Martes, Oktubre 25, 2011

TRINIDAD NG MGA ROMANO



Narito, at sa ilang libong taon sa mga kasaysayang nilakaran ng mga piling karakter ng Lumang Tipan ng Biblia, ni minsan ay hindi nabanggit ng mga kinilalang banal ng Dios (propeta) ang salitang “TRINIDAD (Trinity),” o yaong salitang shlee sheeyah (Group of three).Sapagka’t ang kaisaisang katuruan na isinulong nilang lahat sa kanikanilang kapanahunan ay ang Monotheism, na kung lilinawin ay ang pagsamaba at pagkilala sa kaisahan nitong persona ng Dios.

Gayon ma’y hindi kakaunting ulit na binanggit ng mga propeta ng Dios ang Elohim, na sa biglang unawa ay nagpapahayag ng karamihan ng Dios sa bilang. Subali’t kung ang titingnan sa salitang ito ay ang natatangi nitong esensiya ay makikita ng maliwanag, na ang Elohim ay hindi kailan man tumukoy sa maraming persona ng Dios, kundi sa payak na paliwanag ay tumutukoy sa maraming bahagi ng Dios.

Ang persona ay tumutukoy sa entidad na pumapaloob sa kalagayang Dios. Kaya kahit ilang persona ay maaaring pumasok sa kalagayang ito, upang masabing kung tatlo (3) nga ay tatlong persona sa kalagayan ng iisang Dios. Ang Dios nga kung uunawaing mabuti ay iisa lamang sapagka’t itinuring ng marami na ito’y isa lamang na kataas-taasang kalagayan. Sa makatuwid ay iisa lamang ang kalagayang ito at wala ng iba pa, kaya nga maaaring kargahan ng kahit ilang persona ang kaisaisang kalagayang nabanggit. Gaya halimbawa ng Persona ng Ama, Persona ng Anak, at Persona ng Espiritu Santo. At yao’y maliwanag na tatlong magkaka-ibang persona sa kalagayan ng iisang Dios.
Nguni’t ang Elohim bilang bahagi ng Dios ay kaiba sa biglang unawa. Sapagka’t ang mga bahagi ng Dios ay walang kasarinlan, isipan at damdamin. Na kung bibigyan ng pinakamalapit na halimbawa ay gaya ng hindi kakaunting mga bahagi ng katawang pisikal ng tao. Na ang sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan. Ang daliri ay walang sariling isipan na maaaring magsabi, “hindi muna ako gagalaw, dahil sa pagod pa ako.”

Ang Elohim sa makatuwid noong pasimula sa kaniyang KABUOAN (Ama) ay nagwika na sinabi, “Lalangin nga natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” Sa gayo’y matuwid na tukuying ang mga bahagi ng kaisaisang Dios ay ang katotohanan (Isa 65:16, Juan 14:16-17, Juan 16:13), ilaw (Juan 3:19), pag-ibig (1Juan 4:16, 1Juan 4:18), kapangyarihan (Isa 42:13), paglikha (Isa 66:2), karunungang may unawa (Kaw 8:1, 22-23), at buhay na walang hanggan (Eze 37:14). Dahil dito ay isang nagtutumibay na katotohanan na sa sandali ng paglalang ay hindi mga Dios na manlalalang ang kaniyang kasama. Kundi ang mga nabanggit na Espiritu - na mga bahagi lamang ng kabuoang tumutukoy sa kaisaisang Dios.

Kaugnay nito ay maaari nyo kaming tawaging mga sinungaling, kapag ipinamalita namin, na sa inyo ay hindi lumalarawan ang nabanggit na pitong (7) bahagi (larawan at wangis) ng Dios. Na gaya ng kamay na maaaring himasin ang bumbunan ng ulo, at sa isang saglit, ang kamay ding yaon ay kakamutin naman ang talampakan ng kabuoan. Sa isang iglap ay nasa langit at sa isang saglit ay nasa lupa, upang ganapin ang natatanging adhikain ng kamalayang Dios na nagpapagalaw sa kanilang lahat.

Kaugnay nito, ang kamalayan o isipan ay wala nga sa katawan, kundi nasa ulunan ng sinoman at doo’y nagsisimula ang anomang utos sa lahat ng mga bahagi na sinasakop ng masiglang boluntaryong paggalaw ng katawan.

Kung inyong napansin sa kabuoan ng  lumang tipan ng Biblia ay hindi nga nabanggit kailan man ang salitang trinidad, kahi man ang salitang Elohim ay maraming ulit na binanggit. Sapagka’t sa libo-libong taon na nagsilipas ay hindi nga kumakatawan sa persona ng Dios ang plurality ng nabanggit na salita, kaya kailan ma’y hindi nagbilang ng persona ang mga tao sa lahat ng kapanahunang nagsipagdaan. Bagkus ay maluwalhati nilang tinanggap na ang esensiya ng salita ay tumutukoy sa pitong (7) bahagi ng Dios. Na sinasabing Ang Dios ay katotohanan, Ang Dios ay pagibig, Ang Dios ay kapangyarihan, Ang Dios ay paglikha, Ang Dios ay karunungan, at Ang Dios ay buhay na walang hanggan.

APO 5 :
6  At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay,  at sa gitna ng matatanda, ang isang CORDERO (tupa), na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang PITONG (7) ESPIRITU NG DIOS, NA SINUGO SA BOONG LUPA.

Ang nabanggit na pitong (7) Espiritu ng Dios na isinugo sa buong kalupaan, sa kabuoan nito ay tinatawag ng mga tao na Espiritu ng Dios,at sa ibang katawagan ay Espiritu Santo.

EZE 2 :
1  At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.
2 At ang ESPIRITU ay suma akin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at AKING NARINIG SIYA NA NAGSASALITA SA AKIN.

MATEO 3 :
16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya angESPIRITU NG DIOS na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumapag sa kaniya.

Kaya kailan man ay hindi naging iba ang persona nito (Espiritu Santo) sa Ama nating nasa langit, sapagka’t siya’y bahagi lamang niya at maliwanag na ang mga bahagi ay hindi kailan man nahiwalay sa kabuoan na kung saa’y kinabibilangan niya.


SI JESUS NGA BA AY KATOTOHANANG DIOS?

Ito namang si Jesus ay mariing naglahad ng katotohanan hinggil sa likas niyang kalagayan, na sinasabi,

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN(Juan 15:15, 17:8)

MATEO 26 :
38  Nang magkagayo’y sinabi niya sa kanila, NAMAMANGLAW NA LUBHA ANG KALULUWA KO. Hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin.

JUAN 19 :
30  Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, NAGANAP NA: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.
JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

Mga katunayang biblikal na hindi maaaring itanggi, ni pasinungalingan man, palibhasa’y mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Na siya ay isang tao na totoo at naranasan ang kamatayan bilang isang tao na totoo. Hindi Dios na bumangon sa kaniyang sarili, bagkus ay ibinangon ng kaisaisang Dios mula sa mga patay at pagkakita sa isang saksi ay masiglang nagwika, na sinasabi,

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Ano nga? Si Jesus na mismo ang siyang nagpatotoo tungkol sa tila misteriyo ng likas niyang kalagayan, at sana’y sukat na ang gayon upang mapag-unawa ng lahat na ang salitang anak, kailan ma’y hindi tumukoy sa persona ng Dios, kundi sa sangkatauhan. Dahil dito ay maliwanag pa sa sikat ng araw na ang lahat ng tao sa kalupaan ay anak ng Dios, at sa malinaw na usapan ay sangkatauhan ang kaisaisang kahulugan na kinauuwian ng salitang ito.

MATEO 28 :
19  Dahil dito’y magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong BAUTISMUHAN sa PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO(Mat 3:11),(Isa 11:12), (Isa 56:8).

Napakaliwanag, na nang banggitin ang kautusan ng bautismo nitong Espiritu ng Dios na noo’y kasalukuyang namamahay sa kabuoan ni Jesus ay hindi kailan man lumapat sa tatlong (3) persona ang mga entidad na binanggit sa Mateo 28:19. Sapagka’t ang anak, ayon na rin sa sariling patotoo nito ay hindi kailan man naging persona ng Dios. Ang Espiritu Santo, kailan man di’y hindi nagtaglay ng hiwalay na persona sa kaisaisang Dios, palibhasa’y bahagi lang siya nito. Kaya ang doktrinang Trintarian ng mga paganong Romano ay hindi inari ng katotohanan, saan man at kailan man.

Sa lumang tipan nga ay hindi kailan man iniutos na sumamba sa mga persona na umano’y kumakatawan sa kalagayang Dios, kundi ang sinabi ay, “HUWAG KANG MAGKAKAROON NG IBANG DIOS SA HARAP KO.” Palibhasa’y sinabi niyang, “BUKOD SA AKIN AY WALA NG IBA.” Ang lahat sa makatuwid ay umiinog sa pamamagitan nitong ugnayan ng Ama nating nasa langit, at ng kaniyang anak na kumakatawan sa sangkatauhan. Ito’y katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat, batay sa mga katunayang biblikal na katatapos lamang naming ilahad. Ang doktrinang trinitarian, o ang pluralidad nitong persona ng Dios (trinitarian doctrine) kung gayon ay napakaliwanag na huwad na aral pangkabanalan.


ANG AMA ANG KAISAISANG PERSONA SA KALAGAYAN NG IISANG DIOS

Mula sa mga DOGMA na pinaninidiganan ng mga kasapi nitong simbahang Katoliko ay itinurong aral sa KAPAHAYAGANG BELGIC – Article 8, paragraph 2, na sinasabi, “Ang Ama ay hindi ang Anak, at ang Anak ay hindi ang Ama, gayun din, ang Espiritu Santo ay hindi ang Ama, ni ang Anak.

Gayon din sa PANANAMPALATAYANG ATHANASIAN – line 5, na mariing sinabi. “Sapagka’t mayroong isang Persona ng Ama, isa ng Anak, at isa pa ng Espiritu Santo.”

Mula na rin sa hindi maikakailang doktrinang pangrelihiyon ng Katolisismo, ay napakaliwanag na ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay tatlong (3) magkakahiwalay at magkakaibang persona, na umano’y nabibigkis sa kalagayan ng iisang Dios. Gaya halimbawa nitong si Heneral McArthur, si Heneral Ramos, at si Heneral Yamamoto. Sila ay tatlong (3) magkakaibang persona, o individual na pumapaloob sa iisang kalagayang Heneral.

Kung ang tatlong (3) persona ay tumutukoy sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo ay katotohanang nararapat tanggapin ng lahat, na ang persona lamang ng Ama ang siyang nagsasalita sa mga sumusunod na talata, na nagsasabi, 

OSE 13 :
Gayon ma’y AKO ANG PANGINOON MONG DIOS mula sa lupain ng Egipto; at WALA KANG MAKIKILALANG DIOS KUNDI AKO, at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 43 :
11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

Sa dalawang talata sa itaas ay nakapakaliwanag na binibigyang diin na sa kalagayang Dios ay walang makikilang ibang persona kundi ang persona lamang ng Ama, at Siya lamang ang nag-iisang tagapagligtas.

ISA 44 :
Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

Narito, at maliwanag ngang lumalabas na kaisaisang kalagayang Dios lamang ang tinutukoy sa lahat ng mga talata. Gayon ma’y katotohanang hindi maikakaila, na ang persona lamang ng Ama ang nag-iisang kumakatawan sa nabanggit na kalagayan. Sa madaling salita ay ang Ama lamang ang siyang nagsasalita sa mga nabanggit na talata sa itaas. Ano pa’t mariin niyang winika na siya sa kaniyang persona ay nag-iisa lamang at walang sinomang persona na kasama siya sa kaisaisang kalagayang Dios na kaniyang kinaroroonan.

Napakaliwanag nga, na ang Ama ay Panginoon at sa kalagayan ng iisang Dios ay walang ibang persona na makikilala ang lahat, kundi siya lamang, Palibhasa kailan ma’y walang ibang persona sa kalagayang Dios na naging kasama siya maliban sa kaniyang sarili. Dahil dito ay matuwid tanggapin, na ang persona lamang ng Ama ang kaisaisang tagapagligtas ng kaluluwa, at manunubos ng sala ng sanglibutan. At ang bagay na nararapat ariing katotohanan ng lahat ay ang pagiging una at huli nitong persona ng Ama na pumapaloob sa kalagayan ng iisang Dios.

Sa gayo’y hindi katotohanan na sa lumang tipan ng Biblia ay hindi binanggit kung ilan ang persona sa kalagayang Dios. Sapagka’t sa Ose 13:4, Isa 43:11, Isa 44:6, at Isa 45:21-22 ay napakaliwanag na natatanging persona lamang ng Ama ang kaisaisang umaari ng kaisahan sa kalagayan ng iisang Dios. Kung lilinawin pa’y tanging ang Ama nating nasa langit lamang ang kaisaisang nagsasalita sa mga nabanggit na talata, na nagsabing maliban sa kaniya ay wala siyang kasamang ibang persona sa kalagayang Dios na kaniyang kinaroroonan.

Kung ang Dios na nga ang nagsaad, na Siya'y iisa lamang at wala ng iba pa. Sa gayo'y maliwanag pa sa sikat ng araw na sa paglalang Niya'y hindi mga Dios na manlalalang ang kasama Niya. Bagkus ay ang pitong (7) Espiritu, na mga bahagi (fragments) lamang ng kaisaisa niyang kabuoan. 

Gayon ngang una sa lahat ay pulutong ng mga anghel ang binigyan eksistensiya ng kaisaisang Dios ng langit.. Sa gayo'y hindi nakapagtataka, na sa salitang "LALANGIN NATIN," ay kasama Niya sila, bilang mga lingkod sa anim na araw na paglalang.

Sa pagtatapos ng napakahalagang paksang ito ay marapat tanggapin ng lahat, na ang Trinidad ng mga paganong Romano ay isang doktrinang pangrelihiyon na hindi kailan man sinang-ayunan ng katotohanan. Sa madaling salita ay mga imbentong aral ng mga pagano, na nagpapahayag lamang ng mga nilubidlubid at pinagtagnitagning kasinungalingan.

Hanggang sa muli, paalam.





4 (na) komento:

  1. May mababasa ba na dios ama, dios anak, at dios espiritu santo sa biblia? Kapag meron, sama na ako sa inyo. Kapag naman wala, bahala kayo sa buhay nyo. Doon ako sa itinuturo ng biblia.

    TumugonBurahin
  2. syempre, dun tayo sa turo ni Jesus. Iisa lang ang dios.

    TumugonBurahin
  3. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kaisahan ng dios na umiiral sa universo katuruan ng lahat ng mga propeta at ang 7 spirito na bahagi ng kabuoan(Diyos) ang ikintal sa ating kaisipan at ang doktrinang trinidad ay walang matibay na basehan.

    TumugonBurahin
  4. Sino ang may pakana at ang paniniwala ng nakararami at magpahanggang sa kasalukuyang panahon nating ito ay may tatlong persona (Trinidad ) Kaya marapat ang masusing pagaaral nga sa nilalaman nitong balumbon ng Tanakh.

    TumugonBurahin