Linggo, Agosto 25, 2024

BIRHENG MARIA

      
                               BIRHENG MARIA                                                                
Paunang salita
Hindi namin layunin na gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Hindi namin hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.

Ang isa sa pangunahing layunin ng kababaihan ay dalhin sa kaniyang sinapupunan ang binhi ng buhay alinsunod sa kalooban ng Dios. Ito’y maluwalhating kinakalinga at pinagpapala ng kaniyang kabuoan sa loob ng siyam (9) na buwan – hanggang sa ang punlang iyon ay lumaki at isilang sa maliwanag. 

Ang babae sa gayong kapamaraanan ng lumikha ay nagiging ganap na “INA” at ang isinilang niyang sanggol – lalake man o babae ay tatawagin niyang “ANAK.”

Bilang babae, gaya nga rin ng birheng Maria, ayon sa kalooban ng Dios ay dinala sa kaniyang sinapupunan ang sanggol na pinangalanang Jesus. Ang batang nabanggit ay gumanap bilang isa sa pinakamahalagang tauhan ng lumipas na lubhang malayong kapanahunan. Siya ay kinilala ng marami bilang isang matapat na lingkod ng Dios (propeta). Ang iba naman ay higit pa kay sa roon ang ginawang pagtanggap sa kaniya, dahil sa siya’y inari nilang bugtong na anak ng Dios at Dios na totoo.

 

Sa gayong katayog na pagkilala kay Jesus ay nagkaroon ng kadahilanan ang mga sinaunang tao, upang si Maria ay pagkalooban ng hindi matatawarang pagkilala bilang “INA NG DIOS.” 



Sa kataas-taasang kalagayang ngang inilapat sa kaniya ay naging kaakibat na nito ang mga hindi pangkaraniwang banal na katangian. Mula sa mga pangrelihiyong tradisyon ng mga paganong Romano ay pinaniwalaan na sa kalagayan niyang iyon ay maaari siyang “mamagitan sa anak niyang Dios at sa tao.” “Akuin ang sala ng mga tao,” at “maging tagapag-adya ng mga kaluluwa mula sa sumpa ng langit.”

 

Ano pa’t ang mga katangiang iyon na ikinarga ng mga paganong Romano kay Maria ay hindi na nga kakayahan pa ng tao, kundi gawaing lumalapat lamang sa Dios. Sa madaling salita, kahi man bilang tao ang binibigyang diing kalagayan niya ng Simbahang Katoliko – gayon ma’y mga katangian ng Dios naman ang inanunsiyo nilang gawain niya. Dahil dito, sa paglipas ng mga panahon alinsunod sa mga pilipit na turo ng kaparian ay nahikayat ang mga deboto ng Simbahang Katoliko, na bigyan ng kaukulang banal na pagsamba at panalangin si Maria.

 

Ano nga ang kabuluhan ng mga gayong gawain, kung wala naman silang imahen na luluhuran, dadasalan at sasambahin. Kaya siya’y iginawa ng simbahan ng sarili niyang iba’t ibang larawan at rebulto na inukit ng mga manlililok mula sa bato, kahoy, metal, plastic, chalk, papel, karton at iba pa. Sa kalakarang iyan ay nagtumibay ang pagkilala at pagsamba kay Maria

Hanggang sa panahon nga nating ito ay patuloy pa ring pinaniniwalaan ng marami, partikular ang mga katoliko sa hindi pangkaraniwang kakayahan niyang nabanggit. Ano pa’t sa mga deboto ng simbahan ay mukhang higit pa yata na naging popular itong si Maria, kay sa di-umano’y anak niyang Dios na si Jesus. Narito at ang kahustuhan ng isang pamilya ay nagkaroon ng kaganapan sa pamamagitan ng Dios Ama, Dios Ina, at Dios Anak.

 

Ang paglalagay kay Maria ng Simbahang Katoliko sa kalagayang lumalapat sa katangian ng Dios, gayon din ang pagsamba sa mga nabanggit niyang larawan na inukit sa mga bagay ay madiin at mahigpit na tinututulan nitong balumbon ng mga banal na kasulatan (Bibliya).  Na ang wika ay gaya ng nasusulat,

 

ISA 43 :

11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

 

ISA 44 :

Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

 

Narito, at napakaliwanag na ang persona ng Dios ay iisa lamang at liban sa kaisaisang personang iyan ay wala na ngang iba pa. Iisang Dios nga lamang sa kaisaisa niyang persona. Ang katangian Niyang inihahayag sa itaas ay maliwanag din naman na tumutukoy sa pagiging tagapagligtas at manunubos. Lubhang malawak ang mga salitang iyan at dahil doo’y nararapat paglaanan ng kaukulang katanggaptanggap na pagsasalarawan.

 

Ang pagliligtas ay salita na lumalayong iiwas, o alisin (agawin) ang sinoman sa bingit ng kapahamakan, o ng kamatayan. Ang kaluluwa ay inililigtas sa pamamagitan ng pagsasabuhay at pagtalima sa kalooban (kautusan) ng kaisaisang Dios. Ang kasalanan ay tinutubos, o niwawalan Niya ng anomang kabuluhan, kung ang sinoman ay tatalikuran ang kaniyang kasamaan at matututong magbalik loob sa ating Ama na nasa langit. Kung lilinawin ay ang ang taos puso at may galak sa puso na pakikipag-isa sa katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungan, at buhay – na siya niyang anyo at wangis na masiglang umiiral sa kalupaan.

 

May isang tagapamagitan sa tao at sa Dios, at iyan ay ang kautusan. Mula sa pampang ng lupa ay matibay na natatayo ang isang tagapamagitan na siyang tulay tungo sa kabilang ibayo, na siyang pampang ng kalangitan. Patungong langit ay wala ngang ibang daraanan ang sinoman sa kalupaan, kundi ang salansan ng mga kautusan. Gaya ng hagdan ay mayroon itong sampung (10) baitang (sampung utos) at kailangang iyan ay hakbangang lahat ng sinoman sa pag-akyat niya sa sumusunod na palapag. Ang tagapamagitang ito ay ang kasangkapan na ibinaba ng Dios sa lupa, upang magamit ng  lahat sa pag-aadya, o pagliligtas sa anomang sumpa ng langit

 

Iyan ang napakaliwanag na ipinahihiwatig ng mga balumbon ng banal na kasulatan. Sa malinaw na kadahilanang iyan ay maituturing na isang napakalaking kasinungalingan at hayagang paghihimagsik sa mga salita ng Dios - ang sabihing maaaring mamagitan ang isang tao sa Dios at sa mga tao. Ano nga ang silbi niyan, kung ang ipinamamagitan mo namang kalipunan ay kabilang sa mga tampalasan (gentil) na pumipilipit at nagpapawalang kabuluhan sa kalooban ng Dios. Kalugodlugod nga sa Ama, kung ang sinoma’y ituturo sa kaniyang kapuwa ang tulay (kautusan) na nag-uugnay at namamagitan sa pampang ng lupa at sa pampang ng langit.

 

Ang Ama nga lamang natin na nasa langit bilang kaisaisang Dios ang may ganap na kapamahalaan na umako sa sala ng sinoman. Sa ibang paliwanag ay hindi ibibilang na kasalanan sa sinoman ang nagawa niyang sala, kung siya’y tatalikod sa kaniyang kasamaan at sisimulang tumalima sa mga kautusan. Walang karapatan at banal na kapamahalaan ang sinomang tao na umako sa sala ng kaniyang kapuwa. Kung sino ang may sala ay siya ang matuwid na papatawan ng kaukulang kaparusahan at iyan ang natatanging katuwiran ng kaisaisang Dios na nararapat tanggapin at ariin ng lahat na katotohanan.

 

Gaya nga ng nasusulat ay mariing sinabi,

 

EZE 18 :

21  NGUNI'T KUNG ANG MASAMA AY HUMIWALAY SA KANIYANG LAHAT NA KASALANAN NA KANIYANG NAGAWA, AT INGATAN ANG LAHAT NA AKING MGA PALATUNTUNAN, AT GUMAWA NG TAPAT AT MATUWID, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.

 

22  WALA SA KANIYANG MGA PAGSALANGSANG NA NAGAWA NIYA NA AALALAHANIN LABAN SA KANIYA: sa kaniyang katuwiran na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.

 

Ang binibigyang diin sa Eze 18:21-22 ay ang pagtalima sa kautusan, na magiging isang tiyak na kaligtasan kung susundin at isasabuhay ng sinoman. Gayon din naman na isa rin itong mabigat na kadahilanan sa ikamamatay ng kaluluwa ninoman, kung ito’y hindi bibigyang halaga at susuwayin. Bukod sa kautusan, dito ay walang sinasabing sinoman na tagapamagitan ng mga tao sa Dios, ni tagapagligtas man ng kaluluwa, kahit na manunubos man ng sala. Wala nga, Wala, maliban sa kaisaisang Dios at sa kaniyang mga kautusan.

 

Ang kaisaisang Dios nga lamang ang napakaliwanag at katotohanang makapagliligtas, makatutubos, at may kapamahalaang hindi ibilang na kasalanan ang sala ninoman. Sa madaling salita - iyan ay isang sagrado at matuwid na gawain ng banal na Espiritu, at walang ibang gumagawa niyan kundi ang Ama lamang natin na nasa langit.

 

Ang Birheng Maria, na tanyag sa tawag na “Mahal na Ina ng Awa,” ay hindi kailan man kinasumpungan ng anomang awtentikasyon (pagpapatunay) na mula sa mga balumbon ng mga banal na kasulatan (bibliya). Ang ibig sabihin nito, kung gayon ay hindi sinasangayunan ng katotohanan ang anomang banal na kalagayan at banal na gawaing inilapat sa kaniyang sarili ng mga pangahas na paganong Romano. Kung lilinawin pa ay bunga lamang pala ang lahat ng iyan ng kanilang mga pinaglubidlubid na kasinungalingan. Sa makatuwid ay isang hayagang pamumusong sa Dios ang tawaging si Maria na, “Mahal na Ina ng Awa.” Ang matuwid na sabihin, kung gayo’y “Mahal na Ama ng Awa,” sapagka’t hinggil dito ay sinabi ng kaisaisang Dios.

 

EXO 20 :

At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

 

Ano pa nga ba ang ating sasabihin, kung gayong ang Ama na natin ang nagbigay diin na siya ang kaisaisang nagkakaloob ng AWA sa lahat ng sa Kaniya ay nagsisi-ibig at nagsisitupad ng Kaniyang mga kautusan. Ang kaawaan ay nagmumula lamang sa ating Ama, at dahil dito ay hindi Niya tayo pinahihintulutan na tumawag at humingi ng awa sa kaluluwa ng mga taong nangamatay na, sapagka’t ang paggawa ng gayon ay pag-aaksaya lamang ng panahon at pawang walang kabuluhan. Lalabas ngang ang sinoma’y nakikipag-ugnayan sa mga patay, kung patuloy na tatawag sa kaluluwa ng namayapa ng si birheng Maria.

 

Ang gawaing iyan ay katotohanang karumaldumal sa Ama ng lahat ng kaluluwa, gaya ng napakaliwanag na nasusulat,

 

DEU 18 :

10  Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway,

11  O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o SUMASANGGUNI SA MGA PATAY.

12  Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay KARUMALDUMAL SA PANGINOON: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.

13  IKAW AY MAGPAPAKASAKDAL SA PANGINOON MONG DIOS.

 

Bakit nga kailangan pang tumawag at manalangin kay Maria at sa mga kinikilalang santo ng mga paganong relihiyon ng mga Romano, gayong tungkol sa panalangin ay iniutos ng sariling bibig ni Jesus ang direktang panalangin sa Ama nating nasa langit, na sinasabi,

 

MATEO 6 :

9  Magsidalangin nga kayo ng ganito: AMA NAMIN na nasa langit ka, SAMBAHIN NAWA ANG PANGALAN MO.

 

10  DUMATING NAWA ANG KAHARIAN MO, GAWIN NAWA ANG IYONG KALOOBAN, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.

 

11  IBIGAY MO SA AMIN NGAYON ANG AMING KAKANIN SA ARAW-ARAW.

 

12  At IPATAWAD MO SA AMIN ANG AMING MGA UTANG, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

 

13  At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi ILIGTAS MO KAMI SA MASAMA. Sapagka’t iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.

 

Maliwanag pa nga sa sikat ng araw na walang anomang pangangailangan ang sinoman na manalangin sa kanino pa man, kundi sa Ama lamang nating nasa langit. Ang panalangin kay Maria at sa mga santo ng paganong Romano ay maliwanag na niwawalang kabuluhan ng banal na katuruan ito na sinalita mismo ng sariling bibig ng Cristo.

 

Nasa dasal na ngang nabanggit ang lahat ng kakailanganin ng tao sa kalupaan, kaya wala ng anomang dahilan pa, upang ang mga tao ay mag-ukol pa ng dasal sa iba. Husto na nga ang lahat ng mga bagay na hinihingi sa panalanging iyan. Kaya naman, maging sapat na sana ang nabanggit na panalangin upang direkta ng maipa-abot sa ating Ama ang hinaing at panaghoy ng bawa’t isa sa atin.

 

Ang isa pang napakaliwanag dito ay hindi kailan man ipinahiwatig, ni inutos man ng tuwiran ni Jesus sa banal na kasulatan (Bibliya), na ang sangkatauhan ay nararapat na manalangin sa kaniya. Sa gayo’y lalabas na ngang isang hayagang panunuya at pamumusong sa Dios, kung ang sinoma’y mag-uukol pa ng dasal kay Jesus. Gayong maliwanag namang sa turo niya’y sa Ama lamang natin na nasa langit ang lahat ay matuwid na mag-alay ng kani-kanilang panalangin.

 

Tradisyon na ng mga paganong Romano ng Italiya na mag-ukol ng pagsamba sa maraming diosdiosan, kabilang dito ang pagkilala, pagsamba, at paglilingkod sa mga diosa, gaya nila Agenoria, Bellona, Fauna, Gallia, Iana, Laetitia at lubhang marami pang iba. Hindi man nila aminin ay maliwanag namang nakikita ng lahat na kalagayang diosa ang iniuukol nilang pagtingin at pagtanggap kay Maria. Ito’y dahil sa mga nabanggit na katangiang Dios na inilapat ng mga paganong Romano sa kaniya.  

 

Lubhang maliwanag ang utos hinggil sa usaping ito at dahil dito ay wala kaming nakikitang anomang balidong kadahilanan, upang ipagpatuloy ang banal na pagsamba kay Birheng Maria, upang deretsahang mungkahiin ang Ama natin sa kaniyang galit. Hindi nga lamang iyan ang utos ng Dios laban sa banal na pagsamba kay Maria, kundi ang maliwanag pa ring mababasa sa mga sumusunod na mga talata,

 

 EXO 20:

3  Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.

4 HUWAG KANG GAGAWA PARA SA IYO NG LARAWANG INANYUAN O NG KAWANGIS MAN NG ANOMANG ANYONG NASA ITAAS SA LANGIT, O NG NASA IBABA SA LUPA, O NG NASA TUBIG SA ILALIM NG LUPA:

5  HUWAG MONG YUYUKURAN SILA, O PAGLINGKURAN MAN SILA; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;

AT PINAGPAPAKITAAN KO NG KAAWAAN ANG LIBOLIBONG UMIIBIG SA AKIN AT TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

 

Hindi mahirap unawain ang una at pangalawang utos ng kaisaisng Dios na ating Ama. Dahil sa Siya’y iisa lamang at ang utos Niya’y huwag magkakaroon ang sinoman sa kaniyang mga anak ng mga diosdiosan na kanilang yuyukuran, sasambahin at paglilingkuran. Mahigpit Niya ring ipinagbabawal ang paggawa ng mga rebulto o larawan ng mga diosdiosan na inukit ng mga kamay. 

Ang nakatutuwa dito ay napakaliwanag na idinugtong ng ating Ama, na ang libolibo na umiibig sa Kaniya at tumutupad ng Kaniyang mga UTOS ay pinagpapakitaan pala naman Niya ng Kaniyang AWA.

 

DEUT 4:

16  BAKA KAYO'Y MANGAGPAKASAMA, at kayo'y gumawa sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng LALAKE o BABAE,

 

Ano nga? Ang mga tao mula sa madugong dikta at sapilitang udyok at utos ng paganong emperiong Roma ay tuluyan ng nangagpakasama sa kanilang mga sarili – nang simulan nilang magsi-ukit mula sa iba’t ibang bagay ng mga larawan ng LALAKE at BABAE, upang yukuran, sambahin, at paglingkuran bilang mga dios. Sa gayong karumaldumal na kaparaanan ay hindi napigilan ang tuloy-tuloy na pagpapakasama ng mga tao.

 

Buhay tayong mga saksi, kung paano pinapahalagahan ng marami ang rebulto ni Birheng Maria na gaya sa kalagayan ng Dios. Siya ay kanilang niluluhuran, sinasamba, at pinaglilinkuran. Bilang paglilingkod at pagsamba sa mga larawan niya na ginawa ng mga kamay ay DINADASALAN, NILULUHURAN, BINIBIHISAN NG IBA’T IBANG KASUOTAN (ube at asul), INAALAYAN NG MGA BULAKLAK, GINAGAYAKAN NG MGA MAMAHALING PALAMUTI, IPINUPRUSISYON,  PINAGSUSUNUGAN NG KAMANGYAN, PINAGPAPANATAAN,  at marami pang ibang uri ng karumaldumal na pagsamba at paglilingkod.

 

Ang lahat ng iyan ay hindi na nga lingid pa sa atin na mahigpit na kinokondena ng mga salita ng Dios na nilalaman ng Bibliya. Hindi lamang ang tungkol kay Maria, kundi sa mga santo ng simbahang Romano at kay Jesus bilang Dios anak. Sila’y magkakatulad na iginawa nila ng mga larawan at rebulto na yari sa iba’t ibang bagay.

 

Ano nga ba ang totoong sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga nagsisigawa (nagsisi-ukit), mapagsamba at mapaglingkod sa larawang rebulto ng mga diosdiosan at santo ng mga paganong Romano? Gaya nga ng madiing pinatototohanan ng banal na kasulatan ay winika,

 

Awit 114 :

ANG KANILANG MGA DIOSDIOSAN AY PILAK at GINTO, Yari ng mga kamay ng mga tao.

 

Sila’y may mga bibig, nguni’t  sila’y hindi nangagsasalita; Mga mata’y maroon sila, nguni’t hindi sila nangakakakita;

 

Sila’y may mga tainga, nguni’t hindi sila nangakakarinig, Mga ilong ay mayroon sila, nguni’t hindi nangakakaamoy;

 

Mayroon silang mga kamay, nguni’t hindi sila nangakakatangan; Mga paa ay mayroon sila, nguni’t hindi sila nangakakalakad; Ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.

 

ANG NAGSISIGAWA SA KANILA AY MAGIGING GAYA NILA; OO, BAWA’T TUMITIWALA SA KANILA.

 

deut 29 :

17  At inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal, at ang kanilang mga IDOLO, na kahoy at bato, pilak at ginto na nasa gitna nila:

 

JER 10 :

May pilak na pinukpok na dinala rito mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz, na gawa ng manggagawa at ng mga kamay ng panday; AZUL at KULAY UBE ang kanilang damit; gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.

 

dan 5 :

23  ... at iyong pinuri ang mga dios na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nangakakakita, o nangakakarinig man, o nakakaalam man; at ang Dios na kinaroroonan ng iyong hininga, at kinaroroonan ng lahat na iyong lakad, hindi mo niluwalhati.

 

Hab 2:

18 Anong napapakinabang ng larawang inanyuan na yao’y inanyuan ng manggagawa niyaon; ng binubong larawan, na TAGAPAGTURO NG MGA KASINUNGALINGAN, na tinitiwalaan ng nagaanyo sa kaniya, na gumawa ng mga piping diosdiosan?

 

Nakasanayang kaugalian (tradisyon) na ngang maituturing ang pagsamba ng marami sa gayong karumaldumal na mga bagay. Walang ipinagka-iba kung paano ginagayakan ng mga kasapi nitong relihiyong Romano ang mga sinasamba nilang rebulto ng mga diosdiosana at mga santo. Sa kabila noo’y mariing tinututulan nitong katuwirang biblikal ang gayong uri ng kasamaan. Sapagka’t ang mga yao’y walang magagawang anoman sa sinoman, palibhasa’y mga walang kabuluhan at inutil sa layuning inilalapat sa kaniya ng mga hangal. Dahil dito ay katotohanan ngang hindi nararapat katakutan ang bagay na ni alikabok sa kaniyang katawan ay hindi niya kayang magawang pagpagin.

 

Sa matuwa man, o sa magalit ang marami tungkol sa nilalaman ng artikulong ito ay wala kaming anomang magagawa. Inilahad lamang namin sa lalong maliwanag ang mga dako na ikinubli ng mga paganong Romano sa pusikit na kadiliman. Hindi kasalanan at hindi rin masama na ibunyag ang natatanging katuwiran ng Dios, datapuwa’t isang karumaldumal na gawain ang ilingid sa pang-unawa ng iyong kapuwa ang  nagtutumibay na katotohanan. Ito’y hindi panunuligsa, ni paninirang puri man. Bakit? Sapagka’t wala kaming nilikhang akusasyon, o mapaminsalang paratang kanino man, kundi ang sa amin ay paglalahad lamang sa maliwanag ng mga nasusulat, na walang dagdag at walang bawas.

 

Dapat bang kami’y kasuklaman ng marami sa paglalahad naming ito ng katotohanang nilalaman ng Bibliya? Hindi ba ang nararapat nilang tukuying tampalasan ay ang mga kampon ng kasamaan na nagkubli ng mga bagay na ito sa kadiliman? Hindi ba matuwid na bigyang diin sa mga sandaling ito, na ang malaking kalipunan ng mga taong nagsisiyukod, nagsisisamba, at nagsisipaglingkod sa mga rebulto at larawan ni Maria, Jesus, at ng mga santo ng simbahang pagano ay pawang kasuklamsuklam sa paningin ng kaisaisang Dios na nasa langit? Kasi nama’y kung alin ang kabawalan ng Ama na siyang masama ay yaon ang kinagigiliwan at kinahuhumalingan nilang gawin.

 

Suma bawa’isa nawa ang masaganang pagpapala ng kaisaisang Dios na Siyang Ama ng sangkatauhan. Na ang mga ito ay ganap na tumutukoy sa Katotohanan, Ilaw, Pag-ibig, Lakas, Paggawa, Karunungan, at Buhay.

 

ITO ANG KATURUANG CRISTO.

 

Hanggang sa muli. Paalam.

 

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento