Miyerkules, Hunyo 8, 2011

KARUMALDUMAL NG MGA EGIPCIO at (Pag-asa ng masama sa kaligtasan)

Ang tanging layunin ng ating Ama ay ilagay sa wastong pamumuhay ang lahat niyang mga anak, kaya nga nang alisin niya sa pagkaalipin ng Egipto ang boong sangbahayan ni Israel ay nagbigay siya ng mga kautusan, at mga palatuntunan. Sapagka’t sila’y nangahawang lahat sa hindi kakaunting karumaldumal na kinawiwilihan ng mga Egipcio, na sa kanila’y umalipin ng lubhang mahabang mga panahon.

Na kung iisaisahin ay ayon sa mga sumusunod,


1. Ang pagkakaroon ng ibang mga dios.
2. Ang pagsamba sa mga likhang larawan (idulo/rebulto) ng mga diosdiosan.
3. Ang pagbanggit sa pangalan ng Dios sa walang kapararakan.
4. Ang pagpapawalang kabuluhan sa mga kapanahunan ng Sabbath.
5. Ang paglapastangan sa Ama at Ina.
6. Ang pagpaslang (pagpatay) ng kapuwa.
7. Ang pangangalunya (pakikiapid).
8. Ang pagnanakaw.
9. Ang pagsaksi ng kasinungalingan laban sa kapuwa.
10. Ang pagiimbot sa asawa ng iba at anomang pagaari ng kapuwa.


Bagman ang kanilang mga katawan ay lumaya na sa mahabang panahong pagkaalipin ng Paraon nitong Egipto ay nalalaman ng kaisaisang Dios, na sila’y alipin pa rin sa kanilang kalooban ng mga nabanggit na karumaldumal ng mga Egipcio. Kaya’t sa pangalawang pagkakataon ay pinalaya sila niya sa pamamagitan ng pagkakaloob nitong sampung (10) kautusan na lumalayong umibig sa Dios at umibig sa kapuwa.

Ang eksaktong bilang ng mga kautusan na yao’y gayon din ang eksaktong bilang ng mga katampalasanan ng mga Egipicio sa Dios at sa kanilang kapuwa. Kaya’t ang mga ito’y lubos na tinapatan ng ating Ama ng mga kautusan, na kung gaganapin ay tunay ngang magpapalaya sa mga anak ni Israel sa mga nabanggit na karumaldumal.

Ang kasuklamsuklam na lahing kanilang iniwan ay maliwanag din na nahirati at nabuhay sa estilo ng pamumuhay na hindi kailan man naging kalugodlugod sa Dios. Sapagka’t sila’y nagsisikain ng mga karumaldumal na hayop, nagsisipag-alay at nagsisipaghandog ng mga bagay at mga anak sa mga diosdiosang inanyuan ng mga kamay, walang kapahingahang nalalaman, walang ikapu (10%), walang gawain sa pagtubos ng sala, at marami pang iba.

Palibhasa’y kalipunan sila na nabibilang sa kategoriya ng mga anak ng pagsuway, at dahil dito ay pinalaya sila (mga anak ni Israel) ng lubusan sa pamamagitan ng mga palatuntunan na ibinigay sa kanila ng kaisaisang Dios. Sa gayo’y katotohanan nga na nararapat tanggapin ng lahat, na kung ang mga Egipcio ay hindi nasumpungan ng ating Ama sa gayong kalagayan ay hindi kailan man magkakaloob sa mga anak ni Israel ng mga nabanggit na palatuntunan.

Gayon ma’y sinasabi ng mga banal na kasulatan, na hindi lahat sa nabanggit na sangbahayan ay pinalaya ang kanilang sarili sa nakahawa sa kanilang karumaldumal ng mga Egipcio. Sapagka’t ninais nilang manatili sa kanilang boong pagkatao ang karumihang yaon. Kaya’t sa kanila’y nagsiklab ang galit ng Dios at sila’y nilipol na lahat sa kapanahunang tinutungo nila ang lupain ng Palesitino.

Dahil dito ay katotohanan na ang lahat ng nakarating sa nabanggit na lupain ay inaring ganap at ibinilang ng Dios sa mga anak ng pagsunod, samantalang ang mga anak ng pagsuway ay nilipol na niya sa daan pa lang patungo doon. Sapagka’t napakaliwanag na ang lupaing yao’y sadyang inilaan ng ating Ama at hinatihati sa labingdalawang (12) angkan ni Israel.
            
Yao’y bilang mana at kaganapan ng mga pangako sa mga nasumpungan niyang kalugoglugod sa kaniyang paningin. Sa makatuwid baga’y sila na sa pamamagitan ng mga kautusan, at palatuntunan nilang tinanggap sa Dios ay pinalaya ang kanilang mga sarili sa mga karumaldumal na inihawa sa kanila ng mga Egipcio.

Gaya nga sila ng mga tupa na napabilang sa malaking kawan ng mga kambing, na pinaroonan ng pastor na sa kanila’y nagmamay-ari sa dako nilang pinagkakatipunan, at ang mga tupa (anak ng pagsunod) ay nilikom upang ihiwalay sa mga kambing (anak ng pagsuway).

Datapuwa’t may ilang kambing na nag-ayong gaya ng tupa, at nang sila’y kakitaan (pastor) ng kilos ng pagkakambing ay sinaktan niya sila at iniwang mga walang buhay sa daan. Sapagka’t mga tupa lamang ang karapatdapat na isauli sa kawan ng mga tupa, datapuwa’t ang mga kambing ay may ibang dakong kalalagyan. Sa makatuwid baga’y yaong naglalagablab na apoy sa impiyerno, na tapunan ng diyablo at ng kaniyang mga kampon.

Ano pa’t kung ang mga tupa ay maligaw, sa gayo’y tupa pa rin silang itinuturing ng Dios, at sila’y hindi sinasaktan, bagkus ay hinahanap upang isauli sa pinanggalingan nilang kawan. Palibhasa’y mga anak ng pagsunod na nalihis ng landas at nagkaroon ng dungis, at dahil dito’y kinakalinga sila (sambahayan ni Israel) ng pastor gaya ng isang ina na nagpapaligo at naglilinis sa mga dungis ng kaniyang mga anak.

Kaugnay nito, si Abraham, Isaac, Jacob (Israel) ay napakaliwanag na inaring ganap ng Dios bilang mga anak ng pagsunod (tupa). Na mga mabubuting puno na nagluwal sa maliwang ng mabubuting binhi. Ang kalipunan nila kung gayo’y kinabibilangan nila Moises, Aaron, David, Solomon at hindi kakaunting gaya nila.

Na sa katuwiran ay sinasabi,

ANG KATUWIRAN NG MAG-AMANG ABRAHAM AT ISAAC

GEN 15 :
AT SUMAMPALATAYA SIYA SA PANGINOON; at ito’y ibinilang na KATUWIRAN sa kaniya.

GEN 15 :
At siya’y (Abram) inilabas at sinabi, Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo: at sa kaniya’y sinabi, MAGIGING GANIYAN ANG IYONG BINHI.

GEN 26 :
At aking pararamihin ang iyong (Isaac) binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito; at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; (Mat 7:17-19)

5 Sapagka’t SINUNOD NI ABRAHAM ang aking TINIG, at GINANAP NIYA ang aking BILIN, ang aking mga UTOS, ang aking mga PALATUNTUNAN, at ang aking mga KAUTUSAN. (Juan 5:19)



ANG KATUWIRAN NG MAG-AMANG DAVID AT SOLOMON

1 HARI 2 :
Ako’y (David) yumayaon ng lakad ng boong lupa; ikaw (Solomon) ay magpakalakas at magpakalalake;

At iyong ingatan ang bilin ng Panginoon mong Dios, na LUMAKAD SA KANIYANG MGA DAAN, na ingatan ang kaniyang mga PALATUNTUNAN, ang kaniyang mga UTOS, at ang kaniyang mga KAHATULAN, at ang kaniyang mga PATOTOO, ayon sa NASUSULAT SA KAUTUSAN NI MOISES, upang ikaw ay guminhawa sa lahat ng iyong ginagawa, at saan ka man pumihit.

Upang PAGTIBAYIN NG PANGINOON ANG KANIYANG SALITA NA KANIYANG SINALITA TUNGKOL SA AKIN, na sinasabi, Kung ang iyong mga anak ay magsisipagingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko sa KATOTOHANAN ng kanilang BOONG PUSO at ng kanilang BOONG KALULUWA, hindi ka kukulangin (sabi niya) ng lalake sa luklukan ng Israel.

1 HARI 3 :
14  At kung ikaw (Solomon) ay lalakad sa aking (YHVH) mga daan, upang ingatan ang aking mga PALATUNTUNAN, at ang aking mga UTOS, gaya ng INILAKAD NG IYONG AMANG SI DAVID, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan.

1 Hari 1:
37  Kung paanong ang Panginoon (Espiritu ng Dios) ay suma aking panginoon (David) na hari ay gayon suma kay Salomon at gawin nawa ang kaniyang luklukang lalong dakila kay sa luklukan ng aking panginoong haring si David.

1 Hari 1:
28  At nabalitaan ng boong Israel ang kahatulan na inihatol ng hari (Salomon); at sila’y nangatakot sa hari; sapagka’t kanilang nakita na ang karunungan ng Dios ay nasa kaniya, upang gumawa ng kahatulan.

Na ilan lamang sa hindi kakaunting tupa na nagluwal ng mga anak ng pagsunod sa boong sangbahayan ni Israel. Datapuwa’t sa kapanahunan bago dumating ang Cristo (pagliligtas) ay gayon muling nakasumpong ang ating Ama ng mga ligaw na tupa. Kaya’t sa kapanahunan ay pinamahayan at pinagharian ng kaniyang Espiritu ang kabuoan nitong si Jesus, at kaniyang sinabi,

MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

JUAN 10 :
27  Dinidinig ng aking mga tupa ang aking TINIG, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.

EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko, na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

Eze 26 :
26  Bibibyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa (Espiritu); at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27  At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan (kautusan), at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

Sa makatuwid ay napakaliwanag na ang layunin nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus ay upang likumin ang mga ligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel. Na sila’y iniligtas sa kalagayan nilang yaon, upang kamtin ang mga pangako na ipinangako ng Ama sa kanilang mga magulang. Sapagka’t ang lahi nila’y tupa at hindi kambing, at dahil dito’y kailangan silang panatiliin ng Pastor (Espiritu ng Dios) sa kawan ng mga tupa, upang hindi mangahawa sa karumihan ng mga kambing na naglipana sa lahat ng dako.

Gayon nga ring sinabi ng nabanggit na Espiritu mula sa bibig ng taong si Jesus, na siya’y,

JUAN 10 :
15  Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko (Espiritu ng Dios) ang aking buhay dahil sa mga TUPA. (Mat 15:24, Juan 15:13-15)

JUAN 10 :
11  Ako ang mabuting pastor (Espiritu ng Dios): ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa

JUAN 17 :
Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)

Juan 10 :
28 At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.

Maliwanag kung gayon, na ang buhay na ibinigay sa mga tupa nitong Espiritu ng Dios na na kay Jesus  ay ang buhay niya na walang hanggan. Palibhasa nga’y ang nabanggit na Espiritu ang nagsasalita mula sa bibig ni Jesus ay walang hanggang buhay ang natamo nila (tupa) mula sa kaniya. Sapagka’t kung paano niya ibinibigay ang kaniyang buhay (walang hanggan) sa mga tupa (anak ng pagsunod) ay gayon din naman niya ibinibigay ang kaniyang kamatayan, bilang pinal na husga sa mga karumaldumal na kambing (anak ng pagsuway).

Ang tinutukoy dito kung gayo’y hindi ang buhay na umano’y inihandog nitong si Jesus sa ikapagpapatawad ng sala nitong sanglibutan (anak ng pagsuway). Ang kamatayan niya sa pagkakabayubay sa krus ay bilang kaganapan lamang ng nasusulat, na ang mga propeta ng Dios ay pinipighati, nilalapastangan, at sa katapustapusan ay pinapaslang ng mga tampalasan.

Sa gayo’y inyong nakita kung papaano pinilipit nitong mga kambing (anak ng pagsuway) ang matuwid na isinasaad ng pastor (Espiritu ng Dios) sa kaniyang mga tupa (anak ng pagsunod). Palibhasa nga’y naging gayon sila nang dahil sa kailan ma’y hindi nila inalintana ang tinig at salita nitong pastor ng mga tupa.


Ano pa’t tungkol sa kanila’y sinabi,

A Fig tree
MATEO 7 :
17  Gayon din naman ang BAWA’T MABUTING PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MABUTI; datapuwa’t ANG MASAMANG PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MASAMA.

18  HINDI MAAARI NA ANG MABUTING PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MASAMA, at ang MASAMANG PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MABUTI.

19  Bawa’t PUNONG KAHOY NA HINDI NAGBUBUNGA NG MABUTI AY PINUPUTOL, at INIHAHAGIS SA APOY.

Magkagayon ma’y sinabi bagang ang masama ay hindi na maaaring bumuti pa? Oo nga’t ikaw ay mula sa binhi ng masamang lahi, na gaya nila’y masama rin,

EZE 18 :
21  Nguni’t kung ang MASAMA ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga PALATUNTUNAN, at gumawa ng TAPAT at MATUWID, siya’y hindi mamamatay.

22  Wala sa kaniyang mga pagsalangsang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya: sa kaniyang KATUWIRAN na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.

ISA 43 :
25  Ako, ako nga ay siyang pumapawi ng iyong mga pagsalangsang alang-alang sa akin; at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.

Gayon ngang binibigyang diin ng katotohanan na ang sinoman, bagama’t anak ng masama (pagsuway) ay may lubos pa ring pag-asa nitong kaligtasan sa kamatayan. Kung siya nga’y babalik sa katuwiran ng sarili niyang Ama na nasa langit. Sa gayo’y babaguhin ng Dios ang anyo niyang kambing at siya’y ililipat sa kalagayang lumalarawan sa kaanyuan ng isang tupa.

Sa makatuwid nga’y pagganap nga lamang sa tanging kalooban ng Dios (kautusan ng pagibig) ang ating gagawin, at ang susunod doo’y siya na ang bahalang gumawa ng nararapat at kaukulang pagbabago sa anyo ng sinoman. Upang sa kabuoan niya’y lumarawan ang katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay, na siyang kabuoang anyo ng bawa’t tupa (anak ng pagsunod) na nabubuhay sa kalupaan.


Gaya nga nitong sangbahayan ni Israel ay pinalalaya tayo ng Dios sa mga nabanggit na karumaldumal ng sanglibutan sa pamamagitan ng pagsasabuhay nitong mga kautusan ng pag-ibig sa Dios at mga kautusan ng pag-ibig sa kapuwa. Sa makatuwid nga’y ang sampung (10) utos na ipinagkaloob ng Dios kay Moises sa bundok ng Sinai.

2 komento:

  1. Ang akala ko minsan lang pinalaya ng Dios ang Israel, yun pala'y dalawang ulit. Ang pangalawa palang pagpapalaya sa kanila ay noong bigyan sila ng 10 utos. Ang galing ng pagkakasaliksik po ninyo.

    TumugonBurahin
  2. Bakit ba isa man sa kanila ay walang nagsabi ng tungkol sa dalawang ulit na paglaya ng buong angkan ni Israel?

    May kahusayan ang ginawa mong pananaliksik.
    Larga lang at sinusubaybayan ko na ang blog na ito. Salamat.

    TumugonBurahin