Lunes, Hunyo 6, 2011

AKO’Y ALIPIN AT APOSTOL NI JESUCRISTO

Saul of Tarsus aka Paul
Roma 1 :
Si Pablo na ALIPIN NI JESUCRISTO, na TINAWAG NA MAGING APOSTOL, ibinukod sa EVANGELIO NG DIOS,

1 Cor 1 :
Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid.

2 Cor 1 :
Si Pablo, na Apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Timoteo, na ating kapatid sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, kalakip ng lahat ng mga banal na nasa bayan ng Acaya.
Gal 1 :
Si PABLO, na APOSTOL (hindi mula sa mga tao, ni sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesucristo, at ng Dios Ama, na siyang sa kaniya’y muling bumuhay),
Efe 1 :
Si Pablo, na APOSTOL NI CRISTO JESUS sa pamamagitan ng KALOOBAN NG DIOS, sa mga banal na nangasa Efeso, at sa mga tapat kay Cristo Jesus.

Fil 1 :
Si Pablo at si Timoteo, na MGA ALIPIN NI CRISTO JESUS, sa lahat ng mga BANAL KAY CRISTO JESUS na nangasa FILIPOS, pati ng mga OBISPO at ng mga DIAKUNO.

Col 1 :
Si Pablo, na APOSTOL NI JESUCRISTO sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at ang kapatid nating si TIMOTEO,

1 Tes 1 :
Si Pablo, at si Silvano, at si Timoteo, sa iglesia ng mga taga Tesalonica sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.

1 Timo 1
Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus, ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pagasa.

2 Timo 1
Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ayon sa pangako ng buhay na nasa kay Cristo Jesus,

Filemon
Si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus, at si Timoteo na ating kapatid kay Filemon na aming minamahal at kamanggagawa,

Ayon na rin sa sariling pahayag ni Pablo ay isa siyang alipin ni Jesuscristo, at sa pagiging gayon ay sadyang tinawag upang maging apostol (ng mga Gentil). Maliwanag nga rin ayon sa kaniyang isinatitik na mga salita, na siya’y nabibilanggo mula sa pagkaalipin nitong si Jesus na kaniyang Panginoon.

Subali’t sa ganap na kaliwanagan ng mga katunayang susunod naming ilalahad ay hindi maaaring siya’y lumapat sa kalagayan ng isang alipin, kundi ng isang mortal na kaaway. Gayon nga ring siya’y hindi kailan man nalagay sa kostodiya nitong katuwirang isinatinig ni Jesus bilang isang bilanggo, nang dahil sa kailan man di’y hindi niya (Pablo) sinangayunan ang masaganang daloy ng katotohanan na nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Jesucristo.

Tungkol sa kautusan at pananampalataya ay binigyang diin ng tinig ni Jesus ang mga sumusunod na salita,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

Bilang paghihimagsik sa mga salita nailahad sa itaas na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus ay minatuwid naman nitong si Pablo ang mga sumusunod na pahayag.

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMAN.

Sa mga katibayang katatapos lamang naming ilahad ay walang alinlangang si Jesus ay tinatanggap at sinasang-ayunan ang kautusan at pananampalataya sa kaisaisang Dios. Samantalang itong si Pablo ay hindi maikakailang laban sa katuwirang yaon.


Hinggil sa likas na kalagayan ni Jesus ay katotohanang hindi maikakaila ninoman ang mga sumusunod na talata,

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Ang kautusan ayon sa mga pahayag na sinasang-ayunang lubos ng katotohanan ay matuwid na isabuhay ng lahat, sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao sa kalupaan. Kaya nga itong si Jesus ay gumanap sa kautusan, sapagka’t nalalaman niyang yao’y tungkulin sa kaisaisang Dios na nararapat gampanan ng lahat ng tao sa kalupaan.


Gayon ma’y sinalungat nitong si Pablo ang katuwirang nabanggit at sa halip ay gaya ng nasusulat sa ibaba ang madiin niyang sinalita,


Saul of Tarsus aka Paul
COL 2 :
Sapagka’t sa kaniya’y (Cristo) nananahan ang BOONG KAPUSPUSAN NG PAGKA DIOS sa kahayagan ayon sa laman.

10  At sa kaniya kayo’y napuspos na siyang PANGULO ng lahat ng PAMUNUAN at KAPANGYARIHAN.

Tito 2 :
13  Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;

 ROMA 9:
Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang CRISTO ayon sa laman, na siyang LALO SA LAHAT, DIOS NA MALUWALHATI MAGPAKAILAN MAN, SIYA NAWA.

Ang Jesus na pinatototohanan namin ay nagsasabing siya’y isang totoong tao sa likas niyang kalagayan. Sa kabila ng katunayang yao’y iginigiit pa rin nitong si Pablo na si Jesus ay Dios, at dahil dito’y maliwanag na sinasalungat niya ang  mga patotoong nabanggit sa itaas. Sa gayo’y ano sa palagay ninyo ang maaaring itawag sa taong laban sa mga salita na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus?


Kaugnay ng usaping ito’y maliwanag na sinalita ni Jesus ang mga sumusunod,

Jesus the Carpenter
JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

Juan 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayn mula sa kamatayan.

Katotohanan kung gayon, na itong si Jesus ay walang anomang salitang minatuwid na ayon sa kaniyang sarili, kundi ang Espiritu ng Dios na nasa kaniyang kalooban ang siyang nagbibigay ng utos kung ano ang kaniyang sasabihin at kung ano ang dapat niyang salitain sa mga kinauukulan.

Sa pagpapatibay ng mga patotoo na inilahad nami’y tunghayan ang mga sumusunod,

JUAN 8 :
26  Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglubutan.

JUAN 7 :
16  Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

Maliwanag ngang pinatototohanan nitong si Jesus na ang mga salita na isinatinig ng kaniyang bibig sa panahong yao’y hindi kaniya, kundi narinig lamang niya sa Espiritu ng Dios na nananahan at naghahari sa kaniyang kalooban. Kaya matuwid lamang niyang sabihin na ang turo ng kabanalan na sinalita niya sa mga tao ay hindi kaniya, kundi doon sa nabanggit na Espiritu.

Kaugnay nito’y may ipinatitigil na simulaing aral ng kabanalan itong si Pablo na sinasabi,

Anti-Christ

Heb 6 :
Kaya’t tayo’y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa (kautusan), at ng pananampalataya sa Dios,

Sa gayo’y nakakagulat na malaman, na itong si Pablo ay walang dudang naghihimagsik sa aral ng Dios na lumabas mula sa bibig ni Jesus. Sapagka’t aniya sa itaas ay itigil na ang pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo. Kaya hindi lamang pala matatawag na anti-Cristo ang taong ito, kundi siya pala’y laban din sa mga salita ng Dios. Dahil dito, ang sinomang manindigan sa mga nilubidlubid niyang kasinungalingan (evanglio ng di pagtutuli) ay anti-Cristo nga rin matatawag.

Ang masakit dito’y may tuwirang paglapastangan sa Espiritu Santo na nasa kalooban ni Jesus, at nasusulat na ang gayong gawain ay kasalanang walang kapatawaran. Sukat upang ang sinomang tumindig sa karumaldumal na aral ni Pablo (evangelio ng di pagtutuli) ay matamo ang pagkakasala na walang kapatawaran.

Maliwanag nga rin na ang taong ito’y walang anomang nalalaman sa misteryong bumabalot sa buong pagkatao nitong si Jesus. Sapagka’t ang akala niya’y sariling katuruan ni Jesus ang mga simulaing aral na ipinatitigil niya. Ang hindi niya (Pablo) alam ay Espiritu ng Dios ang siyang may salita ng lahat na aral (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ng Cristo.

Narito, at ayon sa mga kongretong katibayan na aming inilahad sa inyo’y napatunayang hindi kailan man maaaring lumapat si Pablo sa kalagayan ng isang alipin, ni sa kalagayan man ng isang apostol nitong Espiritu ng Dios na namahay at naghari sa kalooban ni Jesus. Sa gayo’y tugmang tugma ang likas na kaugalian ng taong ito sa pagiging masugid na kaaway ng tunay na kabanalan, o kaya nama’y sa pagiging isang ama ng mga anti-Cristo na totoo.

Hanggang sa muli, paalam.


5 komento:

  1. Maganda. Sadyang makabuluhan ang iyong mga sinalita sa iyong blog. Oo nga, no. Ang nagpapakilalang alipin na nagsasalita ng laban sa kanyang amo ay hindi alipin kundi kaaway.

    TumugonBurahin
  2. Sa binasa mong akda ay nalalaman kong naunawaan mong mabuti ang buong nilalaman nito. Salamat at ngayo'y nalalaman mo na rin kung sino ang totoong naghimagsik at nagpawalang kabuluhan sa mga salita na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesucristo.

    TumugonBurahin
  3. kakaiba, wala ako masabi.

    TumugonBurahin
  4. Detalyado ang inyong pagsasaliksik na ang pagsisiwalat ay hindi mismo sa sariling opinyon kundi ito ay nakabase rin sa verse at katipulo Daluyan ng kaalaman para sa akin katotohanan liwanag ng kaisipan Nakakatakot isipin na ang anti cristo ay nasa loob pala ng kasulatan

    TumugonBurahin