Sabado, Hunyo 25, 2011

PANGALAN NG DIOS. HINDI MAHALAGA?


EXO 20 :
7 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka’t hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

EXO 9 :
16 Datapuwa’t totoong totoo, na dahil dito ay pinatatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang aking pangalan, at upang ang aking pangalan ay mahayag sa buong lupa.

BILANG 6 :
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel, at aking pagpapalain sila.

JUAN 17 :
6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)

JUAN 17 :
26 At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipinakilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay inibig mo ay mapasa kanila at ako’y sa kanila.



H

indi pa kaya sapat ang mga tiyak na katunayang inilahad namin, upang mapag-unawa ng lahat na lubhang mahalaga na malaman ang pangalan ng Dios? Sa pagpapatuloy ay bakit nga ayaw Niyang ipabanggit ang Kaniyang pangalan sa walang kabuluhang kaganapan? Kung ito nga’y hindi totoong mahalaga ay bakit sinabi Niyang ito’y kailangang mahayag sa buong kalupaan (mundo)?

Paano ngang ito’y hindi naging mahalagang malaman? Gayong mariing winiwika ng kasulatan (Exo 9:16), na pagpapalain Niya ang magsisipagtamo ng kaniyang pangalan. Palibhasa’y tinutupad nila ang Kaniyang mga salita (kautusan, palatuntunan, at kahatulan), kaya naman sila ay Kaniyang inibig na gaya ng isang mabuting Ama sa kaniyang mga anak.

Dahil dito ay natatamo ng anak ang pangalan ng kaniyang Ama. Ano pa’t sa kahandaan ng sinoman na tumanggap at magsabuhay nitong mga aral ng Dios ay doon pa lamang niya makakadaupang-palad ang guro na magtuturo sa kaniya ng gayong kabanal na mga bagay.

Samantala, kung sa natatanging kapanahunan nitong si Jesus ang pagbabatayan nating mga katunayan (Juan 17:6, 26) ay gayon din naman niyang ipina-uunawa sa lahat ang kahalagahan ng pangalan.

Oo nga’t katotohanan na nalalaman ng Dios ang anomang laman ng ating kaisipan at puso, sa gayo’y sapat na ba ito, upang sabihin na sa pakikipag-ugnayan sa Kaniya ay hindi na kailangan pang banggitin ang pangalan Niya? Aasahan ba natin ang mga biyaya kahi man nabasa lamang Niya sa ating isip ang mga bagay na may ganap na kinalaman dito?

Ang matuwid naming sagot ay hindi. Sapagka’t kung ang kaisaisang Dios ay itinuturing mong iyong Ama, at kinikilala mo naman ang iyong sarili na anak ng Dios, bilang anak ay marapat lamang na nalalaman mo ang pangalan ng sarili mong Ama na nasa langit.

Kaugnay nito ay hindi lingid sa ating kaalaman na walang bagay na hindi nababatid ang Dios, kaya naman ang pangalan ng kaniyang mga anak (anak ng pagsunod) ay kaniyang nalalaman. Gayon ma’y hindi niya kinikilala bilang mga anak (anak ng pagsuway) ang marami na nasumpungan niyang may paghihimagsik sa kaniyang mga salita (kautusan, palatuntunan, at kahatulan).

Bagaman nalalaman mong ikaw ay may isang Ama na nasa langit, subali’t paano baga mabibigyang diin ang gayon kung wala kang alam tungkol sa Kaniyang pangalan? Dahil dito ay hindi ba matuwid na bilang isang anak na nagmamahal sa sarili niyang Ama ay pagsikapan niya sa kaniyang sarili na alamin ang tunay Niyang pangalan? Ano pa’t mabuti sa sinoman ang kumikilala sa iisang Dios na totoo, kahi man Siya’y hindi niya nakikilala. Subali’t alam naming matatangap ng lahat, kung sasabihin naming higit na mabuti na alam ng anak ang pangalan ng sarili niyang Ama.

Paka-unawain na nga lamang natin, na kung ang tungkol sa Pangalan ay hindi gayong kahalaga ay hindi na sana ibinilang pa ito sa mahihigpit na kautusan ng Dios sa lahat ng tao sa kalupaan. Hindi na rin sana binigyang diin ni Jesus sa marami ang tungkol sa bagay na ito, kung hindi gayong kahalaga na malaman ang pangalan ng Dios.

Sila (anak ng pagsunod) sa kapanahunang yaon ay nagsitupad sa mga salita (evangelio ng kaharian) na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Kaya naman ang Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban ay hindi nagdalawang isip na ipagkaloob sa kanila ang pangalan ng Ama nating nasa langit.

Sa pagtatapos ng usaping ito’y isang sinungaling ang sinoman magsasabing siya’y kumikilala sa kaniyang ama, gayong hindi naman niya nalalaman ang pangalan, ni palayaw nito. Paano ngang masasabi na ikaw ay anak, kung ang itinuturo mong ama ay hindi mo nakikilala sa kaniyang pangalan?

Oo, ang pangalan ng Dios ay katotohanang nakukubli sa sinomang nasumpungan na may paghihimagsik sa mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesucristo at nilang mga sinaunang propeta ng Dios.

2 komento:

  1. Kung hindi mahalaga ang pangalan, eh bakit may pangalan ang tao. Dios pa kaya ang mawalan? Mahirap bang intindihin ang mga simpleng salita ng dios? Hay naku, tao nga naman. Nakakatawa naman, tatay ang pangalan ng tatay ko.

    TumugonBurahin
  2. Tanong: Sino ka sa mundo, kung hindi ka nabigyan ng pangalan? Kung hindi mahalaga ang pangalan ay bakit sa bawa't henerasyon ng mga tao ay nagbibigay ng bagong pangalan ang Dios?
    Sa sulat na ito ay marami ang matututo at magigising sa katotohanan.

    TumugonBurahin