iyan ay sapat, upang si Satanas ay angkining lubos ang marami sa larangan ng totoong kasamaan at gawaran ng karumaldumal na basbas ang bawa't kasuklamsuklam na gawain ng sinoman sa kalupaan. Ang tambalang lalake sa lalake at babae sa babae sa makatuwid ay hindi kailan man nagtamo ng anomang basbas ng kabanalan mula sa kaisaisang Dios. Kung hindi Siya na Ama nating nasa langit ang gumawa ng gayon ay sino pa nga ba ang maggagawad ng basbas sa kasuklamsuklam na gawaing iyan, kundi ang nabanggit na kaisaisang entidad ng kasamaan (Satanas)

Natatala nga na ang nilalang ng Dios ay lalake at babae alinsunod sa kanikanilang taglay na kaariang seksuwal. Nangangahulugan na ang kaarian ng isang lalake ay malinaw na pahayag ng Lumikha, na siya ay gaganap sa maskulinong layunin ng isang lalake. Gayon din naman ang kaarian ng isang babae ay napakalinaw na ipina-uunawa ng Dios sa lahat, na ito ay gagamitin sa feminineng layunin ng isang babae bilang isang ina. Hindi upang salungatin ang napakaliwanag na ipinahahayag na simulain ng kani-kanilang kaariang seksuwal. Kung magkagayon man ay diyan na hindi sasang-ayon ang ating Ama, at ituturing nga Niya na ang di-makatuwirang kaugaliang iyan ay karumaldumal at kasuklamsuklam sa Kaniyang pananaw.
Kaisipang matuwid
Sinadya ng Dios na ang kaisipan ay malagay sa pinakamataas na bahagi ng katawang pisikal. Ang ulo na naglalaman ng utak (isipan) ay siyang puno ng isang kabuoan (katawang pisikal) na naghuhudyat ng mga boluntaryong paggalaw at matuwid na paggawa. Samantalang ang puso na umano’y luklukan ng damdamin ay inilagay na higit ang baba kay sa ulo. Ito’y sa kadahilanang ‘sarap’ at ‘sakit’ lamang ang kaniyang nalalamang ipahayag. 

Kailangang supilin nitong katuwiran ng kaisipan na sumasa Dios ang padalosdalos na bugso ng damdamin, sapagka’t ang mga iyon ay hindi nga lumalapat sa tama na sinasang-ayunan ng katotohanan.

Ang masamang puso
Bugso ng damdamin
Ang pagsasabuhay ng pag-ibig na isa sa mapangahas na bugso ng damdamin - kapag hindi nilakipan ng katuwirang maka-Dios ay nagiging gaya ng isang ulupong (viper) na walang awang tumutuklaw sa kanino man. Kaya madalas, sa marami ay nagiging sanhi iyan ng isang mapait na kabiguan at kamatayan. Palibhasa nga’y damdamin lamang na higit ang pangangailangan sa matuwid alinsunod sa kalooban ng Ama nating nasa langit. 

Dinadalisay ng katuwirang maka-Dios ang damdaming tumutukoy sa pag-ibig. Kung magkagayo’y nagpapamalas ito sa lahat ng kadakilaan, na isang matibay na huwaran pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan sa kalupaan. Kaya nga may tinatawag na 'Dakilang Pag-ibig' ay nang dahil sa iyan ay pinangunguluhan at makapangyarihang pinaghaharian ng katuwirang sumasa Dios.

Una sa lahat ay nararapat na ang isipan ay diligin ng mga bagay na sumasang-ayon sa katuwiran ng Dios. Kapag nangyari ang gayon ay lalakas ng lubos ang isip, at dadaigin (susupilin) nito ang mga hindi makatuwirang bugso ng damdamin na sa kaniya ay lubos na nakakababa. Sa kahinaan ng isipan ay nananaig ang dikta ng di-makatuwirang atas ng damdamin. Gaya halimbawa ng mga sumusunod,

Ang Tanakh ng Dios
Nalalaman mong hindi sinasang-ayunan ng kabanalang sumasa Dios (Tanakh) ang magkaroon ng higit sa isang babae bilang asawa. Sa kahinaan ng iyong isipan ay ang makamundong paghahangad na mula sa bugso ng pilipit mong damdamin ang nakapanaig sa iyong pagkatao. Ikaw ay nahumaling at nakisama bilang asawa ng hindi iisang babae lamang. Dahil diyan ay nagkasala ka sa kaisaisang Dios ng pakiki-apid o pangangalunya.

Dagdag pa'y batid mong hindi matuwid sa paningin ng Ama nating nasa langit ang pagiging isang binabae (bakla) at ang pagiging isang binalaki (tomboy). Gayon ma’y nanaig pa rin ang di makatuwirang laman ng iyong puso at ginawa mo ang kabaligtaran sa inihahayag na katotohanan ng iyong kaariang seksuwal. Dahil diyan ay niwalang kabuluhan mo ang mandato ng iyong eksistensiya bilang isang tunay na lalake at bilang isang tunay na babae. Nangangahulugan ito ng paglabag sa kalooban na iyan ng iyong Dios na lubos niyang iniuukol at masiglang ipinagaganap sa iyo.

Bakit nga ba kailangang supilin ng ‘isipang matuwid’ ang ‘puso’ na taglay ang gayong di makatuwirang damdamin at kasuklamsuklam na paggalaw? Ano nga ba ang katotohanan hinggil dito na binibigyang diin nitong mga balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh)? 

Gaya nga ng nasusulat ay madiing winika ng mga propeta ng Dios ang mga sumusunod na pangungusap.

Ang masamang puso
JER 17 :
9  ANG PUSO AY MAGDARAYA NG HIGIT KAY SA LAHAT NA BAGAY, AT TOTOONG MASAMA: sinong makaaalam?
(Jer 17:9  The heart is deceitful above all things, and desperately wicked; who can know it?)

MAT 15 :
19  Sapagka't sa PUSO nanggagaling ang MASASAMANG PAGIISIP, mga PAGPATAY, mga PANGANGALUNYA, PAKIKIAPID, mga PAGNANAKAW, mga PAGSAKSI SA DI KATOTOHANAN, mga PAMUMUSONG:
(Mat 15:19  For out of the heart come evil thoughts, murders, adulteries, fornications, thefts, false witness, blasphemies;) 

Maliwanag kung gayon na likas sa puso ang di maka-unawa, palibhasa’y wala sa kaniya ang isipan na nagluluwal ng katuwirang sinasang-ayunan ng tunay na kabanalan. Kaya nga nararapat na siya’y umiral alinsunod sa katuwiran ng kaisipang maka-Dios. Sapagka’t sa taglay na kahinaan at kawalang malay sa larangan ng tunay na kabanalan ng isipan ay dinadaig ito ng di makatuwirang mga bugso ng damdamin, kaya patuloy na nangyayari ang nasasaad na kasamaan sa Mat 15:19. Ang kaariang seksuwal na siyang naglalahad ng napakaliwanag na kasarian ng sinoman ang nagsasabi na siya ay gaganap alinsunod sa tiyak na kaurian na kaniyang kinabibilangan.

Ano man ngang pangdamdaming gawain ay nararapat na dumaan muna sa pagsisiyasat at pagpapasiya ng makatuwirang isipan bago lapatan ng kaukulang pagsasagawa. Partikular ang damdaming taliwas sa ipinahahayag ng kaariang seksuwal. Iyan ay upang ang sinoman ay hindi malihis sa daang matuwid,’ na ang hantungan ay ang tunay na kabanalan sa kalupaan. 

Ang lahat ng paggalaw ng sinoman kung gayon ay natatalagang ibatay sa natatanging katuwiran (kautusan) ng kaisaisang Dios na nasa langit. Dahil diyan ay walang maaaring maidahilan ang sinoman sa Ama ng lahat ng kaluluwa sa kalupaang ito, upang ang kaisaisang layunin mula sa taglay niyang kaariang seksuwal ay kaniyang talikuran, at harapin ang kabaligtaran nito. Kung magkagayo'y maliwanag na ibinilang niya ang kaniyang sarili sa mga anak ng pagsuway (kambing), na walang anomang nagsisigawa ng mga bagay na kinasusuklaman  at karumaldumal sa paningin ng kaisaisang Dios na may lalang sa lahat. 

Patuloy nawang tamuhin ng bawa’t isa ang masaganang daloy ng biyaya mula sa kaluwalhatian ng langit. Hanggang sa muli, paalam.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento