Lunes, Oktubre 10, 2011

HUWAD NA JESUCRISTO



 Sa kalipunan ng mga tao maging noong simula hanggang sa kasalukuyang panahon na ating pinagdaraanan, ay nagkakaroon ng saysay ang mga bagay alinsunod sa mga naging pahayag ng sinomang doo’y may ganap na kaugnayan. Kahi man sila’y mga saksi lamang sa anomang kaganapan. Sa kay lawak na larangan ng pananaliksik matapos ang isang masusi at maingat na pag-aaral at hindi kakaunting eksperimento ay nagbubunga ng kaliwanagan, o kung hindi ma’y bahagyang nalalahad ang dati ay mga kubling bagay.



Ang gayong mga gawa ay binubuo ng isang  pangkat ng mga dalubhasa na may kanikaniyang kabihasnan sa iba’t ibang sangay ng mga bagay na tumutugon sa larangang hinihimay ang kasarinlan at kabuoan. Narito ang pamunuan at mga tauhan na natatanging saksi sa mga bagay na may lubos na kinalaman sa gawain nilang yaon.
Sa atin ay lubhang napakahalaga ang pahayag ng sinoman sa kanila. Mapapaniwalaan ang mga bagay na isisiwalat nila pagdating sa mga kaganapan na kanilang nakita, at mga salitang narinig, kapag pinagusapan ang kinasangkutan nilang larangan. Batay sa mga ulat at paglalathala nito ay hindi maikakaila, o maitatanggi man ang mga nakatala na pangalan ng bawa’t isa sa kanila. Sila sa makatuwid ang mga saksing maaaring makapaglahad ng mga katiwatiwalang patalastasan sa pananaliksik na samasama nilang ginawa.

Ang iba ay malayang maglahad ng kanikaniyang palagay tungkol sa ulat, nguni’t maging anoman ito’y hinding-hindi maaaring gawing pamantayan sa mga bagay na may ganap na kinalaman dito. Dahil sa ito’y hindi tiyak, di gaya ng mga hustong paliwanag at kaalaman na natatala sa nabanggit na ulat pananliksik. Ano man ngang pahayag na hindi tutugma sa nilalaman ng salaysay ay maipasisiyang huwad na ulat.



Naniniwala din naman kami na pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan ay walang ipinagka-iba ang katatapos naming linawin na usapin. Si Jesus at ang labingdalawang (12) apostol ay gaya ng isang koponan (team) na bilang isa ay pumalaot sa larangan ng pangangaral nitong mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) at ng pagsasakatuparan ng hindi kakaunting makapangyarihang mga gawa. Ano pa’t bawa’t isa sa kanila na mga apostol ay naggayak ng kanikaniyang ulat hinggil sa kanilang nakita at mga salita na narinig mula sa sariling bibig ni Jesus.

Gayon ma’y nangyaring tanging mga salaysay (evangelio) lamang ni Apostol Mateo at apostol Juan ang pinahintulutan ng Emperiong Roma na makabilang sa kalipunan ng mga aklat, na sadyang sinipi upang tawaging Banal na Biblia ng Iglesia Catolica Romana (Roman Catholic Church).

Sa dalawang magkahiwalay na pagpapatotoo ni Mateo at Juan ay malinaw nilang inilahad ang totoong likas na kalagayan ni Jesus. Gayon din namang maliwanag nilang isinalaysay ang hindi kakaunting kaganapan na kanilang nasaksihan sa kasagsagan ng paglalahad nitong evangelio ng kaharian sa buong sangbahayan ni Israel. Kanila ring pinatotohanan ang maraming salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus

Dahil dito, sila na mga saksing totoo ay walang alinlangang mapapaniwalaan, kapag tungkol kay Jesus ang pinag-usapan. Datapuwa’t mula sa bibig ng iba ay hindi kapanipaniwala, palibhasa’y hindi nila nakita ni anino man nitong si Jesus. Sila’y tila mga hibang na bumatay sa sabi-sabi ng mga tao, na kung lilinawin ay tradisyon o sali’t saling sabi ng mga tao ang pinanghahawakan nilang mga patotoo. Gaya lamang ito sa makatuwid ng tsismis na sa sampu (10) ay mapalad ng tumama ang isa. Sa madaling salita ay kadahilanan ng tiyak na pagkaligaw at pagkapahamak ng kaluluwa ang maging mapaniwalain sa tradisyon (sali’t saling sabi ng mga tao).

Kung gayo’y narito, at titigan nating mabuti ang mga dako sa buhay ni Jesus, na sa atin ay tatanglawan ng ilaw nitong si Mateo at ni Juan. Una’y tungkol sa likas niyang kalagayan bilang tao baga, o Dios na totoo?  


DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Eze 2 :
At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

Ang gayong banal na kalakaran ba’y hindi umiral sa kabuoan nitong si Jesus, at sa halip ay nagpakilala siya bilang Dios na totoo, o ang ipinakilala niya ay ang Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban sa mga kaarawang yaon? At bilang pagpapatibay at pagbibigay diin sa nauna ng isinagawa ng kaisaisang Dios ay kaniyang winika, na gaya ng nasusulat.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubitan. (Juan 15:15, 17:8)

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Juan 15:15, 17:8))

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. (Juan 15:15)

JUAN 14 :
24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin. (Juan 15:15) ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubitan. (Juan 15:15, 17:8) 

Napakaliwanag kung gayon na itong si Jesus ay pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios sa kaniyang kabuoan nang mga araw na yaon. Kaya naman nararapat kilalanin ng lahat ang nabanggit na Espiritu, at matuwid lamang na siya’y pagtuonan ng kaukulang pagsamba bilang Dios. Samantalang itong si Jesus ay nararapat kilalanin bilang isang sisidlang hirang ng Dios (saro ng kabanalan).

Kaugnay nito’y katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat, na ang ilang sumusunod na pangungusap mula sa bibig ni Jesus ay hindi siya ang totoong may wika, kundi ang Espiritu ng Dios na sa mga araw na yao’y namamahay at naghahari sa kaniyang kabuoan. Na sinabi,

MATEO 24 :
35  Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ANG AKING MGA SALITA AY HINDI LILIPAS.

MATEO 16 :
18  At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA; at ang mga pintuan ng HADES ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Mateo 28 :
18  At lumapit si Jesus sa kanila at sila’y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.

19  Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sangli butan.

JUAN 7 :
38  ANG SUMASAMPALATAYA SA AKIN, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay. (JUAN 12:44).

Juan 10 :
30  Ako at ang Ama ay iisa.

Juan 11:
25  Sinabi sa kaniya ni Jesus, AKO ANG PAGKABUHAY NA MAGULI, AT ANG KABUHAYAN: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya;

JUAN 15 :
5 AKO ANG PUNO NG UBAS, KAYO ANG MGA SANGA;  Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

Juan 17 :
24  ...Ako’y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.

Katotohanang nagtutumibay ang mga pangungusap na katatapos lamang naming ilahad, na ang lahat ng yao’y hindi sinalita ni Jesus mula sa kaniyang sariling pagmamatuwid. Yao’y mga SALITA nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus, na ISINATINIG lamang ng kaniyang bibig. Kaya sa katuwirang ito’y hindi kailan man maaaring mapagkamalan na siya ay isang Dios, bagkus ay lumabas ang matuwid na siya’y isang sisidlang hirang ng Dios (propeta ng Dios), na sumasa-ilalim sa layunin ng isang propeta. Gaya ng nasusulat,

MATEO 13 :
57  At SIYA’Y KINATISURAN NILA. Datapuwa’t sinabi sa kanila ni Jesus, Walang PROPETA na di may kapurihan, liban, sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay.

Mateo 21 :
11  At sinabi ng mga karamihan, Ito’y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.
                                                                                                               
Mateo 21 :
46  At nang sila’y nagsisihanap ng paraang siya’y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka’t ipinalalagay nito na siya’y propeta.

Juan 6 :
14  Kaya nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.

Juan 7 :
40  Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.  


Ang aklat nga nitong si Mateo at Juan ay matibay na nagpapatotoo na itong si Jesus sa likas niyang kalagayang tao ay nagpakilala bilang isang propeta ng Dios, at sa gayong kabanal na kalagayan ay doon din naman siya kinilala ng mga anak ni Israel. Ang tungkol dito ay lubhang napakatibay na katunayan, upang bigyan ng diin ang pagiging tao na totoo nitong si Jesus.

Sa bandang ito’y tila may kalabuan pa nga ang katiyakan ng likas na kalagayan ni Jesus, sapagka’t ang tinukoy lamang sa mga sitas na inilahad namin ay tungkol lamang sa pagsanib at paghahari nitong Espiritu ng Dios sa kabuoang katawan ng mga kinilala niyang mga banal (propeta) na totoo sa kalupaan. Dahil dito’y idaragdag namin ang karampatang tanglaw hinggil sa usaping ito, at ito’y hindi maaaring itannggi ninoman, palibhasa’y mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus. At tungkol dito ay mariing winika ng kaniyang bibig ang mga sumusunod,

 JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

MATEO 26 :
38  Nang magkagayo’y sinabi niya sa kanila, NAMAMANGLAW NA LUBHA ANG KALULUWA KO. Hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at makipagpuyat sa akin.

JUAN 19 :
30  Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, NAGANAP NA: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

Ang katotohanan tungkol kay Jesus batay sa mga katunayan sa itaas ay hindi maitatangging totoong tao sa likas niyang kalagayan. Ano pa’t ayon sa kaniyang bibig, siya’y tao na nagsasaysay ng katotohanan na kaniyang narinig sa Dios. Ito’y lubhang napakaliwanag at walang maaaring idahilan ang sinoman upang pasinungalingan ang tiyak na pahayag ng may sariling katawan hinggil sa kaniyang kalagayan bilang tao na totoo.

Nang siya’y ibangon ng kaisaisang Dios mula sa dako ng mga patay ay nagsaad ng matuwid sa kaniyang saksi, na paroonan ang kaniyang mga kapatid, at nagpasabing siya’y aakyat sa kaniyang Ama na ating Ama, at kaniyang Dios na ating Dios. Gayon ngang bilang tao ay namanglaw na lubos ang kaniyang kaluluwa sa napipinto niyang kamatayan, at mula sa pagkakabayubay sa krus ay iniyukayok ang kaniyang ulo at nalagot ang hininga.

Ang matuwid na patotoo ng may sariling katawan sa likas niyang kalagayan bilang tao ay magiging kalabisan sa sinoman, kung hindi niya kikilalanin siya sa gayong kalagayan. Lalabas siyang isang sinungaling at magdaraya, kung hindi niya ilalahad sa kinauukulan ang katotohanan niyang nalalaman hinggil sa usaping ito. Na ito ngang si Jesus, o ang sinoman sa kasaysayan ng mundo kailan man ay hindi lumapat sa kataastaasang kalagayan ng Dios. Gayon ma’y naging banal na totoo, at ginawang sisidlang hirang ng Dios sa kalupaan.

Datapuwa’t sa kabila ng mga tiyak na katunayan naming inilahad hinggil sa pagiging tao na totoo nitong si Jesus ay masisikmura nyo kaya ang paghihimagsik ni Pablo sa mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na isinatinig ng bibig ni Jesus. Na sinsasabi,

FIL 2 :
Na siya (Cristo), bagama’t nasa ANYONG DIOS, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat na panangnan ang PAGKAPANTAY NIYA SA DIOS.

FIL 2 :
10  Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa.

ROMA 9:
Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang CRISTO ayon sa laman, na siyang LALO SA LAHAT, DIOS NA MALUWALHATI MAGPAKAILAN MAN, Siya nawa.

Tito 2 :
13  Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;

COL 2 :
Sapagka’t sa kaniya’y (Cristo) nananahan ang BOONG KAPUSPUSAN NG PAGKA DIOS sa kahayagan ayon sa laman.
10  At sa kaniya kayo’y napuspos na siyang PANGULO ng lahat ng PAMUNUAN at KAPANGYARIHAN. HEB 1 :
Palibhasa’y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na LARAWAN NG KANIYANG (Cristo) PAGKA DIOS, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang ang PAGLILINIS NG MGA KASALANAN, ay LUMUKLOK SA KANAN NG KARANGALAN SA KAITAASAN.

Narito, at maliwanag pa nga sa sikat ng araw na ibang Jesus ang ipinakilala nitong si Pablo, at siya nga ay hindi tao, kundi umano’y isang Dios na totoo. Samantalang hindi sa gayong katayog na kalagayan ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili, kundi sa payak na kalagayan lamang ng isang tao na puspos ng totoong kabanalan. Sa makatuwid ay nagkadalawa ang Jesus na pinagtitibay ng Bibliang katoliko, na ang isa ay tunay at ang isa ay huwad.

Siya na mismo ay nagbibigay diin sa likas niyang kagayan bilang tao ang siyang tunay na Jesus, samantalang isang huwad na Jesus ang ipinakilala ni Pablo sa lahat ng kaniyang mga sulat. Palibhasa’y hindi kailan man niya nakadaupang palad ang taong yaon, ni anino nito ay hindi niya nakita sa buo niyang buhay. Kaya, isang bulag at bingi lamang sa katotohanan ang taong sa kabila ng pagbibigay linaw namin sa usaping ito ay kikilalanin pa rin si Jesus sa kalagayan ng isang Dios.

Yaong may katawan (Jesus) na mismo ang naglahad ng tunay niyang kalagayan bilang isang tao na totoo, at ito’y sukat upang mapagunawa ninyo ng lubos ang kasunungalingan ng mga pahayag ng taong si Pablo hinggil sa kaniya. Habang isinasara namin ang usaping ito’y pag-ingatan ninyong kayo’y huwag mapaniwala ng taong nagpapakilala sa huwad na Jesucristo, may katiyakang walang awa niyang kakaladkarin ang inyong kaluluwa sa tiyak na kapahamakan at kamatayan.  Ang paniwalaan ninyo na walang alinlangan ay ang mismong may katawan (Jesus) na masiglang naglahad ng katotohanan hinggil sa tunay niyang pagkatao. Paalam.


3 komento:

  1. Sa tanda kong ito ay ngayon ko lang natuklasan na dalawa pala ang ipinakilala na Jesus sa bible. Oo, tama huwad ang isa at tunay na jesus yung isa. Ang masakit nito ay yung huwad ang tinanggap ng napakaraming tao. Pati ako nakasama dun. Pero ngayon ay alam ko na at syempre dun ako maniniwala sa salita ng tunay na Jesus. Marami ang mamumulat sa katotohanan sa pagpost mo ng blog na ito. Salamat yohvshva.

    TumugonBurahin
  2. Ay naku, kay dami ng mga tao sa mundo na nabola ni Saulo (Pablo) ng Tarsus. Pati itong si Jesus nagawa niyang pekeen. Haaaaay talaga naman oo. Kung hindi ba naman baligtad na ang mundo ay pinili pang paniwalaan ng mga tao si Pablo, kay sa mga salita na iniaral ni Jesus. Ewan ko sa inyo.

    TumugonBurahin
  3. Mas dakila pa ba itong si Pablo kaysa sa 12disipulo ni Jesus na nismong nakasaksi nakasama sa paglalakbay. sa pagtulog .sa pagkain ni wala nga siya sa pinaka importanteng tagubilin ang last supper ang kanya kanyang toka bago pumanaw ang pisikal na katawan ng cristo tapos itong si pablo pa ang mas maraming naisulat sa biblia kaya puro kabalingtunaan at niwalang kabuluhan ang kautusan .

    TumugonBurahin