Linggo, Nobyembre 15, 2015

SAN PABLO, ISRAELITA NGA BA?


Courtesy of Google Images
PAUNANG SALITA:

Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, sirain, ni gibain man ang pinaninindiganang doktrinang pangrelihiyon ng sinoman. Gayon din namang nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik sa mga panulat nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus. 

Kung siya man ang hayagang sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang itinuturo niyang aral (evangelio ng di-pagtutuli) ay may lantarang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios (Katuruang Cristo) na ipinangaral ni Jesus at ng iba pang tunay na banal. 

Sa halos hindi mabilang na denominasyon nitong Cristianismo ni Pablo ay ganap ang pagkilala sa kaniya bilang isang tunay na Israelita. Ito’y dahil sa may diin niyang pahayag sa ilang sulat na kaniyang ipinaabot sa mga taga Roma at Corinto.

Na sinasabi,

ROMA 11 :
Sinabi ko nga, Itinakuwil baga ng Dios ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagka’t ako man ay Israelita, sa BINHI NI ABRAHAM, sa angkan ni Benjamin.

2 COR 11 :
22  Sila baga’y mga Hebreo? ako man. SILA BAGA’Y MGA ISRAELITA? AKO MAN. Sila baga’y binhi ni Abraham? ako man.

Ang paglalahad ngang ito ni Pablo ng tungkol sa lahi (Abraham) niyang pinagmulan at bansang sinilangan (Tarsus, Cilicia) na bayan na pinamamahayan ng mga Griego ay sukat, upang pagtibayin sa kamalayan ng lahat niyang tagasunod, na siya’y gayon nga na isang Griego sa likas niyang kalagayan.

Sa ibang dako, kapag tinawag na Israelita ang isang lalake ay maliwanag siyang nabibilang sa labingdalawang (12) angkan ni Jacob (Israel). Sa gayo’y matibay ang katunayan na ang taong iyon ay isa nga sa binhi nitong si Abraham, na siyang ama ng lahi ni Israel. Sa gayo’y matuwid na sabihing si Pablo ay isang Griego na may dugong Israelita.

Kung ang ama ng lahi ni Israel ay itong si Abraham ay maliwanag na siya ang puno at ang mga binhing iniluwal (bunga) niya’y tumutukoy sa labingdalawang (12) anak ni Jacob (Israel). Sa gayo’y siyasatin nga natin, kung sa anong uri ng kalagayan lumalapat ang punong ito.

Courtesy of Google Images
GEN 26 :
At aking pararamihin ang iyong (Isaac) binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito; at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; (Mat 7:17-19)

5 Sapagka’t SINUNOD NI ABRAHAM ang aking TINIG, at GINANAP NIYA ang aking BILIN, ang aking mga UTOS, ang aking mga PALATUNTUNAN, at ang aking mga KAUTUSAN. (Juan 5:19)

Narito, at itong si Abraham pala ay nasumpungan ng kaisaisang Dios na nabibilang sa kalipunan ng mga anak ng pagsunod (tupa), kaya naman siya’y itinangi niya at pinarami ang kaniyang binhi. Na siya’y kinilala ng kataastaasan bilang simbulo at lubos na kaganapan ng isang mabuting puno.

Kaugnay nito, alinsunod sa katuwiran ng Dios ay ano naman kaya ang katotohanan na nararapat mapag-unawa ng lahat sa isang mabuting puno?

Tungkol nga sa bagay na ito ay mariing sinabi ng Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus,

MATEO 7 :
17  Gayon din naman ang BAWA’T MABUTING PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MABUTI; datapuwa’t ANG MASAMANG PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MASAMA.

18  HINDI MAAARI NA ANG MABUTING PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MASAMA, at ang MASAMANG PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MABUTI.

19  Bawa’t PUNONG KAHOY NA HINDI NAGBUBUNGA NG MABUTI AY PINUPUTOL, at INIHAHAGIS SA APOY.

Mula sa mga pananalitang iyan ng nabanggit na Espiritu ay maliwanag na si Abraham bilang isang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masama. Sa gayo’y walang alinlangan na pawang mabubuting bunga ang nangagsilabas sa maliwanag mula sa mabuti niyang mga binhi.

Kaya’t kapag tinawag na Israelita ang isang tao ay malinaw ngang siya’y mula sa mabuting binhi ni Abraham, na sukat upang maunawaan na sa kaniya’y walang anomang daya o bahid ng kasamaan. Sa gayo’y sinang-ayunan ng katotohanang ito ang ilang salitang nangagsilabas mula mismo sa bibig nitong si Jesus.

            Na sinasabi,

Courtesy of Google Images
Juan 1 :
47  Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya’y walang daya!

Ang mga salitang nasasaad sa itaas kung gayon ang matuwid na pamantayan, upang maalaman kung ang sinoman ay lumalapat sa kalagayan ng isang tunay na Israelita.

Sa pagpapatuloy ay nalalaman natin na Judaismo ang pangkalahatang relihiyon na tinitindigan ng mga anak ni Israel (mabubuting binhi), at yao’y naglalahad ng mga kasulatan na may kinalaman sa kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng kaisaisang Dios na nasa langit.

Judio (Jew) sa makatuwid ang nakaugaliang itawag sa kanila ng mga taga ibang lupa, at sa katawagan ding ito nakilala at natanyag ang lahi (Abraham) nila na nabibilang sa kalipunan ng mga anak ng pagsunod (tupa).

Ano nga? Kung ang puno ay anak ng pagsunod, sa gayo’y pawang mga anak ng pagsunod lamang ang ibubunga ng punong iyon. Wala rin namang ipinagkaiba sa puno ng ubas na hindi kailan man magbubunga ng olibo, kundi pawang mga ubas lamang. .

Gayon din naman na ang masamang puno ayon sa katotohanan ng kaisaisang Dios ay hindi maaaring magbunga ng mabuti, kundi pawang masama lamang. Dahil dito ay kahangalan na matuwirin ng sinoman, na mabuti ang pagtatapusan ng isang bagay na sinimulan sa kasamaan. Sa makatuwid baga’y kung ano ang puno ay siya nga niyang bunga.

Kung ang mga binhi ni Abraham na mga angkan ni Israel (Jacob) ay tanyag sa katawagang Judio, at  sila ayon sa mga katiwatiwalang kasulatan ay lumalapat sa kategoriya ng mga anak ng pagsunod (tupa). Sa madaling salita ay nalalaan sa kanilang lahi ang kaligtasan ng kaluluwa.

Na kung hihingan ng kaukulang katunayan ay ganito ang sinasabi,

Courtesy of Google Images
Juan 4 :
22  Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; sapagka’t ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio.

Kung lilinawin ay hindi katakataka na maging gayon, sapagka't ang lahing ito ang tagapag-ingat, tagapagpatupad, at tagapagtanggol ng mga kautusan (Torah), pati na ng mga propeta (Nevi'im) at ng kasulatan (Ketuvim).


Sa madaling salita ay nasa kanila ang Cristo at ang mga banal nitong balumbon ng Tanakh, na nagsasaad kung papaano magiging kalugodlugod sa paningin ng kaisaisang Dios ng langit.

Dahil diyan ay isang napakaliwanag na katotohanan kung gayon, na maliban sa KATURUANG CRISTO (evangelio ng kaharian) ay wala ng iba pang katuruan sa silong ng langit na kasusumpungan ng matuwid na daan, kung paano matatamo ng sinoman ang kapatawaran ng kasalanan at kaligtasan ng kaluluwa.  

Umpisahan nga nating siyasatin ang awtentisidad ng sinasabi ni Pablo na siya’y gayon ngang Israelita sa likas niyang kalagayan.

Unahin nga muna nating alamin,  kung ito bagang si Pablo ay hindi nangyari kailan man na nag-ibang anyo sa harapan ng kaniyang mga kausap?

At gaya ng nasusulat,

Courtesy of Google Images
1 COR 9 :
20  At sa mga Judio, AKO’Y NAGAARING TULAD SA JUDIO, upang mahikayat ko ang mga Judio, sa mga nasa ilalim ng kautusan ay GAYA NG NASA ILALIM NG KAUTUSAN, bagama’t wala ako sa ilalim ng kautusan upang mahikayat ang nasa ilalim ng kautusan.

21  Sa mga walang kautusan, ay TULAD SA WALANG KAUTUSAN, bagama’t hindi ako walang kautusan sa Dios, kundi nasa ilalim ng KAUTUSAN NI CRISTO, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan.

Sa ilang talata na aming inilahad sa inyo’y nasumpungan ang taong ito na gumagamit ng daya, upang makahikayat ng mga Judio at ng mga Gentil. Siya sa makatuwid ay nagbabalatkayo na tila kagaya nila, at upang magawa ang gayon ay kailangan niyang sila’y dayain mula sa mga nilubidlubid niyang mga kasinungalingan.

Ito nga kayang si Pablo ay kinakitaan ng mga bagay na nagpapahiwatig ng daya, o mula sa bibig niya’y binigyan niya ng diin na siya ay isang likas na magdaraya? Tungkol sa tanong na ito’y bayaan natin, na mula sa sarili niyang panitik ay mahayag ang tunay na uri ng kaniyang pagkatao..

Na sinasabi,

Courtesy of Google Images
2 COR 12 :
16  Datapuwa’t magkagayon man, ako’y hindi naging pasan sa inyo: kundi dahil sa PAGKATUSO ko, kayo’y hinuli ko sa DAYA.

2 Cor 6 :
8 Sa pamamagitan ng karangalan at ng kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at ng mabuting ulat; gaya ng mga magdaraya gayon ma’y mga mapagtapat;

Ang isang magdaraya ay naglilikom ng samo’t saring kasinungalingan, upang gawin niyang kasangkapan sa mga karumaldumal niyang mga gawa (daya). Sa gayon ay may pinatotohanan kaya si Pablo kaugnay ng usaping ito? Bagay na makapagbibigay linaw, kung siya na mismo ang pasasagutin natin sa ating tanong.

At madiin niyang winika,

Courtesy of Google Images
ROMA 3 :
5  Datapuwa’t kung ang ating KALIKUAN ay nagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita ako ayon sa pagkatao.)

7  Datapuwa’t kung ang katotohanan ng Dios sa pamamagitan ng AKING KASINUNGALINGAN ay sumagana sa ikaluluwalhati niya, bakit pa naman ako’y hinahatulang tulad sa isang makasalanan?

FIL 1 :
18  Ano nga, gayon man, SA LAHAT NG PARAAN, maging sa PAGDADAHILAN o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo, at sa ganito’y NAGAGALAK AKO, Oo, at AKO’Y NAGAGALAK.

Kung ang isang tao ay puspos ng daya at kasinungalingan sa kaniyang sarili ay maliwanag ngang siya’y nabibilang sa malaking kalipunan ng mga masasama (karumaldumal) sa paningin ng kaisaisang Dios.

Yamang ayon na rin sa sariling panitik nitong si Pablo ay binigyan niya ng diin, na siya’y isang taong madaya at sinungaling. Sa makatuwid baga’y maaaring sabihin na ang taong ito ay taglay ang kasamaan sa kaniyang sarili?

Kaugnay nito’y madiing winika ni Pablo ang mga sumusunod na pananalita,

Courtesy of Google Images
ROMA 7 :
18  Sapagka’t nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay HINDI TUMITIRA ANG ANOMANG BAGAY NA MABUTI: sapagka’t ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa’t ang PAGGAWA NG MABUTI AY WALA.

Ngayon nga, ang isang tao na hindi gumagawa ng anomang mabuti ay tunay na masama sa likas niyang kalagayan. Itong si Pablo sa makatuwid ay napakaliwanag na lumalapat sa gayong kasuklamsuklam na kalagayan, at sa mga katunayan na aming inilahad sa inyo’y huwag na kayong mag-alinlangang tawagin siyang totoong masama, nang dahil sa kaniyang kadayaan at kasinungalingan.

Kung gayong sa kalooban nitong si Pablo ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti,  ay ano kayang espiritu ang siyang sa kalooban niya ay nagdidikta, kung ano ang kaniyang sasabihin at kung ano ang kaniyang gagawin? Wika ng sarili niyang bibig ay ito.

Courtesy of Google Images
2 COR 12:
7 At nang ako’y huwag magpalalo ng labis dahil sa kadakilaan ng mga pahayag, ay binigyan ako ng isang tinik sa laman, NG ISANG SUGO NI SATANAS, UPANG AKO’Y TAMPALIN, NANG AKO’Y HUWAG MAGPALALO NG LABIS.

1 TESA 2 :
18  Sapagka’t nangagnasa kaming pumariyan sa inyo, akong si Pablo, na minsan at muli; at hinadlangan kami ni Satanas.

1 TIM 1:
20 Na sa mga ito’y si Himeneo at si Alejandro; na sila’y AKING IBINIGAY KAY SATANAS, UPANG SILA’Y MATURUANG HUWAG MAMUSONG.

Ang nasasaad na mga salita sa nakaraang tatlong (3) talata na mula mismo sa sariling bibig ni Pablo ay katunayan, na ang pinaglilingkuran na espiritu nitong si Pablo ay hindi ang Dios ng langit, at siya ay walang iba kundi ang entidad ng kasamaan (Satanas). Sapagka’t mula sa matalas niyang pananalita ay may iba na silang pinaglilingkurang espiritu.

Na sinasabi,

Courtesy of Google Images
ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat (kautusan).

Ang tumatampal sa kaniyang bibig upang siya ay huwag magpalalo ng labis ay ang sugo na diyablo ni Satanas, at sa mga kasama niya na namumusong ay ipinadadala niya sila kay Satanas, upang sila aniya’y maturuan na huwag gumawa ng gayon. Napakaliwanag sa mismong patotoo nitong si Pablo, na may direkta siyang pakikipag-ugnayan kay Satanas.            

Sa pagtatapos ng usaping ito’y walang alinlangang nasumpungan ang taong si Pablo, na nabibilang sa malaking kalipunan ng mga huwad na Israelita, nang dahil sa kaniyang kadayaan, kasinungalingan at direktang pakikipag-ugnayan kay Satanas. Sa gayo’y maliwanag din na ang minamatuwid ng taong ito gaya ng nasusulat sa Roma 11:1 ay pawang kasinungalingan at mga salitang mapangdaya laman.

ROMA 11 :
1  Sinasabi ko nga, Itinakuwil baga ng Dios ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagka't AKO MAN AY ISRAELITA, SA BINHI NI ABRAHAM, SA ANGKAN NI BENJAMIN.

Kung ang tao ngang ito’y hindi isang tunay na Israelita sa likas niyang kalagayan. Sa makatuwid ay walang alinlangan na siya ay hindi kailan man naging binhi ni Abraham. Sapagka’t kailan man di’y hindi nagluwal ng binhing masama, na gaya ng karumaldumal na si Pablo ang ama ng lahing nabanggit.

Sa lubos na pagpapatibay nitong mga bagay na tinanglawan namin sa inyong kamalayan ay uulitin namin ang sinabi,

MATEO 7 :
17  Gayon din naman ang BAWA’T MABUTING PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MABUTI; datapuwa’t ANG MASAMANG PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MASAMA.

18  HINDI MAAARI NA ANG MABUTING PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MASAMA, at ang MASAMANG PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MABUTI

Ang sinoman sa makatuwid na lumalapat sa kalagayan ng kabanalan ay nagsasaad ng pagtatapat, na lumalayong ihayag ang katotohanan ng Dios. Siya’y buhay na halimbawa ng mabuting puno, na hindi kailan man maaaring magkasupling ng magdaraya at sinungaling. Gayon din naman ang taong puspos ng karumaldumal (daya at kasinungalingan) sa kaniyang sarili ay hindi maaaring magka-anak ng isang maibigin sa kapayapaan at katotohanan ng Dios.

Kaugnay nito, ang ugat ng lahi nila na mga mapanghimagsik sa kalooban ng Dios (evangelio ng kaharian) ay hindi kailan man naging si Abraham, at kung sino man ang punong yaon ay tinitiyak namin na siya’y lubhang masama na gaya ng kaniyang bungang si Pablo.

“Kung ano ang puno ay siyang bunga.”

“What you are is what you make, eka nga.

Kamtin nawa ng bawa’t isa ang kapayapaan ng kaisaisang Dios ng langit. Tamuhin din naman ng bawa't isa ang mga biyaya ng langit na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay.

Hanggang sa muli, paalam.


SUPPORT:

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento