Linggo, Abril 17, 2016

KATURUANG KARDEC AT KATURUANG CRISTO Part 1 of 2

PAALALA:

Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindiganang kaalaman ng sinoman. 

Gayon din namang nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik man sa mga panulat nitong si Allan Kardec.  

Kung siya man ang hayagang sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang ilan sa mga itinuro niyang aral ay may pangangailangan ng pagtutuwid mula sa mga dalisay at dakilang aral ng Katuruang Cristo. Hinihingi namin sa pagkakataong ito ang lawak ng inyong unawa.

Hindi maikakala sa panahong ito na laganap sa buong kapuluan at sa ibayong dagat ang mga tao na tumatangkilik, naninindigan, nagtatanggol, at tumatalima sa Katuruang Kardec na may kinalaman sa espiritistmo. Ang bilang nila ay masasabing higit na marami sa ating inaakala.

Sa pagpapatuloy ng pambungad na mga salita ay unahin nga muna nating bigyan ng katanggaptanggap na depinisyon ang pangunahing salita, na kung saan ay pagtutuonan natin ngayon ng kaukulang paglilinaw. Ito ay ang salitang “Espiritismo.” Palibhasa’y Katuruang Kardec ang talakayin sa akdang ito ay bayaan nating siya sa sarili niyang pananalita ay lapatan ng inaakala niyang husto at wastong kahulugan ang salitan iyan.


Ano nga ba ang Espiritismo ayon kay Allan Kardec?

“Spiritism is a science which deals with the nature, origin and destiny of Spirits, as well as their relationship with the corporeal world.” - Allan Kardec (Ang Espiritistmo ay siyensiya na kung saan ay may kinalaman sa kalikasan, pinagmulan at tadhana ng mga Espiritu, gayon din ang kaugnayan ng mga ito sa makalupang daigdig. - Allan Kardec)



ANG TATLONG HALIGI

Sa Katuruang Kardec, ang Espiritismo ay isang siyensiya na tumatalakay sa kalikasan, pinagmulan, at tadhana ng mga Espiritu, at ang koneksyon ng mga iyon sa dimensiyon ng materia.

Kaugnay niyan ay anu-ano kaya ayon sa kaniya ang wala at mayroon sa Katuruang Kardec?

"Sa Espiritismo, ay walang mga dogmas, mga pari, mga kulto, mga rituwal, mga sakramento, mga obligasyon, at pagsamba. Ang Espiritismo ay nabuo sa pamamagitan ng tatlong haligi: SiyensiyaPilosopiya at Moral, Maigting na itinatag sa maka Dios at sa may kahustuhan na pagtuturo ni Jesus. Diyan ay ipinatatalastas na si Jesus ay hindi Diyos, gaya ng maliwanag na ipinahayag ng evangelio.  kundi espiritu na nasa kalagayan ng isang mataas na antas, na dumating sa sanglibutan upang itaguyod ang espirituwal na pag-unlad ng tao, sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng pag-ibig bilang pangunahing batas" - Allan Kardec
Aniya, sa Espiritismo ay walang dogma, mga pari, mga kulto, mga rituwal, mga sakramento, mga obligasyon, at pagsamba.  Diyan ay madiing ipinahahayag ng katuruang Kardec, na ang isinusulong niyang uri ng Espiritismo ay hindi isang relihiyon na may dogma, mga pari, mga kulto, mga rituwal, mga sakramento mga obligasyon at iba't ibang uri ng pagsamba sa Dios. Sapagka’t ito aniya ay itinayo sa pamamagitan ng tatlong (3) kakaibang haligi na tumutukoy sa siyensiya, pilosopiya, at moral.

Gayon man aniya ay itinatag ang Espiritismo alinsunod sa kaigtingan ng maka Dios at may kahustuhang pagtuturo ni Jesus ng Katuruang Cristo. Ano pa’t kung uunawaing mabuti ang buong nilalamang aral pangkabanalan ng Katuruang Cristo ay handi mahirap makita, na ito'y hindi kailan man gumamit ng pilosopiya, kundi pawang mga katuwiran lamang ng banal na Espiritu, na sa panahon niyang iyon ay masigla at makapangyarihang namamahay at naghahari sa kabuoan niyang pagkatao.

Ang pilosopiya ay ayon lamang sa nilinang na katalinuhan ng tao, kaya katotohanan na sa Katuruang Cristo ay wala nito, at sa halip ay ang bahabahagdang katuwiran lamang na tumutukoy ng ganap sa mga payak na katotohanan ng kaisaisang Dios ng langit. 

Kaugnay nito, ayon sa hindi mapapasinungaling kasaysayan ay walang iba, kundi pilosopiyang Griego (Saul of Tarsus) ang malabis na pumilipit sa mga aral pangkabanalan na nilalaman ng Katuruang Cristo. Ang dalisay at dakilang katuruang iyan, sa simula pa nga lamang ay tinindigan na, at may galak sa puso na isinabuhay ng mga nangaunang Masyano ng Dios.   

Sa isang banda, ang katuruang Cristo ay isa ngang siyensiya, sapagka’t masusumpungan diyan ang ilang husto at wastong kaparaanan (formula), kung papaano magiging kalugodlugod sa paningin ng kaisaisang Dios na nananahan sa dimensiyon ng Espiritu. Nandiyan din ang formula, kung papaano makararating ng maluwalhati sa nabanggit na dimensiyon ng Espiritu. Ang mga formula nitong Katuruang Cristo ay maaaring ulit-ulitin ng sinoman, na kasusumpungan ng nag-iisang kaganapan lamang, na walang labis at walang kulang na resulta. Ito'y sagana sa mga moral na aral, na nagpapa-igting sa kaisaisang uri ng kabanalang sumasa Dios na maaaring kalagyan ng sinoman sa kalupaan.

Mula sa tatlong (3) haligi na itinanim ni Allan Kardec upang maitatag niya ang Espiritismong Kardec ay ang siyensiya at moral lamang ang mga bahagi na inaari ng Katuruang Cristo. Samantalang ang pilosopiya ay idinagdag na lamang niya, na ang ibig sabihin ay pagkontra iyon sa turo niya na mababasa sa ibaba,

Maigting na itinatag sa maka Dios at sa may kahustuhan na pagtuturo ni Jesus.” 

Iyan ay maliwanag na hindi husto ayon sa katuruang Cristo ang naitanim niya na tatlong (3) haligi ng Espiritismo. Sapagka’t dalawa lamang sa mga iyon (Siyensiya at Moral) ang sinasang-ayunan ng Cristo. Samantalang ang isa (pilosopiya) ay idinagdag lamang ni Allan Kardec. Sa makatuwid ay hindi dalisay na Espiritismo ang itinuturo niyang Espiritismo, kundi may bahid ng mga nilikhang ideya ng sarili niyang katalinuhan. Ang ibig sabihin lamang nito ay hindi kailan man makikita ang kasagraduhan ng anomang gawain, kung ito ay malalahukan ng kahit munti mang pagmamatuwid ng kaisipan ninoman, ni ng likhang pilosopiya man ng tao.

Kung sasabihin namang ang haliging tumutukoy sa pilosopiya ay hindi mula sa pilosopiya ni Allan, kundi nanggaling sa mga di umano'y spirit protector na espiritu ng mga namatay na apostol, o ng mga sinasabi niyang evolved spirits, o yaong pinaniniwalaan ng kapatiran na matataas na uri ng espiritu. Kung gayon ay lalo na ngang mababaon si Allan sa kalaliman ng mga hidwang aral, sapagka't maliwanag na binibigyang diin ng kasulatan ang mga sumusunod,

APOC 3 :
12  Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at HINDI NA SIYA'Y LALABAS PA DOON: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan.

Hindi nga maaari na ang mga banal na napasalangit na ay lalabas pa sa kaluwalhatian ng langit at bababang muli, upang gumanap sa gawain ng Espiritu Santo na tumutukoy sa Espiritu ng Katotohanan, Espiritu ng Ilaw, Espiritu ng Pag-ibig, Espiritu ng Kapangyarihan, Espiritu ng paglikha, Espiritu ng Karunungan at Espiritu ng Buhay. Iyan ang pitong (7) Espiritu na isinugo ng Dios sa buong kalupaan, gaya ng nasusulat,

APOC 5 :
6  At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang PITONG ESPIRITU NG DIOS, na sinugo sa buong lupa. 


At sa pagpapatuloy ng usapin hinggil sa pilosopiya ni Allan Kardec ay madiing winika ng sariling bibig ng Cristo ang mga sumusunod,


JUAN 5 :
31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

Maliwanag ngang kung ang pagpapatotoo ay manggagaling lamang sa kaniyang sarili, ay hindi nga iyon maituturing ng Dios na katotohanan. Gaya nga rin, na kung isasalarawan ang kalooban ng Dios ayon sa pilosopiya ng katalinuhang tao ay hindi nga rin iyon kinikilala ng Ama na katotohanan. Sapagka’t presisyon ang katotohanan ng Dios na hindi kailangan pang lakipan ng anomang bunga nitong katalinuhan ng tao (pilosopiya). Kung kaya nga noong una ay malabis na napilipit at nadiskaril sa paningin ng marami ang katuwiran ng Dios, ay nang dahil sa mga nilikhang pangangatuwiran (pilosopiya) ng mga taong lumabis ang kataasan na tinitindigan sa kanikanilang sarili.

Napakaliwanag ngang hindi katotohanan ang anomang patotoo na magmumula sa sariling pangangatuwiran, o pilosopiya ni Jesus. Kung gayon ay napakaliwanag din, na ang anomang pilosopiya na minatuwid at iginiit ni Allan Kardec sa kaniyang mga aklat na pawang mula sa kaniyang sarili, ay hindi kailan man maaaring sang-ayunan ng tunay na Katuruang Cristo bilang katotohanan. Sapagka't ang lahat ng iyon ay mga panlilinlang at mga pinagtagnitagni na kasinungalingan lamang niya.  

Ayon pa nga sa Katuruang Kardec ay,

"Sa pakahulugang moral, likas na Kristiyano ang Espiritismo dahil itinuturo lamang nito ang pagpapayabong at pagsasabuhay ng mga doktrina ni Kristo na silang pinakadalisay sa lahat at hindi tinatawaran ninuman. Pinapatunayan lamang nito na batas ng Dios ang gayong doktrina, at para ito sa kalahatan."- Allan Kardec

Sinu-sino sa kapatirang espiritista ang nakaka alam ng mga doktrina ni Cristo, o Katuruang Cristo, upang ang mga iyan ay sabihing pinapayabong lamang upang sundin at isabuhay. 

Totoo nga kaya na likas na Cristiano ng Dios ang Espiritismo nitong si Allan Kardec, dahil sa itinuturo lamang aniya nito ang pagpapayabong at pagsasabuhay ng mga doktrina ni Cristo? Kung gayon nga ay bakit naman nilahukan niya ng pilosopikal na pananaw ang sinasabi niyang Doktrina ni Cristo. Kung gayon ay hindi na nga iyan ang Katuruang Cristo, na kung saan ay kasusumpungan ng mga dalisay at dakilang aral ng tunay na kabanalan dito sa kalupaan at sa langit, kundi mga nilubidlubid na kasinungalingan na nga lamang. 

Sinasabi pa nga ni Allan na iyan ay pinakadalisay sa lahat na mga batas ng Dios, kaya naman hindi matatawaran ng sinoman. Dalisay pa nga kayang maituturing ang Katuruang Cristo, kung ito ay totoong nalahukan na ng likhang pilosopiya ni Allan Kardec? Wala ba tayo sa hustong unawa at katinuan, upang hindi natin makita ang lubhang malaking kaibahan ng dalisay sa hindi dalisay? 

Gawin nga nating pamantayan ng Espiritismo ni Allan Kardec ang nasasaad sa dalawa (2) niyang pahayag, upang higit sa lahat ay malantad ang kaniyang kasinungalingan.
1. .....Maigting na itinatag sa maka Dios at sa may kahustuhan na pagtuturo ni Jesus. 
2. …..likas na Kristiyano ang Espiritismo dahil itinuturo lamang nito ang pagpapayabong at pagsasabuhay ng mga doktrina ni Kristo na silang pinakadalisay sa lahat at hindi tinatawaran ninuman…..

Ang mga binibigyang diin na pilosopiya ng dalawang (2) magkasunod na pahayag na iyan sa itaas ay ginamit lamang niyang sangkalan, upang maging higit na kapanipaniwala ang mga pilosopikal niyang doktrina ng Espiritismo.

Hayan at sa kawalan ng malay sa partikular na usaping iyan ay napa-ikot sa palad ni Allan ang marami na taas-noong nangagpapakilala bilang mga Espiritista. Ano pa't sa hindi nila pagka-unawa, sila'y nangabulid na lahat sa dako ng malaking kalipunan mga tao, na kung saan ay pinagkakatipunan ng mga anticristo.





ESPIRITISMO NG KATURUANG CRISTO

Kaugnay ng mga iyan, ang Espiritismo ng Katuruang Cristo palibhasa'y Espiritu ay nasasalalay sa pitong (7) Espiritu na kumakatawan bilang mga Haligi ng Espiritismo ng Katuruang Cristo, na ang mga iyon ay ang Espiritu ng Katotohanan, Espiritu ng Ilaw, Espiritu ng Pag-ibig, Espiritu ng KapangyarihanEspiritu ng PaglikhaEspiritu ng Karunungan, at Espiritu ng Buhay. Ang pitong Espiritu na iyan ang tanging kadahilanan, kung bakit sa lahat ng kapanahunan, ang nabanggit na Espiritismo ng mga tunay na banal ay nananatili sa pinakamatibay at pinakamatatag na kalagayan.

Sa gayon ay higit pa sa sapat ang mga nabanggit na pitong (7) Espiritu kasama ang lingkod nilang mga anghel, upang tugunan ang dakilang pangako hinggil sa MANG-AALIW. Sa makatuwid ay walang anomang biblikal na sintido, na ang kaluluwa ng mga namatay na, banal man o hindi ay maka-ugnay pang muli ng mga buhay. Gayon din ang tinatawag ni Allan na mga evolved Spirit.  

Kung mayroon mang ugnayang nagaganap ay katotohanan na iyon ay hindi sa pagitan ng mga namatay at mga buhay, ni hindi rin sa pagitan ng mga tinatawag ni Allan na mga evolved spirits, o yaong sinasabing matataas na espiritu at ng mga buhay,  kundi sa pagitan lamang ng diyablo na nagsisipagkunwaring silay gayon at ng mga buhay. Nakakalungkot isipin, na ang kapatirang esperitista ay maliwanag na nahulog sa bitag na iyan ng tiyak na kapahamakan ng kaluluwa.

Hindi nga rin sa tagal ng pagkakatatag ng alin mang samahang pangkabanalan maaaring ibatay ang katotohanang sumasa Dios, kundi sa mga aral nito na sinasang-ayunang lubos ng Katuruang Cristo. Sabihin man nating ito'y natatag noong kapapasok pa lamang ng ika-19 na siglo, kung ang aral naman na itinuturo nito ay malabis na naghihimagsik sa nabanggit na sagrado at dakilang katuruan. Mabuti pa nga kay sa diyan ang samahan na nabuo kahapon lamang, kung masigla at may galak naman sa puso na pinagsisikapang sundin ng mga kasapi nito ang dalisay at dakilang aralin pangkabanalan ng Katuruang Cristo.

Gayon ngang lubhang napakaliwanag ang mga sumusunod, 

1. Sa Espiritismo ng Katuruang Cristo, ang MANG-AALIW ay kinakatawan nitong pitong (7) Espiritu ng Dios na isinugo sa buong kalupaan. Gaya nitong padron ng katotohanan na masusumpungan sa mga balumbon ng dakilang Tanakh ng Dios (OT). Na Espiritu ng Dios ang kaisaisang kabuoan na masiglang namamahay at naghahari sa kalooban ng mga kinikilala Niyang mga tunay at banal na talaytayan.


DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :

Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Sa tatlong talatang iyan sa itaas ay napakaliwanag na Espiritu ng Dios ang siyang nagsasalita mula sa bibig ni Moses at Jeremias. Na sa kanikanilang panahon ay mga tunay na talaytayan (medium) ng pitong Espiritu ng Dios. Saan man at kailan man ay hindi naging sa pamamagitan ng mga kaluluwa ng mga namatay na banal ng Dios, ni dahil man sa pinaniniwalaang evolved spirtits, o matataas na espiritu.

2. Samantalang sa Espiritismo ng Katuruang Kardec ay mga kaluluwa ng mga namatay na santo (12 apostol at iba pa) at mga di-kilalang espiritu(matataas na espiritu daw) ang pinaniniwalaan nilang kumatawan sa Espiritu Santo na gumaganap bilang MANG-AALIW

Lubhang nakakabahala ang paniniwala nilang iyan, sapagka't ang gayon ay hayagang banta ng tiyak na kapahamakan ng kanilang kaluluwa. Sapagka't ang Ama ay may mahigpit na kautusan laban sa mga kasuklamsuklam  na gawaing iyan, na sinasabi,

Deut 18 :
10  Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, 
11  O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay. 
12  Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo. 

13  Ikaw ay magpapakasakdal sa Panginoon mong Dios

Batay sa mahihigpit na utos ng Ama na tulad niyan ay sapat na sana iyan, upang tindigang matibay at kapagdaka'y isabuhay ng lahat. Gayon ma'y pinawi at niwalang kabuluhan ng pilosopiya na ayon sa mga tao ay lalong higit na magaling kay sa kautusan.

Gaya niyan ay gayon ngang ang mga formula tungo sa kasagraduhan ng mga bagay at gawain ay masusumpungan lamang sa mga dalisay at dakilang aral nitong Katuruang Cristo, na sinasabi,

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. (Juan 10:30).

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. (Juan 15:15, 17:8)

Narito, at ang katotohanan ay nagtutumibay, nang wikain ng sariling bibig ni Jesus, na siya ay hindi gumagawa, ni nagsasalita man ng anoman sa kaniyang sarili. Kundi bilang talaytayan (medium) nitong pitong (7) Espiritu ng Dios, na sa kapanahunang iyon ay nagsasalita ng Kaniyang mga salita sa pamamagitan ng tinig na nanggagaling mula sa sariling bibig ng Cristo, at sa pamamagitan ng katawang pisikal ni Jesus ay gumagawa ng Kaniyang mga gawa ang nabanggit na pitong (7) Espiritu

Ayon pa ay kung ano ang kaniyang narinig sa Espiritu na sumasa kaniya ay iyon lamang ang kaniyang sinasalita sa sanglibutan, na nag-uutos din kung ano ang kaniyang gagawin at kung ano ang kaniyang sasabihin sa mga ganap na kinauukulan. Diyan nga'y banyaga ang pilosopiya, sapagka't ipinakikitang walang anomang kinalaman. ni panghihimasok man ang sariling pag-iisip ni Jesus sa mga salita na lumalabas sa sarili niyang bibig. Ang lahat ng iyon ay hindi sa kaniya, kundi sa kabuoan ng pitong (7) Espiritu na sumasa kaniya.

Para ano pa't madiing winika ng sariling bibig ng Cristo ang gaya nito,

JUAN 14:

12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYA, AY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA; at LALONG DAKILANG MGA GAWA KAY SA RITO ANG GAGAWIN NIYA, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

Si Jesus bilang isang tunay na talaytayan ng Banal na Espiritu ay ang nabanggit na pitong (7) Espiritu lamang ang namahay, naghari, at gumamit sa pisikal niyang katawan. Na ang kabuoan nito ay naglatag at nagtanyag sa sangkatauhan ng mga dakilang aral pangkabanalan nitong Katuruang Cristo sa iba't ibang malayo at malapit na nakaraan at sa kasalukuyan.  Ni isa mang espiritu gaya ng mga namatay na santo(evolved spirit daw) o mga hindi kilalang matataaas na espiritu daway hinding hindi pinayagan saan man at kailan man, na halinhan sa gawain ang pitong (7) Espiritu ng Dios, na kabuoang isinugo ng Amang nasa langit sa buong sangllibutan.

Kung ang sinoman nga ay nagsasabing pinapayabong at isinasabuhay niya ang Katuruang Cristo ay gagawin niya sa makatuwid ang paraang iniwan ni Jesus sa atin. Na tayo ay huwag gumawa ng anomang kabawalan ng Amang nasa langit na mababasa sa dakilang Tanakh ng Dios (Deut 18:10-13). Na huwag umugnay at pagamit sa mga masasamang espiritu na nagpapakunwaring mga kaluluwa ng mga namatay na santo, at nagpapakilalang mga matataas na espiritu.

Anomang aral pangkabanalan na masusumpungan sa Katuruang Cristo ay lubos na sinasang-ayunan ng katuwirang sumasa Dios. Kaugnay niyan, alin mang katuruang espiritismo na hindi umaayon at naghihimagsik sa Espiritismo ng Katuruang Cristo ay maipasisiyang mga mapanglinlang na katuruan ng diyablo.

Ang sino mang nagsasabi na siya'y kay Jesucristo ay ginagawa din naman niya ang mga ginawa ng Cristo. Tinatangkilik, itinataguyod, ipinagtatanggol, at isinasabuhay niya ang mga dalisay at dakilang katuruang pangkabanalan ng Katuruang Cristo. Datapuwa't ang mga mapanghimagsik ay hinalinhan ng likhang taong pilosopiya ang Katuruang Cristo. Na sa kanila ay isa iyong makabagong pag-asa sa ikalalapit ng tao sa Dios. Dahil sa pilipit na pangangatuwiran nilang iyan, sila ay naging tanyag sa tawag na anticristo, palibhasa sila'y laban sa Katuruang Cristo.

Sa pagtatapos ng unang bahaging ito ng kabuoang artikulo ay katotohanan ngang isang gawang KARUMALDUMAL sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit ang gayon, na madiin Niyang iniutos patungkol sa buong sangkatauhan.

Deut 18 :
10  Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, 
11  O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay. 

12  Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo. 

Ang sinoman ngang gumagawa ng mahigpit na kabawalang iyan ng Ama nating nasa langit. At gaya ng unyong Espiritista ng buong kapuluan ay walang ipinagkaiba sila kay Satanas at sa kasama niyang mga demonyo. Sapagka't tuwina'y salungat sa kalooban (kautusan) ng Dios (Deut 18:10-12) ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan sa mga patay at sa masasamang espiritu.  

Suma atin ang dakilang patnubay ng Ama nating nasa langit, hanggang sa muli, paalam.

Continuation (Katuruang Kardec [Reincarnation]) Part 2 of 2 Click here

Related article.
Nakakausap nga ba ng mga buhay ang mga yumao? Alamin kung  ito'y may katotohanan o wala. Click here.




Maaari din na i-click ang SUPPORT botton sa kaliwang itaas na bahagi ng artikulo.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento